GraceNotes
   

   Ang Sinasadyang Kasalanan Ba Ng Hebreo 10:26 Mapapatawad?

Sa Hebreo 10:26-27 ay mababasa, Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” May ilang itinataltal mula rito na ang sinasadya o pagpapatuloy sa kasalanan ay hindi mapapatawad at ang kaligtasan ay maiwawala, o ang mga taong itong huhukuman ay hindi talaga ligtas sa pasimula pa lamang. Iniinterpreta nila ang paghuhukom bilang impiyerno.

Sino ang binabalaan?

Na ang mga binalaan ay tunay na mga ligtas ay napakalinaw. Ang gamit ni Pablo ng salitang “ating” ay hindi lamang isang retorika. Binabalaan niya ang mga mambabasa na gaya niya ay mga Cristiano rin (tingnan “Pagpapaliwanag ng Hebreo: Simulan sa Mga Mambabasa,” Tala ng Biyaya 15), ng isang bagay na posibleng gawin ng mga Cristiano. Ang panandaliang konteksto ay nagpapakita na ang babalang ito ay para sa mga “nakatanggap ng pagkakilala sa katotohanan” (v26), ay pinabanal (v29), nakikilala ang Diyos at sila ay “bayan Niya” (v30), “naliwanagan” at nagbabata dahil sa kanilang pananampalataya (v32), at may “pag-aaring lalong mabuti at tumatagal” (v34).

Ano ang sinasadyang kasalanan?

Dahil sa ang Biblia ay tinuturo sa lahat ng dako na ang taong minsang naligtas ay hindi maiwawala ang kaniyang kaligtasan (tingnan “Eternal na Kasiguruhan” Tala ng Biyaya 24), ang pagkawala ng kaligtasan ay hindi ang natatanaw dito. Bukod diyan, karamihan sa mga kasalanan ay intensiyonal at sinasadya. Subalit, kinikilala ng Biblia na may ilang kasalanan na hindi intensiyonal (Bilang 15:22-29). Marahil ang pagkalimot na manalangin para sa iba ay isang halimbawa ng hindi sinasadyang kasalanan. Ngunit sa maraming pagkakataon, alam ng nagkasala na siya ay nagkakasala.

Ang iba ay iniinterpreta ang sinasadyang kasalanan bilang pagpapatuloy sa kasalanan (NIV: “Kung ating sinasadyang magpatuloy sa pagkakasala”), ngunit ito ay pagbabasa ng higit sa nararapat sa pangkasalukuyang participle ng “magkasala.” Ang may-akda ng Hebreo ay malinaw na may kasalanang iniisip, at ito ay nagiging malinaw kapag ating kinonsulta ang konteksto. Pinayuhan nya ang kaniyang mga mambabasa na manghawak sa kanilang pagkakilala (3:6;4:14) at binalaan sila sa kapahamakang dulot nang hindi pagpapatuloy sa kanilang pananampalataya (6:1-8; tingnan ang “Paano Natin Ipaliliwanag ang Hebreo 6:4-8?” Tala ng Biyaya 39). Pinalakas niya ang alalahaning ito sa mga sitas bago ang babala sa sinasadyang kasalanan (10:23-25). Ang mga mambabasa ay malapit nang abandonahin ang kanilang pagpapahayag ng pananampalataya at bumalik sa Kautusan ni Moises at mga handog nito, at ito ang dahilan kung bakit tinalakay niya ang kawalang kasapatan ng mga handog Mosaiko lalo na sa kabanata 8 at patuloy.

Ang sinasadyang kasalanan ay ang sinasadyang pag-abandona sa kanilang pagpahayag ng kasapatan ng alay ni Cristo para bumalik sa hindi sapat na handog ng mga Judio. Ang may-akda ay sumulat sa kanila na si “Cristo ay hinandog minsan upang dalhin ang kasalanan ng marami” (9:28), na “sa isang paghahandog Kaniyang pinasakdal magpakailan pa man ang mga pinapagiging-banal” (10:4), at matapos patawarin, “wala nang paghahandog patungkol sa kasalanan” (10:18). Ang Kautusan ay walang maialok sa kanila dahil ito ay tumitingin sa pinakamataas na handog ni Jesucristo (10:1-10). Kung sila ay bumalik sa Kautusan, ang perpekto’t walang hanggang sakripisyo ni Cristo ay sapat na balutin kahit ang dakila at sinasadyang kasalanang iyan kung kaligtasan ang pag-uusapan, ngunit sila ay haharap pa rin sa matinding paghuhukom na walang kinalaman sa kanilang kaligtasan. Ang may-akda ay may binanggit pa lang na “Araw” (v25) na nagpapahiwatig na may pagsusulit, na alam natin ay ang Hukuman ni Cristo na tinuro sa ibang lugar sa Bagong Tipan (hal. Roma 14:10-12; 1 Cor 3:11-15; 2 Cor 5:10).

Ang background sa pagkaunawa ng pasaheng ito ay malamang ang Bilang 15:30-31. Dito makikita natin na para sa ilang seryosong (kapusukan) kasalanan ay walang handog na ibinigay, at samakatuwid ang mga nagkasala ay “ihihiwalay” sa bayan (papatayin). Ang may-akda ay nagsasabing kung aabandonahin ng mga Hebreo ang tanging sapat na handog sa ating mga kasalanan, sila ay huhukuman nang may kabangisan.

Ano ang hatol sa sinasadyang kasalanan?

Dahil sa ang may-akda ay gumagamit nang matigas na lenggwahe (“isang kakilakilabot na paghihintay ng paghuhukom at isang kabangisan ng apoy”) at nagbabanggit ng kaparushang mas masahol pa sa kamatayan (v30), marami ang nagbuod na tinatakot niya ang mga tao ng apoy ng impiyerno. Ngunit dahil sila ay mga Cristiano na hindi maiwawala ang kanilang kaligtasan at dahil ang tinatanaw ay ang Hukuman ni Cristo, hindi maaari ang buod na ito. Ang eksaktong kahatulan ay hindi espisipiko, tanging ang kabangisan nito. Mahirap nilayin ang paghuhukom na mas masahol pa sa kamatayan, ngunit ang karanasang pantao ay nagpapatunay na may mga pagkakataong ang kamatayan ay mas kaakit-akit kaysa matinding paghihirap (Tanungin ninyo si Jonas! Jonas 4:3). Ang may-akda ay kinukumpara ang hatol ng kamatayan sa mapusok na kasalanan ng Bilang 15:30-31, at ito ang pinakamatinding hatol ng panahong iyon. Ngunit sa liwanag ng kapahayagan tungkol sa Hukuman ni Cristo, alam nating ang mas mabangis na paghukom ay ang negatibong pagsusuri doon dahil sa mga implikasyong eternal nito.

Ang posibilidad ng negatibong pagsusuring ito sa Hukuman ni Cristo ay “isang kakilakilabot na paghihintay ng paghuhukom’ (cf 2 Cor 5:9-11) para sa mga hindi gumawa ng mabuti. Ang “kabangisang ng apoy na tutupok sa mga kaaway” (literal “nagliliyab na sikap” ay tumutukoy sa kasikapan ng paghatol ng Diyos laban sa kasalanan. Ang mga mananampalataya ay maaaring makaranas ng parehong sikap ng paghatol sa kanilang kasalanan gaya ng naranasan ng mga kaaway ng Diyos sa kanilang sarili, bagama’t ang resulta ay magkataliwas. Sa huli, ang mga mambabasa na hahatulan ay “Kaniyang bayan” (v30; isang sipi mula sa Deut 32:35-36). Hindi sila mahuhulog sa impiyerno, kundi sa “kamay ng buhay na Diyos” (v31). Bagama’t sa unang tingin ang apoy ay bumubuo ng kaisipan tungkol sa impiyerno, ang apoy ay madalas gamitin sa Lumang Tipan bilang paghatol o babala ng paghatol sa bayan ng Diyos (tingnan “Ang Hebreo Tungkol sa Apoy” Tala ng Biyaya 34).

Pagbubuod

Namatay si Jesucristo para sa lahat ng mga kasalanan, maging ang mga sinasadyang kasalanan, ngunit kung ang mga mambabasa ng Hebreo ay babalik sa mga handog Mosaiko, hindi sila makasusumpong dito ng mas dakilang probisyon sa kapatawaran ng kasalanan at sila ay haharap sa mabangis na paghuhukom sa Hukuman ni Cristo. Walang kanlungan mula sa penalidad ng kasalanan maliban sa handog na dugo ni Jesucristo. Ito ay babala sa atin na tumingin lamang kay Jesucristo sa kapatawaran ng kasalanan dahil sa Kaniyang ganap na epektibong kamatayan at pagkabuhay na maguli. “Dahil sa isang paghahandog Kaniyang pinasakdal magpakailan man lahat silang pinagpapaging-banal” (10:14).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes