GraceNotes
   

   Biyaya Laban sa Karma

Bilyong tao sa mundo ang sumusunod sa mga relihiyong nagtuturo ng batas ng karma (halimbawa, Budismo, Hinduismo at Sikhismo). Marami ring mga Cristiano na nagsasalamin ng konsepto ng karma sa kanilang pag-iisip. Paano ba maikukumpara ang karma sa biblikal na konsepto ng biyaya?

Ano ang karma?

Ang salitang karma ay nangangahulugang aksiyon o gawa. Sa pinakabasikong konsepto, ang karma ay ang paniniwalang ang ating mga kilos ay nagdadala ng katapat na reaksiyon. Sa mas popyular na termino, natatanggap natin ang dapat nating matanggap o “ang anumang umiikot ay iikot pabalik.” Ang iba ay nakikita ang karma bilang batas ng sansinukob, samantalang ang iba ay hinahayaan ang isang diyos na magkontrol o magdispensa ng mga epekto ng karma. Ang mga konsekwensiya ng karma ng isang tao ay maaaring maranasan sa buhay na ito o sa hinaharap (gaya ng reinkarnasyon, ang paniniwalang tayo ay bumabalik upang mabuhay ulit sa ibang anyo).

Pagkakahawig sa katotohanan ng Biblia

May pagkakahawig sa pagitan ng karma at ng mga katotohanang masusumpungan natin sa Biblia. Halimbawa, ang Biblia ay nagtuturo na ang Diyos ay katarungan sa diwang pinaparusahan Niya ang masama at ginagantimpalaan ang mabuti. Ang aklat ng Kawikaan ay nagbibigay ng maraming prinsipyo na nagpapakitang ang mabubuti at masamang kilos ay nagdadala ng mabubuti o masasamang konsekwensiya. Ang ilan ay tinuturo sa Galacia 6:7 na nagsasabing, “Huwag kayong padaya, ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya niya ring aanihin” (tingnan ang talakayan sa ibaba).

Bilang karagdagan, ang Biblia ay nagtuturo na ang mga konsekwensiyang ito ng ating mga gawa ay maaaring maranasan sa buhay na ito o sa susunod. Sa buhay na ito, ang mga masamang gawa ay may mga negatibong konsekwensiya gaya ng pagpigil sa ating pakikisama sa Diyos at sa tao, kahirapan, sakit, kamatayan, atbp. Ang mabubuting gawa ay may kasalungat na positibong mga konsekwensiya. Bagama’t ang Biblia ay hindi nagtuturo ng reinkarnasyon, nagtuturo ito na ang mga mananampalataya ay may buhay sa hinaharap sa kaharian ng Diyos. Ang mga mabubuti o masasamang kilos sa buhay na ito ay maaaring magbawas o magdagdag sa ating karanasan sa kaharian (Mat 25:14-30; 2 Tim 2:12; Pah 22:12).

Ang Pagkakaiba sa katotohanan ng Biblia

Bagama’t may ilang iniisip na inaapruban ng Biblia ang konsepto ng karma, ang pagkakaiba ay napakalaki. Ang turo ng Biblia ay higit na superyor sa konsepto ng karma.

Hindi tinuturo ng Biblia na ang sansinukob ay nakukulong sa karma o sa anumang batas ng sansinukob. Oo, dinisenyo ng Diyos ang sansinukob na kumilos ayon sa ilang mga basikong prinsipyo ng katarungan at retribusyon, na karamihan ay nabangit at nakakalat sa buong Biblia. Ngunit maaring baguhin ng Diyos ang mga batas na Kaniyang ginawa at hindi Siya alipin ng mga prinsipyong ito. Bagama’t Siya ay matuwid, Siya rin ay mapagmahal, at ang Kaniyang pagmamahal ay maaaring higitan ang Kaniyang katarungan sa atin. Pag dating sa ating kaligtasan, “Ginawa Niya Siya [si Jesus] na hindi nakakilala ng kasalanan, na maging kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa Kaniya” (2 Cor 5:21). Tinupad ng Diyos ang Kaniyang katarungan sa pamamagitan ng pagkuha ng kabayaran sa ating mga kasalanan, ngunit ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kaniyang Anak na namataya bilang ating kahalili. Ito ay salungat sa inaasahan ng karma.

Sapagkat mahal tayo ng Diyos, at dahil nabigyang-kasiyahan ng Anak ang Kaniyang katarungan, ang Diyos ay mabibigyan tayo ng Kaniyang buhay na walang hanggan, ang Kaniyang katuwiran, at ang Kaniyang kapatawaran para sa lahat nating mga kasalanan. Sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniyang Anak nabigyan tayo ng isang bagay na hindi sana natin dapat matanggap. Samantalang kinukulong ng karma ang isang tao sa siklo ng katarungan may retribusyon, winasak ng Diyos ang siklong iyan ng Kaniyang biyaya. Samantalang sinisiguro ng karma na makukuha ng isang tao ang marapat niyang matanggap, ang biyaya ay ginagarantiya na makukuha ng isang tao ang bagay na hindi nararapat tanggapin. Sa depinisyon, ang biyaya ay isang libreng regalo na hindi tayo nararapat tumanggap.

Ang Biblia ay nagtuturo na ang biyaya ng Diyos ay maaaring wasakin ang siklo ng kasalanan gamit ang pagpapala. Halimbawa, ang sabi ng Awit 103:10, “Hindi Niya tayo pinakitutunguhanayon sa ating mga kasalanan, ni ginantihan tayo nang ayon sa ating kasamaan”. At sa Roma 5:8 sinasabi, “Itinagubilin ng Diyos ang Kaniyang sariling pag-ibig sa atin, nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo namatay para sa atin.”

Sa isang banda, hinahayaan ng Diyos ang masasamang mga bagay na mangyari sa mga mabubuting tao. Sa Lumang Tipan, si Job ay tinawag na pinakamatuwid na tao sa lupa, ngunit siya ay nagbata ng kahilahilakbot na mga bagay. Sa Bagong Tipan, ang perpektong Anak ng Diyos ay kinondena nang walang katarungan, at pinako sa krus. Malaya ang Diyos na kumilos labas sa Kaniyang normal na disenyo. Ito ay taliwas sa marahas na dikta ng karma.

Taliwas sa reinkarnasyon na nagtuturong ang tao ay tatanggap ng bagong buhay upang pahusayin ang kaniyang karma, ang Biblia ay hindi nagtuturo na ang sinuman ay may ikalawang pagkakataon matapos ang buhay na ito. Inaalis nito ang anumang dahilan upang mamuhay nang iresponsable ngayon at gawin na lamang ang kabutihan sa susunod na buhay. Lahat ng tao ay mananagot sa isang paghuhukom na darating pag sila ay namatay (Heb 9:27) o kung ang Panginoong Jesus ay dumating (Juan 5:28-29). Sa mga hindi nanampalataya kay Jesucristo ito ay paghukom dahil sa kawalan ng pananampalataya at sa masasamang gawa ng mag-aani para sa kanila ng walang hanggang kaparusahan sa lawa ng apoy (Pah 20:13-15). Para sa mga sumampalataya kay Jesucristo ito ay pagsusuri ng kanilang mga gawa sa hukuman ni Cristo upang makita kung sila ay karapatdapat ng walang hanggang gantimpala (Roma 14:10-11; 2 Cor 5:10).

Isang malapitang pagsilip sa Galacia 6:7

Ang pasaheng ito ay malinaw na nagtuturong aanihin natin ang ating inihasik. Ngunit ilang bagay ang dapat bigyang pansin. Una, bagama’t ito ay hinayag bilang dibinong prinsipyo, ang Diyos ay malayang isantabi ang Kaniyang sariling mga prinsipyo ng retribusyon at gantimpala. Kung hindi Niya ito gagawin, walang makasalanang maliligtas.

Gayundin, kung ang isa ay tapat sa konteksto ng Galacia 6, ang sitas na ito ay hindi tumatalakay ng kundisyon para sa kaligtasang walang hanggan (ito ay tinalakay na nang una sa kabanata 3), kundi ng mga konsekwensiya para sa mga Cristianong namumuhay sa Espiritu o kaya ay sa laman (Gal 5:21-26). Ang empasis sa konteksto ay pagpayo sa mga Cristianong gumawa ng mabuti yamang sila ay namumuhay sa ilalim ng biyaya at hindi ng kautusan. Kung ang mga Cristiano ay mamumuhay ayon sa Espiritu (at hindi sa laman), sila ay magkakaroon ng mas mayamang karanasan ng buhay na walang hanggan ng Diyos sa hinaharap (6:8-9). Hindi ito karma kundi dibinong motibasyon at gantimpala sa personal na responsabilidad.

Pagbubuod

Daig ng biyaya ang karma. Sa karma, walang pag-asa hiwalay sa kung ano ang magagawa natin para sa ating mga sarili sa pamamagitan ng ating sariling pagod. Ang Biblia ay nagtuturo, at ang ating karanasan ay nagpapakita, na tayo ay makasalanan sa kalikasan at kung iiwan sa ating mga sarili ay gagawa ng kasamaan at kung ganuon ay nararapat sa kaparusahan. Subalit ginawa ng biyaya ang hindi natin magagawa. Bingiyan nito tayo ng buhay na walang hanggan kahit hindi tayo karapatdapat at binigay sa atin ang Espiritu ng Diyos upang tulungan tayong gumawa ng kabutihan. Sinumang umaasa sa karma para sa mabuting buhay ngayon o sa hinaharap ay marapat na tumakbo kay Jesucristo para sa Kaniyang regalo ng biyaya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes