GraceNotes
   

   Unawain ang Pananampalatayang Nagliligtas



Ang Kasulatan ay napakalinaw na ang walang hanggang kaligtasan ay posible lamang sa pamamagitan ng pananampalataya: Ef 2:8 “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya” (pangngalan, pistis, Ef 2:8). Ang anyong pandiwa ng pananampalataya ay sumampalataya na mula sa kaparehong salitang Griyego: Juan 3:15 “upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa Kaniya ng buhay na walang hanggan” (pandiwa pisteo, Juan 3:15). Ang pananampalataya at sumampalataya ay mga salitang karaniwang nilalarawan ng maraming mga salita. Bilang isang pangngalan, ang pananampalataya ay maaaring mangahulugan ng kumpiyansa, pagsang-ayon, katiyakan, o pagtitiwala. Bilang isang pandiwa, ang sumampalataya ay maaaring mangahulugang makumbinse, mahimok, pagtanggap bilang totoo, o magtiwala sa isang bagay. Ang mas kontrobersiyal ay ang kalikasan ng pananampalatayang nagliligtas: Ang pananampalataya ba ay nagmumula sa Diyos at regalo sa isang tao, ang pananampalataya ba ay isang meritoryong gawa na nagmumula sa isang tao, o ang pananampalataya ba ay tugon ng isang tao sa isang katotohanan o isang pangako?

Ang pananampalataya ay hindi isang regalo/kaloob.

Ang ilan ay naniniwalang ang pananampalatayang nagliligtas ay dapat na isang regalo/kaloob mula sa Diyos. Ang pananaw na ito ay malimit na pinanghahawakan ng mga nanghahawak sa istriktong determinismo gaya ng tinuturo ng karamihan sa teolohiyang Reformed. Tinuturo nilang ang kaligtasan ay nakadepende lamang sa nagpapangyaring kalooban ng Diyos, na inaalis ang malayang kalooban ng tao at ng abilidad na manampalataya. Sinasabi nilang dahil ang tao ay ganap na walang kakayahang tumugon sa Diyos, ang pananampalataya ay marapat na galing sa Diyos. Ang ilan ay ginagamit ang Efeso 2:8 bilang suporta sa turong ang pananampalataya ay regalo ng Diyos para sa kaligtasan: Ef 2:8 “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios.” Ngunit marami kahit sa mga Reformed na komentarista ang kinikilalang hindi nito sinusuportahan ang pananaw na ang pananampalataya ang regalong binanggit, dahil sa Griyego ang panghalip na “ito’y” ay nasa neuter samantalang ang pantukoy sa “pananampalataya” ay nangangailangan ng pambabaeng panghalip (ganuon din ang “biyaya”). Subalit, ang neuter na panghalip ay maaaring magbuod ng isang kaisipan, kaya ang pinakamainam na paraan upang unawain ang kahulugan ng “ito’y” ay ang pagkaunawang ang kabuuan ng kaligtasan sa biyaya ang kaloob. Ito ay sinusuportahan ng konteksto at ng diin sa kaligtasan sa biyaya sa Efeso 1-2 (lalo na sa 2:4-9). Ang pariralang “ito’y hindi sa inyong sarili” sa v8 at “hindi sa pamamagitan ng mga gawa” sa vs 9 ay nagdadagdag linaw sa binibigay na diin sa kaligtasan sa biyaya. Malinaw ang mga problema sa pananaw na ito. Kung ang kaligtasan ay buong-buong mula sa Diyos na hiwalay sa partisipasyon ng tao, bakit kailangan pa ang pananampalataya? At sa anong diwa hindi makasasampalataya ang isang tao malibang siya ay bigyan ng Diyos ng pananampalataya? Hindi ba’t masasabi natin na sa esensiya, ang Diyos ang nanampalataya para sa kanila? Bukod pa diyan, paano makokondena ang isang tao sa kawalan ng pananampalataya kung sa katapus-tapusan ang lahat ay nakadepende sa naghahalal na kalooban ng Diyos kung sino ang maliligtas at mabibigyan ng pananampalataya? Ang tao ay inuutusang sumampalataya at tinatanong kung sila ay sumasampalataya, at ang dalawang ito ay nagpapanghina sa ideyang ang pananampalataya ay regalo ng Diyos (hal Mat 11:25-27; Gawa 16:31). Pinakikita ng Biblia na ang tao ay nilalang sa wangis ng Diyos at may abilidad na tanggapin o itakwil ang katotohanan ng Diyos sa evangelio. Ang alisin ang responsabilidad na ito ay ang itanggi ang esensiya ng pagiging tao. Hindi ibig sabihin na ang kaligtasan ay dahil lamang sa kalooban ng tao. Sa halip, ating kinikilala ang sinerhismo ng kalooban ng Diyos at ng kalooban ng taong magkasamang gumagawa. Ginagamit ng Diyos ang pakarinig ng Kaniyang Salita, partikular na ang gawa ni Cristo sa krus, upang kilusin ang tao sa pananampalataya at kaligtasan (Juan 3:14-15; 6:44; Rom 10:14-17; Para sa mas malalim na talakayan tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 42, 46, 75). Siyempre, ang Biblia ay may tinutukoy na pananampalatayang regalo sa Roma 12:3 at 1 Cor 12:8-9 ngunit ang mga konteksto ng mga ito ay nagbabanggit ng pananampalatayang binibigay sa mga mananampalataya, at hindi ang pananampalatayang nagliligtas ng hindi mananampalataya.

Ang pananampalataya ay hindi gawa.

Minsan sinasabi ng ilan na kung ang tao ay makasasampalataya sa kaniyang sariling kalooban, ito ay isang gawang meritoryo at kung ganuon ay hindi ang pananampalatayang nagliligtas. Kapag ating kinunsidera ang sinasabi ng Kasulatan at ng sentido-kumon, makikita nating ang argumentong ito ay isang absurdidad. Kung ang kaligtasan ay isang libreng regalong tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya (Rom 3:24, 28; Gal 3:10-11; Ef 2:8-9; Fil 3:9), ang pagtingin sa pananampalataya bilang isang gawa ay nagpapainda ng kalibrehan ng regalo, dahil sa sandaling ang isang tao ay sumubok na pagtrabahuhan ang kaligtasan, ang nosyon at kahulugan ng isang regalo (o ng biyaya) ay napawawalang saysay. Ang Roma 11:6 ay nagdedeklara:

Rom 11:6 Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya. Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng gawa, ay hindi na sa biyaya: sa ibang paraan ang gawa ay hindi gawa.

Sa madaling salita, ang mga gawang meritoryo ay kabalintunaan ng libre at walang kundisyong biyaya at kung ganuon ay salungat sa pananampalatayang kailangan upang tanggapin ang regalo. Walang kasamang gawa sa pagtanggap ng libreng regalo. Ito ay nilinaw ng Roma 4:4-5:

Rom 4:4 Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. 5 Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.

Walang saysay na angkining hindi tayo maliligtas ng mga gawa dahil ang kailangan ay pananampalataya, tapos aangkinin ding ang pananampalataya ay gawa. Ang ilan ay maaaring sabihing ang pananampalatayang nagmumula sa ating malayang kalooban ay isang gawang meritoryo, samantalang ang pananampalatayang ibinigay ng Diyos ay hindi meritoryo dahil ito ay sa Kaniyang biyaya. Ngunit ito ay patuloy na pagsasantabi sa pagtataliwas ng Kasulatan sa pananampalataya at gawa gaya ng ipinaliwanag ng Efeso 2:8-9 na nagsasabing ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay isang regalong “hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmapuri.”

Ang pananampalataya ay isang tugon.

Ang pananampalatayang nagliligtas ay isa lamang tugon ng isang tao sa alok ng evangelio na buhay na walang hanggan. Sa madaling salita, ang manampalataya sa ikaliligtas ay ang makumbinse, mahimok, at magkaroon ng katiyakan ng katotohanang si Jesucristo, na Siyang namatay upang bayaran ang penalidad ng kasalanan at bumangon mula sa mga patay, ay magbibigay ng buhay na walang hanggan kung tayo ay manampalataya sa Kaniya para sa pangako na iyan. Upang maging tumpak teolohikal, ang pananampalataya mismo ay hindi nagliligtas sa atin kundi ito ang kinakailangang pamamaraan upang matamo ang kaligtasan. Madalas nating gamitin ang mga terminong “nagliligtas na pananampalataya” o “ligtas sa pananampalataya” na maaaring magbigay ng maling pokus sa pananampalataya sa halip na sa Diyos na siyang pinanggalingan ng kaligtasan. Marahil mas magiging malinaw kung sabihin nating ligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa halip na ligtas sa pananampalataya. Ito ay kapareho ng pagkilalang matatamo natin ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, hindi dahil sa panalangin mismo (Roma 5:2; Heb 4:13).

Pagbubuod

Nakalulungkot na ang pagkaunawa ng pananampalatayang nagliligtas ay pinalalabo ng mga teolohikal na kakilingang nagsasabing ito ay isang regalo mula sa Diyos o na ito ay isang gawa kung mula sa kalooban ng tao. Salamat sa Diyos sa paggawa ng pananampalataya na maging kasing payak ng pagkakumbinseng ang isang bagay ay totoo, at ang katotohanang ito ay ang Panginoong Jesucristo ay binayaran ang penalidad ng ating mga kasalanan sa krus at bumangon mula sa mga patay upang magbigay ng buhay na walang hanggan bilang isang libreng regalo sa lahat ng nanampalataya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes