GraceNotes
   

   Ilang Katanungan sa mga Calvinista



Ilalarawan natin ang mga Calvinista bilang mga taong komitado sa teolohiya ng 5-puntos ng TULIP. Sa akronim na ito, ang “T” ay total depravity (ganap na deprabidad)- ang mga hindi ligtas ay walang kakayahan sa kanilang sariling tumugon sa Diyos. Ang “U” ay unconditional election (walang kundisyong kahalalan)- sa isang masoberanyang utos, ang Diyos ay nagbabahagi ng biyaya sa mga hindi ligtas hiwalay sa kalooban o anumang merito ng mga tao. Ang “L” ay limited atonement (limitadong pagtubos)- si Jesus ay namatay para lamang sa mga halal, sa mga pinili ng Diyos sa Kaniyang soberanya bago pa ang pagkalalan ng panahon, at hindi para sa buong sangkatauhan. Ang “I” ay irresistible grace (biyayang hindi malalabanan)- ang mga hinalal ng Diyos sa kaligtasan ay hindi makatatakwil ng Kaniyang biyaya at ng mga kapakinabangan ng pagtubos ni Cristo. At ang “P” ay perseverance of the saints (pagtitiis ng mga banal)- ang mga halal ay magpapatuloy sa pananampalataya at mabubuting gawa hanggang sa katapusan ng kanilang mga buhay. Ang mga paniniwalang ito na siyang nasa kaibuturan ng Calvinismo ay ginagawa itong deterministiko (Ang Diyos ang masoberanyang nagpapangyari ng lahat ng nangyayari) at monergistiko (And Diyos ang nag-iisang Aktor, laban sa sinergistiko kung saan ang sangkatauhan ay maaaring makipagtulungan o tumugon sa Diyos). Ang -- Calvinismo ay nagtataas ng ilang signipikanteng katanungan.

Bakit kayo naniniwalang ang espirituwal na kamatayan ay ang ganap na kawalan ng kakayahang tumugon sa Diyos? Sila Adan at Eva ay nagawang tumugon sa Diyos sa hardin matapos nilang magkasala at mamatay espirituwal (Gen 2:17; 3:9-10). Bahagi ng pagkalalang sa larawan ng Diyos ay ang kakayahang tumugon sa mga espirituwal na katotohanan, na siyang dahilan kung bakit ang tao ay pinapanagot ng Diyos (Roma 1:19-28; Gawa 17:30). Ang pariralang “patay sa mga pagsalangsang at kasalanan” (Ef 2:1) a hindi nangangahulugan ng ganap na kawalan ng kakayahan, kundi ng ganap ng pagkahiwaly espirituwal mula sa Diyos. Ang alibughang anak ay tinawag na “patay” ngunit nagawa niyang magsisi (Lukas 15:17-24). (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 46).

Kung ang mga hindi halal ay hindi makatutugon sa Diyos, paano sila mapapanagot ng Diyos sa kanilang pagtakwil sa alok ng kaligtasan? Matuwid bang ikundena ng Diyos ang mga tao nang buong eternidad dahil hindi sila nanampalataya sa evangelio kung Siya mismo ang nagdeterminang hindi nila magagawang sampalatayahan ito? Hinahatulan Niya sila sa hindi pagtugon samantalang ginawa Niyang imposible sa mga ito na tumugon. Gagawin nito ang Diyos na May-akda ng kanilang kawalan ng pananampalataya.

Naniniwala ba kayong ang Diyos ay pag-ibig? Kung sinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak upang mamatay lamang sa iilan, hindi ba’t nililimitahan nito’t tinatakdaan ang Kaniyang pag-ibig. Hindi ito ang katangian ng Diyos na pag-ibig (1 Juan 4:8). Kung kaya ng Diyos na ibigin ang lahat ng tao, bakit hindi Niya ito gagawin? Kung magagawa ng Diyos na suguin ang Kaniyang Anak para sa iilan, bakit hindi para sa lahat?

Kung tinakda na ng Diyos noong una pa ang ilang tao upang tumungo sa impiyerno, bakit Niya pa nilalang sila? Mas ayon sa katangian ng isang maibiging Diyos ang huwag nang lalangin ang mga hindi halal kaysa lalangin sila at itapon sila upang magdusa kailan pa man.

Masasabi ninyo bang iniibig ninyo ang Diyos kung ito ay itinakda na ng Diyos noong una pa hiwalay sa iyong malayang pagpili? Ang pag-ibig ay nangangailangan ng malayang kalooban at personal na pagpili. Ang isang relasyon ng pag-ibig ay nakabase sa pagmamahal sa kada isa. Hindi matuturing na pag-ibig kung ang isang tao ay pinipilit ang iba. Kung ang pag-ibig ay dinikta ng Diyos, bakit ito ang pinakauna at pinakadakilang utos (Mat 22:36-39)?

Ano ang inyong basehan sa pagbabago ng kahulugan ng “lahat”? Nang sinabi ng Biblia na si Jesus ay namatay para sa mga kasalanan ng lahat o buong sanlibutan (1 Tim 2:3-4; 2 Tim 4:10), naniniwala ba talaga layong ang lahat ay hindi nangangahulugang bawat tao, kundi iilan lamang? Kailangan ninyong angkatin ang inyong teolohiya upang iinterpreta ang lahat bilang “lahat ng uri ng tao” sa halip na lahat ng tao sa mundo. Ang payak at simpleng kahulugan ng pangako sa Juan 3:16 ay ang buhay na walang hanggan ay bukas sa lahat ng tao sa mundo. Paano pa ba maipahahayag ng Diyos ang Kaniyang inklusibong pag-ibig? (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 48).

Paano ninyo maipagtatanggol gamit ang Biblia ang inyong paniniwalang ang kapanganakang muli ay nauuna sa pananampalataya? Hindi ba’t ito’y isang paglalapat ng inyong teolohiya sa malilinaw na tekstong nagtuturo ng kabaligtaran (gaya ng Juan 3:1-16; 5:24; 20:31)? Ang paniniwalang ito ay nakabase sa maling pagkaunawang ang ganap na deprabidad ay nangangahulugang ganap na kawalan ng kakayahang tumugon sa Diyos.

Dahil sa kayo’y naniniwala na ang kahalalan ng Diyos, ang hindi malalabanang biyaya, at ang regalo ng pananampalataya ay naggagarantiyang ang mga halal ay magtitiis sa mabubuting gawa, bakit ang Bagong Tipan ay may mga pangaral tungko sa pagsunod sa Diyos at sa nesesidad ng paggawa ng mabubuting gawa? Walang katuturang ipag-utos ang hindi naman maiiwasang mangyari.

Paano ninyo maibabahagi ang evangelio nang may kumpiyansa? Kung tinakda na ng Diyos na tanging ang mga halal lamang ang maliligtas, hindi ninyo masasabi sa mga hindi ligtas na mahal sila ng Diyos, o na si Jesus ay namatay para sa kanila, o na dapat silang sumampalataya sa Kaniya para sa kaligtasan. Maaaring ang ilan sa kanila ay hindi halal.

Paano ninyo maaalok sa kahit na sino ang buong katiyakan ng kaligtasan? Naniniwala kayong ang mga nagpahayag ng pananampalataya kay Cristo bilang Tagapagligtas ay kailangang magtiis nang husto at hanggang sa katapusan ng kanilang buhay upang patunayang sila ay tunay na ligtas. Ngunit dahil sa hindi ninyo mahuhulaan ang hinaharap, hindi kayo makaaalok ng buong katiyakan sa hinaharap. Naniniwala kayong ang lahat ng mga halal ay siguradong maliligtas, ngunit hindi ninyo malalaman kung ang isang tao ay halal hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay. Sinasalungat nito ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kung ang katiyakan ng kaligtasan ay nakadepende sa magagawa ng isang tao. (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 6, 28, 73)

Iniisip ninyo bang ang mga nilarawan ng Biblia bilang mga mananampalataya ay hindi halal dahil hindi sila nakatiis sa pananampalataya at mabubuting gawa? Halimbawa, si Saul ay namatay sa paghihimagsik laban sa Diyos, si Solomon ay namatay na mananamba sa idolo at isang mangangalunya, sila Ananias at Safira ay namatay na mga sinungaling at ang ilang mga taga-Corinto ay namatay habang inaabuso ang Hapunan ng Panginoon (1 Cor 11--:30). Wala sa mga ito ang dineklarang kundenado kailan pa man. (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 49, 55, 61).

Bakit ninyo tinatawag ang inyong mga sariling Calvinista? Ito ba ay dahil sa naniniwala kayo sa soberanya ng Panginoon? O dahil sa naniniwala kayong pinili ng Diyos ang iilan para maligtas? Maaaring masorpresa kayo ngunit ang mga paniniwalang ito ay pinanghahawakan ng ibang hindi Calvinista. Ang ilang hindi Calvinista ay naniniwalang ang Diyos sa Kaniyang soberanya ay nagdiktang ang mga tao ay magkakaroon ng malayang kalooban upang ang Kaniyang kalooban at ang kalooban ng mga tao ay magtutugma. (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 72).

Bakit nais ninyong ipangalan kay John Calvin? Alam ninyo bang karamihan sa mga Calvinista ngayon ay naniniwala nang iba sa tinuro ni John Calvin? Pagkamatay ni Calvin (1564), ang kaniyang mga paniniwala ay binago at isinakodigo sa Kanon ng Dort (1619), na hindi naman eksaktong sumasalamin sa kaniyang mga pananaw. Bakit hindi ninyo gamitin ang mga terminong “Cristiano” o “Biblisista” na nagtataas ng Salita ng Diyos kaysa interpretasayon ng isang tao?

Pagbubuod

Ang deterministikong sistemang teolohikal na tinatawag na Calvinismo ay puno ng mga problemang nagtataas ng maraming katanungan. Sa halip na hayaan silang pakilusin ng kanilang teolohiya, dapat hayaan ng mga Calvinistang pangunahan sila ng Biblia. Ang payak na kahulugan ng Bibliang inaral sa konteksto ay marapat na mauna kaysa interpretasyon ng tao, mapa si Calvin man o anumang pahayag eklesiyastiko. Ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo ay sinimulan ng Diyos ngunit nangangailangan ng tugon ng tao. Bahagi ng soberanya ng Diyos at hindi kalaban ng malayang kalooban ng tao. Gaya ng anumang tunay na relasyon ng pag-ibig, ang dalawang kalooban ay nagtutulungang magkasama na malaya sa anumang pwersahang pamimilit. Sa ganito ang Diyos ay naluluwalhati at ang esensiya ng ating humanidad ay inaapirma. (Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 75).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes