GraceNotes
   

   Kabanalan: Kaninong Gawain Ito?

Ang Biblia ay madalas gumamit ng terminong pinabanal (Ang parehong Griyegong salita ay nasa likod ng mga salitang sanktipikasyon, mga santo, at banal) na nangangahulugang isantabi mula sa kasalanan patungo sa Diyos, maging banal. Ang sanktipikasyon o kabanalan ng isang Cristiano ay may tatlong aspeto: sa nakalipas (posisyunal na pag-aaring matuwid), sa kasalukuyan (nagpapatuloy na sanktipikasyon) at sa hinaharap (ganap na kaluwalhatian). Alam nating ang pag-aaring matuwid at ang kaluwalhatian ay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi sa ating mga pagpapagal o gawa. Masasabi rin ba natin ito sa ating pangkasalukuyang karanasan ng kabanalan?

Ang sanktipikasyon ay sa biyaya

Ang sanktipikasyon (gagamitin natin ang salita upang ipakahulugang pangkasalukuyang nagpapatuloy na sanktipikasyon) ay sa biyaya dahil ang Diyos na umari sa ating matuwid ay ang nagbigay din ng lahat nating kakailanganin sa ating landas sa pinal na kaluwalhatian (Roma 8:29-32). Ang tatlong persona ng Diyos ay may aktibong bahaging ginagampanan sa ating sanktipikasyon: Ang Ama (Juan 17:17; 1 Tes 5:23), ang Anak (Ef 5:26; 1 Juan 1:7); at ang Espiritu (Roma 15:16; 2 Cor 3:18). Ang Diyos ay gumagamit din ng iba’t ibang paraan para sa ating sanktipikasyon gaya ng Kaniyang Salita, Kaniyang Espiritu, ang iglesia, mga pagsubok at iba’t ibang karanasan. Ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nagbigay sa atin ng kapanganakang muli nang ariin tayong matuwid ay ang kaparehong kapangyarihang nagpapabanal sa atin sa pamamagitan ng buhay ng bumangong Cristo.

Bahagi ng sanktipikasyon ang nakikitulungang tugon sa biyaya ng Diyos

Dahil sa ang Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan, ang sanktipikasyon ay sa biyaya, at hindi awtomatiko. Kung oo, di sana’y lalago ang lahat ng mga Cristiano nang sabay-sabay at walang sinuman ang dapat magbigay sulit sa kawalan ng paglago o pagkatengga. Ngunit alam nating ang mga Cristiano ay hindi lumalago nang sabay-sabay o nagpapatuloy nang may kaparehong antas ng kabanalan. Alam nating ang Hukuman ni Cristo ay hihingi ng pagsusulit sa mga Cristiano kung paano nila ginamit ang kanilang mga buhay (Roma 14:10-12; 2 Cor 5:9-10), na nagpapahiwatig nang iba’t ibang antas ng paglago sa kabanalan.

Ito ang dahilan kung bakit maraming pasahe ng Biblia ang nagbibigay sa mga Cristiano ng responsabilidad na lumago espirituwal (hal Roma 12:1-2; 2 Ped 3:18). Subalit, ang Biblia ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang mga Cristiano ay dapat makipagtulungan sa Diyos.

1 Corinto 15:10. Datapuwa’t sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako nga’y ako, at ang Kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay nawawalan ng kabuluhan. Bagkus, ako’y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat; bagama’t hindi ako,kundi ang biyaya ng Diyos na sumasa akin.

Filipos 2:12-13. Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig. Sapagakt ang Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa Kaniyang mabuting kalooban.

Colosas 1:29.. Na dahil dito’y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa Kaniyang paggawa na siyang sa akin gumagawa na may kapangyarihan.

2 Pedro 1:3-4 kasama ang 5-6. ... Yamang ipinagkaloob sa atin ng Kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkilala sa Kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan. Na dahil dito ay ipinagkaloob Niya sa atin ang Kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako ... at dahil din dito sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananamapalataya ang kagalingan, at sa kagalingan ay ang kaalaman, at sa kaalaman ay ang pagpipigil...

Marahil isang larawan ang makatutulong maunawaan ang kinakailangang kooperasiyon. Upang ang isang sanggol na babae ay lumago, kailangan siyang pakainin ng kaniyang mga magulang. Ngunit totoo ring upang siya ay lumago kailangan ng sanggol na kumain. Ang dalawang pahayag na ito ay parehong totoo dahil ang paglago ng isang sanggol ay isang pagpapagal na nangangailangan ng tulungan.

Ang sanktipikasyon ay pinapasilidad sa pamamagitan ng pananampalataya

Ang biyaya ng Diyos sa kabanalan ay nariyan sa anyo ng lahat ng kailangan natin upang lumago kay Cristo. Ngunit gaya ng walang hanggang kaligtasan, ang mga mabiyayang bagay na ito ay matatamo sa pamamagitan ng pananampalataya.

Roma 5:1-2. Yaman nga na mga inaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. Sa pamamgitan din naman Niya’y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo...

Galacia 2:20. Ako’y napako sa krus na kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin; at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalatayang ito ay sa Anak ng Diyos na sa akin ay umibig at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin.

Ang pananampalataya ay nanghahawak at gumagamit ng kapangyarihan at mga pangako ng Diyos at ito ang nagdadala ng espirituwal na paglago.

Pagbubuod

Ang bawat Cristiano ay pinabanal ng biyaya mula sa sandali ng pag-aaring matuwid, sa pangkasalukyang sanktipikasyon, hanggang sa pinal na estado ng kaluwalhatian. Ngunit ang paglago ng ating pangkasalukuyang santipikasyon ay iba-iba depende sa ating pananampalatayang pumapasok sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa atin kay Cristo. Ang santikipikasyon ay kalooban ng Diyos para sa atin (1 Tes 4:3; Heb 12:14; 1 Ped 1:14-15), ngunit ito ay hindi awtomatikong gawa ng Diyos, at hindi rin ito mula lamang sa ating pantaong lakas. Ang mga Cristiano ay pinabanal ng biyaya ng Diyos na ginagamit sa pamamagitan ng pananampalataya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes