GraceNotes
   

   Hindi Pagkakaunawaan sa Gawa 16:31

Simply By Grace Podcast

Halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, ang Apostol Pablo (kasama ang kaniyang kamanggagawang si Silas) ay sinagot ang tanong ng takot na tagapamahala ng bilangguan, “Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” Sumagot siya nang simpleng, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” Mula noon ang simpleng sagot na iyan ay nagpasimula ng debate sa kahulugan nito. Narito ang ilang kumon na maling pagkaunawa ng Gawa 16:31.

Maling Pagkaunawa #1: Ito ay nagbibigay ng sapat na mensahe ng ebanghelyo para sa kaninuman. Ang mga salita ba ni Pablo ay sapat na upang iligtas ang isang tao? Oo kung alam ng taong iyan kung Sino ang kaniyang sasampalatayahan, ano ang kahulugan ng manampalataya, at para saan sila nananampalataya sa Kaniya. Hindi, kung ang taong iyan ay may maling impormasyon kung sino si Jesus, maling pananaw kung ano ang kahulugan ng manampalataya, at maling pananaw sa kaniyang pangangailangan ng walang hanggang kaligtasan. Ang inirekord ni Lukas para sa atin sa Gawa ay isang pagbubuod ng isang tiyak na mas mahabang kwento. Ang mga salita ni Pablo ay kulminasyon ng isang gabing interaksiyon sa tagapamahala ng bilangguan. Ang ibang mga kwento sa Gawa ay nagpapakita sa atin kung ano ang tipikal na tinuturo ni Pablo at ng mga apostol (hal. Gawa 2:23-24, 36; 3:18-20; 4:2, 10; 5:29-31; 10:39-40; 13:29-30; 17:3; 26:22-23) at makakakita pa tayo ng karagdagang mga halimbawa sa kanilang mga epistula (hal Roma 3-8; 1 Cor 1:18-24; 2:1-2; 15:1-4; Gal 3:1; Fil 2:8-9; Col 2:12-14; 1 Ped 1:3, 18-21; 3:18). Inulat ni Lukas na si Pablo at Silas ay nanalangin at kumanta ng mga himno at ang mga bilanggo ay nakinig (v25). Ang punto ay, tiyak na ang tagapamahala ay nakarinig nang higit pa sa “Si Jesus ay nagliligtas.” Ngunit dahil sa ang panandaliang konteksto ay hindi nagsasabi sa atin ng lahat ng narinig ng tagapamahala ng bilangguan, ang mas malawak na konteksto ng balangkas ng pagtuturo ni Pablo ang nagmumungkahi nito. Ang tagapamahala ay malamang na narinig kung sino si Jesus, ang Kaniyang ginawa sa kawalang katuwiran ng tao, na Siya ay bumangon muli, at Siya ay nangako ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya. Sapat ang kaniyang narinig para malamang kailangan niya ng walang hanggang kaligtasan. Malinaw na ang hindi narinig o hindi naunawaan ng tagapamahala ay kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi nga ba’t ang kaniyang katanungan ay hindi tungkol sa persona o gawa ni Jesucristo, kundi ano ang dapat niyang gawin para magtamo ng kaligtasan?

Maling Pagkaunawa #2: Ito ay hindi sapat na kundisyon upang maligtas. Ang v31 ay nagbibigay diin na mayroon lamang isang simpleng kundisyon para sa kaligtasan. Sinagot ni Pablo ang simpleng tanong “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” ng isang simpleng kundisyon- manampalataya. Ang ilan ay maaaring magsabing na maaaring hindi narinig o naunawaang buo ng tagapamahala si Pablo o maaaring nalimutan ni Pablong ibahagi ang tamang paaan upang maligtas. Ang ilan ay magsasabing ang pagsisisi ay kailangan sa diwa ng kalungkutan at/o pagtalikod sa mga kasalanan, na ang mga kasalanang ito ay kailangang kilalanin at iwaksi. Hindi nirekord ni Lukas na si Pablo ay may sinabing anuman tungkol sa pagtalikod sa mga kasalanan. Ngunit kung nabanggit ni Pablo ang pagsisisi at kaugnayan nito sa kaligtasan, alam nating ito ay hindi sa diwa ng pagtalikod sa mga kasalanan bilang isang kundisyon. Si Pablo, gaya ng ibang may-akda ng Bagong Tipan) ay nauunawaan ang pagsisisi bilang pagbabago ng isipan o ng puso, isang bagong panloob na oryentasyon na hiwalay sa resultang panlabas na gawi (Tingnan Ang Tala ng Biyaya Blg 22 tungkol sa pagsisisi). Ang tagapamahala ay tiyak na may pagbabago ng isipan at puso tungkol sa isang bagay. Ang ilan ay maaaring magsabing ang gamit ni Pablo ng manampalataya ay sa katotohanan nangangahulugang magpasakop, ngunit gaya nang ating makikita ito ay isang maling paghawak ng teksto.

Maling Pagkaunawa #3: Ito ay paghingi ng pagpapasakop kay Jesucristo bilang Panginoon ng kaniyang buhay. Ang mga nagtuturo ng maling ito ay itinataltal na sinasabi ni Pablo sa tagapamahala na “manampalataya sa” (na ang pakahulugan nila ay magpasakop) “Panginoong Jesucristo” (na ang pakahulugan nila ay si Jesus bilang Panginoon ng kaniyang buhay). Maraming problema sa interpretasyong ito. Una, ang manampalataya (pisteuo) ay hindi nangangahulugang magpasakop. Nangangahulugan itong makumbinse na ang isang bagay ay totoo at katiwa-tiwala. Ganuon din ang “manampalataya sa” (o “kay”, eis) ay may kaparehong nagliligtas na bisa sa “manampalataya na” o ang manampalataya sa patotoo ng Diyos tungkol kay Jesus (hal Juan 5:24; 8:24; 11:42 kasama ang 45; 14:11 kasama ang 12; 20:31; Gawa 16:34; Roma 4:3; Tito 3:8; 1 Juan 5:1, 5). Ang manampalataya kay ay maaaring nagbibigay diin sa persona ni Jesucristo ngunit hindi ito isang espesyal na paraan ng pagpapahayag ng pagpapasakop sa Kaniya. Ito ay nagreresulta sa isa pang problema: ang pagpapalagay na ang gamit ni Pablo ng “Panginoon” ay isang paghingi ng pagpapasakop. Ginagamit ni Pablo ang kumon na titulong “Panginoon” (Kyrios) na madalas ay ipinapakilala si Jesus sa kung sino Siya (bagama’t minsan hindi ginagamit; hal Gawa 8:5, 35; 9:20; 13:38). Ito ay parehong titulo ng paggalang at pantukoy sa Kaniyang pagka-Diyos. Ang kaparehong termino ay ginamit sa pangmaramihang porma sa v30 nang ang tagapamahala ay tinawag sila Pablo at Silas bilang “mga ginoo” (pangmaramihang kyrioi). Kapag ginagamit kay Jesus, ang Kyrios ay nagpapakita hindi lamang ng paggalang kundi ng pagkilala sa Kaniyang pagka-Diyos (pansinin ang v34 “Nagsisampalataya sa Diyos”). Maraming aspeto ang pagka-Diyos maliban sa pagiging Panginoon (hal Hari, Tagapaglalang, Tagapag-ingat, Tagapagbigay ng pangangailangan, Mataas na Saserdote), kaya arbitraryong ipilit na sinasabihan ni Pablo ang tagapamahala na magpasakop kay Jesucristo bilang Panginoon ng kaniyang buhay. Kung hihingiin nating ang tagapamahala ay dapat na makiugnayan kay Jesus bilang kaniyang Panginoon dahil sa titulong Panginoon, kailangan din nating sabihing siya ay dapat makiugnay din sa iba pang terminong Jesus at Cristo. Dahil sa ang Jesus ay ang Kaniyang pangalang pantao at ang Cristo ay nagbabanggit ng Kaniyang gampanin bilang Pinili ng Diyos na magdala ng kaligtasan, ang Judiong Mesiyas, kailangan din nating ipilit na dapat maunawaan at magpasakop ang tagapamahala sa mga implikasyon ng pagkatao ni Jesus at sa teolohiya ng Mesiyas ng mga Judio. Ngunit hindi nanghihingi o umaasa si Pablo ng ganiyang sopistikasyong teolohikal mula sa isang pagano. Ginagamit ni Pablo ang “Panginoon” nang may paggalang at nang obhetibo para sa posisyun ni Jesus, hindi subhetibo bilang isang paghingi ng personal na pagpapasakop. Halimbawa, ang isang Amerikano ay maaaring tukuyin ang Pinuno ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos bilang “ang Pangulo” o “aking Pangulo” ngunit hindi magpasakop sa anuman at lahat na aspeto ng kaniyang awtoridad. Ang pagpapasakop ng tagapamahala kay Jesus bilang kaniyang Panginoon ay dapat na maging agarang lohikal at/o emosyonal na tugon sa nagliligtas na biyaya ng Diyos depende sa kung ano ang nalalaman niya sa mga utos at nais ni Jesus para sa kaniyang buhay. Ang tanong na dapat nating itanong ay kung paano malalaman ng isang paganong Romanong sundalo kung ano ang kabilang sa pagpapasakop kay Jesus bilang Panginoon ng kaniyang buong buhay, at malalaman ba niya ang lahat ng mga ito sa kaniyang nag-iisang interaksiyon kina Pablo at Silas? Bilang isang hindi mananampalataya, siya ay patay sa kasalanan, at kung ganuon ang hinihingi niya ay walang hanggang kaligtasan. Sa sandaling iyan hindi natin inaasahang tutugon sa libreng regalo ng biyaya sa pamamagitan ng pagpapasakop ng kaniyang buhay, dahil hindi pa niya naranasan ang biyaya at ang biyaya sa kaniyang kalikasan ay hindi matatamo sa pagpapasakop ng isang tao.

Maling Pagkaunawa #4: ito ay isang pangakong ang buong sambahayan ng mananampalataya ay maliligtas. Sa patriarkal na lipunan ng unang siglo, ang paggalang sa mga lalaki at sa ulo ng sambahayan ay may malaking impluwensiya sa lahat ng nasa bahay. Kaya, nang si Pablo ay mangaral sa sambahayan ng tagapamahala (na malimit ay binubuo ng pamilya at ng mga alipin), sila rin ay nanampalataya at nabautismuhan. Ngunit kung paanong ang tagapamahala ay kailangang manampalataya para sa kaniyang sarili, ganuon din ang bawat miyembro ng sambahayan. Ang kaligtasan ay laging nakadepende sa personal na tugon ng pananampalataya kay Jesus bilang kaniyang Tagapagligtas (Juan 3:16; 5:24; 14:6; Gawa 4:12). Ang pananampalataya ng isang tao ay walang bisa para sa ibang tao. Kahit si Jesus ay nagturo na minsan ang pananampalataya sa Kaniya ay naghahati ng pamilya (Mat 10:34-36). Sinabihan ni Pablo ang tagapamahala na siya ay maliligtas kung siya ay manampalataya, at ang mga nasa kaniyang sambahayan ay maliligtas din kung sila ay manampalataya rin (ito rin ang parehong pangako sa sambahayan ni Cornelio sa Gawa 11:14). Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa lahat ng nasa sambahayan (v32). Ang tagapamahala ay agad na nagpasakop sa bautismo at nagalak dahil siya ay “nanampalataya sa Diyos kasama ang kaniyang buong sambahayan” (v33-34). Bawat tao sa kaniyang sambahayan ay nanampalataya rin sa Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas at dahil diyan ay binautismuhan din.

Pagbubuod

Ang Gawa 16:31 ay isang simpleng pahayag sa isang diretsahang kwento ng kaligtasan na nagbibigay diin sa pananampalataya bilang nag-iisang kundisyon sa kaligtasan, ang tanging bagay na magagawa ng isang tao. Ang layon ng pananampalataya ay ang Panginoong Jesucristo, ang dibinong Tagapagligtas na pinili ng Diyos na gawin ang gawain para sa ating kaligtasan sa Kaniyang kamatayan at pagkabuhay na maguli. Walang hinihinging pagtalikod mula sa mga kasalanan o pagpasakop kay Jesus bilang Panginoong ng kaniyang buhay. Malinaw na ang bawat taong maliligtas ay dapat sumampalataya sa Jesus na ito para sa walang hanggang kaligtasan. Ang nakaranas ng biyaya ng Diyos, ang mga nanampalataya na, ay kailangan pagkatapos na magpasakop sa kalooban ng Diyos para sa kanilang mga buhay.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes