GraceNotes
   

   Mabuting Lupa Para Maging Alagad - Lukas 8:4-13

At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa’t bayan na nagsadya sa Kaniya ay nagsalita Siya sa pamamagitan ng isang talinghaga, “Ang manahahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan at napagyapakan at ito’y kinain ng mga ibon sa langit. At ang iba’y nahulog sa batuhan; at pagsibol ay natuyo sapagkat walang halumigmig. At ang iba’y nahulog sa mga dawagan at tumubong kasama ang mga dawag at yao’y nainis. At ang iba’y nahulog sa mabuting lupa at tumubo at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkasabi Niya ng mga bagay na ito, Siya ay sumigaw, “Ang may pakinig na ipakikinig ay makinig.” Lukas 8:4-8.

Ang parabula ng mga lupa ay matatagpuan sa tatlong Ebanghelyong Sinoptiko (Mat 13:18-23; Marcos 4:2-20; Lukas 8:4-15). Ang pokus natin ay nasa kwento ni Lukas. Sa Lukas lalo na, ginamit ni Jesus ang parabulang ito upang ipaliwanag ang layon ng lahat ng mga parabula at ilarawan kung paano ang mga tao tumutugon sa katotohanan ng Diyos. Ang parabulang ito ay lumalapat sa layunin ni Lukas na itala ang buhay ni Jesus sa paraang lilikha ng pananampalataya sa mga hindi ligtas at magpapabunga sa mga ligtas. Ang pagmumunga ay ang pangunahing katangian ng isang alagad (Juan 15:8). Ang parabula ay nagpapakita ng sentralidad ng Salita ng Diyos sa kaligtasan at sa pagiging alagad, at kung paanong ang ilang nanampalatayang hindi nagpapatuloy sa katapatan sa Salita ng Diyos ay magbunga.

Ang disenyo ng parabula

Ang parabula ay diretso ang pagkadisenyo. Ang manghahasik ay unang nabanggit, ngunit nawala sa likuran habang ang kapalaran ng binhi at ang kundisyon ng mga lupa ang naging sentro ng pokus. Malinaw na ang diin ay hindi sa manghahasik, o sa binhi mismo kundi sa kapalaran ng binhi na dinedetermina ng ibat’t ibang uri ng lupa.

Tinapos ni Jesus ang parabula, “Ang may pakinig na ipakikinig ay makinig!” (Lukas 8:8). Nagpapahiwatig ito na ang katotohanan ay mauunawaan lamang ng mga taong tumatanggap nito. Matapos sabihin ni Jesus ang parabula, tinanong ng mga alagad ang kahulugan nito, at ito ay nagresulta sa paliwanag ng disenyo ng Diyos sa parabula- liwanagan ang mga tumatanggap sa katotohanan tungkol sa kaharian ng Diyos at itago ang katotohanan mula sa mga ayaw tumanggap nito (Lukas 8:9-10). Sinipi ni Jesus ang isaias 6:9 kung saan sinabi ni Isaias na ang kaniyang ministeryo ay hindi tinanggap ng lahat. Sila Isaias at Jesus ay parehong nagministeryo sa bansang Israel na sa kabuuan ay hindi tumatanggap ng kanilang mensahe bagama’t may mga indibidwal na tumanggap dito.

Ang konteksto ng parabula

Sa interpretasyon ni Jesus ang manghahasik ay hindi nabanggit, na nagbibigay ng prominensiya sa binhi bilang Salita ng Diyos. Ang nakapalibot na konteksto ay tumuturo sa Salita ng Diyos bilang ang nahayag na katotohanang nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesus bilang Mesiyas. Bago ang parabula, kinuwestiyon ni Juan Bautista ang pagkakakilanlan ni Jesus (Lukas 7:18-21) kung saan tumugon si Jesus ng mga pag-aangking Mesianico (Lukas 7:22-28). Ang mga Pariseo at mga eskriba ay tumatakwil sa patotoo ni Cristo (Lukas 7:30), na nakikita ni Jesus bilang katangian ng buong henerasyong tumakwil sa Kaniya (Lukas 7:31-35). Sa kabaligtaran ng kabulagan ng mga Pariseo (na inilalarawan sa katangian ni Simon) ay ang kwento ng makasalanang babae na kinilala si Jesus at naligtas (Lukas 7:36-50).

Matapos ang parabula, ikinuwento ni Lukas ang kwento ng ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus na sinubukang lumapit sa Kaniya ngunit nahaharangan ng madla. Ginamit ni Jesus ang okasyong ito upang ipahayag na ang Kaniyang tunay na espiritwal na ina at mga kapatid “ay ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tinutupad ito” (Lukas 8:19-21). Sa paliwanag na ito, ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang kundisyon sa malapit at mabungang pagiging alagad na tinuturo ng parabula- ang tumutugon na pagsunod sa Salita ng Diyos (ikumpara ang Juan 8:31;15:7-8; 17:6).

Ang interpretasyon ng parabula

Ininterpeta ni Jesus ang parabula sa Lukas 8:11-15. Sa Kaniyang paliwanag sa mga alagad, sinabi ni Jesus na ang binhi na nahulog sa tabing daan ay inagaw ng diablo. Inilayo ng diablo ang Salita sa kanilang mga puso kaya ang mga ito ay hindi nanampalataya kung ganuon ay hindi naligtas kailan pa man.

Ang ikalawang lupa ay kumakatawan sa mga nanampalataya ngunit nagsiwalay. Ang ilang tao ay iniinterpreta ang pananampalatayang ito bilang superpisyal ngunit ang diperensiya ay ang haba at hindi ang sinseridad. Bagama’t ang mga detalye ng isang parabula ay hindi dapat bigyang diin kapalit ng pangkalahatang punto, hindi rin dapat isawalang bahala ang malilinaw na pahayag ng parabula. Kung sinabi ni Jesus na ang mga taong ito ay nanampalataya, sila ay nanampalataya, kahit pansamantala lang. Tukso ang dahilan kung bakit sila nahiwalay, na tila nagpapahiwatig ng pagkahiwalay sa katotohanan ng ebanghelyo. Bagama’t hindi inespesika kung ano ang tukso, tila ito ay isang bagay na humahamon sa kanilang pananampalataya sa katotohanan ng Salita ng Diyos, marahil huwad na doktrina o pag-uusig (Mat 13:21; Marcos 4:17). Ang mga tunay na mananampalataya ay maaaring mahulog sa huwad na doktrina (kaya ang Bagong Tipan ay maraming babala) o hindi handang buhatin ang kaniyang krus at magbata para kay Cristo, isang mahalagang kundisyon sa pagiging alagad (Lukas 9:23). Anuman ang dahilan, ang pagkahahiwalay ay hindi nangangahulugang naiwala ng mga mananampalatayang ito ang kanilang kaligtasan. Ang parabula ay tungkol sa kundisyon sa pagtitiis sa pamumunga at hindi pagtitiis sa kaligtasan.

Ang mga inilarawan ng ikatlong lupa ay malinaw na nagpapakita ng buhay ngunit ang paglago ay sinakal anupa’t hindi namunga. Sa katotohanan ay may nabanggit na bunga ngunit ito ay bubot, hindi sakdal. Ito ay dahil sa alalahanin, kayamanan at kalayawan sa buhay na naging dahilan upang hindi sila lumago sa katotohanan ng Siyos. Kalaunan tinuro ni Jesus na ang pangunahing katangian ng isang disipulo ay ang pagtanggi niya sa kaniyang sarili (Lukas 9:23), isang bagay na hindi magawa ng mga mananampalatayang ito.

Ang layunin ng Salita ng Diyos ay dalhin ang mga tao sa pananampalataya at pamumunga. Ito ay nilarawan ng mabuting lupa, na inilarawan bilang may mga “pusong timtiman at mabuti.” Ang pokus ng parabula ay hindi ang aktibidad ng manghahasik o ang kapangyarihan ng Salita kundi ang predisposisyun ng puso ng isang tao. Hindi nito pinaliwanag kung bakit ang ilang puso ay madaling mahiwalay sa katotohanan o malibang ng kalayawan ng sanlibutan o bukas at tumatanggap ng katotohanan; sinabi lamang nito ang kalagayan ng mga puso. Ang mga tukso at distraksiyon sa pananampalataya ng isang tao, sa kanilang sarili, ay hindi makapaliliwanag kung bakit ang ibang puso ay hindi matabang lupa sa paglago. Tunay na may mga mabungang mananampalatayang nahayag sa pareho, ngunit dahil sa kabutihan ng kanilang puso sila ay mataba at mabunga. Sa huli at mula sa pananaw pantao, ang mga mananampalataya ay responsable sa kanilang sariling puso at kung paano tumugon sa Salita ng Diyos. Ang pagpapatuloy sa katotohanan ng Diyos ang susi sa pamumunga. Hindi ito pagtitiis upang maligtas kundi pagtitiis sa pamumuhay ng Salita ng Diyos.

Ang responsabilidad ng tagapakinig ay binigyang diin ng parabulang sumusunod sa parabula ng lupa (Lukas 8:18-18). Ang taong may liwanag at binabahagi ang liwanag na iyan ay isang taong reseptibo. Ang babalang binigay ni Cristo ay, “Magingat kung paano kayo makinig.” Ang predisposisyon ng puso ay hindi isang bagay na maisisisi sa panlabas na pangyayari, ngunit nagmumula sa gawi ng paglinang sa katotohanan at paghahanap ng mabuti. Sa mabuti at tapat na katiwala ng katotohanan, ang Diyos ay nagbibigay ng higit na katotohanan.

Aplikasyon ng parabula

Ang mga naghahasik ng Salita ng Diyos ay dapat ikalat ito sa lahat ng tao, ngunit mayroong pagkatanto na ang mga tao ay magkakaiba ang tugon. Dapat nilang pagyamanin kung ganuon ang mga reseptibo at mabunga.

Ang maghahasik ay dapat ikalat ang Salita ng Diyos, hindi ang kaniyang salita. Sa abot na ang Salita ng Diyos ay nababawasan sa ating mensahe, ang responsabilidad ng taong tumanggap at sumunod dito ay nababawasan din. Ito ay nagtataas sa kahalagahan ng pangangaral at pagtuturong ekspositori. Ang Salita ng Diyos na itinuro sa konteksto ay may awtoridad na mangumbinse, magbago ng buhay at mamunga. Ang mga programa sa pag-aalagad ay dapat targetin ang puso ng tao ng Salita ng Diyos.

Panghuli, dapat nating imonitor ang ating sariling mga puso at baka tayo ay mahulog sa mga huwad na turo o sa pansanlibutang layaw na pipigil sa ating pamumunga para sa Panginoon. Isang tiyak na paraan upang makatanggap ng mas marami mula sa Panginoon ay ang magbahagi nang higit pa mula sa Panginoon sa pamamagitan ng paglalagay ng ating ilawan sa patungan upang makita ng lahat. Ang matapat na alagad ay namumunga at nagdadala ng katotohanan ng Diyos sa sanlibutan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes