GraceNotes
   

   Biyaya sa Paglilingkod



Ang biyaya ay hindi lamang isang terminong teologo na tumutulong sa atin na maunawaan kung paano binahagi ng Diyos ang Kaniyang walang kundisyong pag-ibig sa atin, ito ay isa ring terminong moral na dapat makaimplwensiya sa ating mga gawi, lalong lalo na sa paglilingkod. Lahat ng mananampalataya ay tinawag upang maglingkod sa katawan ni Kristo, ngunit ang paglilingkod na iyan ay pinakaepektibo kung sinasalamin nito ang pag-ibig at biyaya ng Diyos. Bilang panimula, kailangan nating maunawaan na ang biyaya ay hindi lamang nagliligtas sa atin ngunit nagbibigay sa atin ng pribelihiyo at ng kakayahan na maglingkod sa iba (Rom 1:5; 1 Cor 15:10; Ef 3:7; 1 Ped 4:10). Ito ang ilan sa mga paraan upang magkaroon ng biyaya sa iba’t ibang paglilingkod.

Sa Katawan ng Iglesia . Ang paglilingkod ng biyaya ay dapat magsimula sa pangunahing kautusan na mahalin ang Diyos at ang bawa’t isa (Mat 22:37-39). Iniibig natin ang Diyos kapag ating pinahalagahan ang Kaniyang pag-ibig sa atin (1 Juan 4:19). Hindi laging madali ang ibigin ang mga tao sa iglesia ngunit ang biyaya ay nagbibigay sa atin ng kakayahang gawin ito. Ang 1 Corinto 13 ay naglalarawan ng uri ng pag-ibig na sumasalamin sa biyaya ng Diyos sa iba. Ang paglalarawan ay nagsimula sa “Ang pagibig ay mapagpahinuhod.” Dapat tayong maging mapagpahinuhod sa mga tao upang bigyan sila ng oras at lugar na lumago habang binabago sila ng Banal na Espiritu mula sa loob. Ang panlabas na pagmamanipula ay maaaring magresulta sa panlabas na pagsunod, ngunit hindi ito nangangahulugan ng panloob na pagbabago. Ang pagibig ay magandang-loob (v. 4) na nangangahulugang tayo ay dapat maging maalalahanin at mapagbigay sa iba. Kung tayo ay hindi sumasang-ayon sa kapawa natin mananampalataya sa mga usaping hindi malinaw na pinag-uutos ng Kasulatan, ang biyaya ay nagtuturo sa atin na magpakita ng pag-ibig at pagtanggap, hindi pagmamaliit o paghukom (tingnan Rom 14:10-23). Maisabubuhay din natin ang biyaya sa mabiyayang pagbibigay sa nakikita nating pangangailangan ng mga nasa palibot natin at sa iglesia mismo. Nagbibigay tayo sa iba gaya ng mabiyayang pagbigay sa atin ng Diyos (2 Cor 9:6-15). Ang paggalang at pagrespeto sa ating mga pinuno sa iglesia ay sumasalamin din sa mabiyayang pag-uugali ng Diyos sa lahat./p>

Sa Paglilingkod ng Pastor. Bukod sa pag-ibig at pagpapahinuhod na hinihingi sa lahat ng mananampalataya, ang mga pastor ay may espesyal na pribilehiyo ng paglilingkod sa tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng pamumuno, pamamahala, pagtuturo, pagpapayo, at pagtugon sa mga pangangailangan. Bilang katiwala ng biyaya ng Diyos, ang mga pinuno ay sumasalamin sa biyayang iyan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang sarili alang-alang sa iba. Ito ay isang posisyon ng huwarang tagalingkod at hindi pagmamanginoon (1 Ped 5:2-3). Ang mga nasa posisyon ng pagpapastor ay hindi dapat kinokontrol ang mga tao na may kasamang pananakot o alituntunin ngunit pinapalaya sila na lumago sa biyaya. Ang pastor (o matanda) na ginagabayan ng biyaya ay nauunawaan na ang pinakamahusay na motibasyon sa pagbabago ay ang pag-ibig at biyaya ng Diyos. Dapat matutunan din ng mga pastor ng Diyos na ang malaking hinihingi ng pagiging pastor ay matutugunan lamang ng kasapatan ng biyaya ng Diyos (2 Cor 3:5-6). Ang mga pastor na tinitimbang ang biyaya at katotohanan ay sasawayin nang may pag-ibig ang mga naliligaw, at kung kinakailangan, ay dinidisiplina silang may kalakip na pag-ibig. Ang biyaya ay nangangahulugan na walang kasalanan na mas malaki sa pagpapatawad ng Diyos at natin (Rom 5:20). Imbes na balewalain ang mga nagkakasalang mananampalataya bilang “hindi naman talaga tunay na ligtas”, ang mga pastor ay hinahamon sila na mamuhay sa kanilang posisyon kay Jesucristo. Ang mga pastor ay madalas na humaharap sa hamon na magpakitang-gilas at mapalaki ang bilang ng iglesia. Sa ilalim ng biyaya, dapat makuha ng mga pastor ang kanilang halaga hindi sa kung ano ang kanilang ginagawa kundi kung sino sila kay Kristo./p>

Sa Pangangaral at Pagtuturo. Sa tuwing ang Salita ng Diyos ay pinapahayag, ang layon ay ang pagbabago ng buhay, at hindi ang pagbibigay lamang ng kaalaman. Ang pinakamahusay na motibasyon sa pagbabago ay dumarating kapag nauunawaan at pinahahalagahan ng mga tao ang ginawa ng Diyos sa kanila sa biyaya. Ang mga mabubuting gawa ay hindi kundisyon sa nakapagliligtas na biyaya ng Diyos, ngunit isang inaasahang bunga para sa mga tumamo nito (Ef 2:8-10). Pansinin kung paano pinalakas ni Pablo ang loob ng kaniyang mga mambabasa sa Roma, 1 Corinto, at sa mga sulat niya sa kulungan, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung paano sila pinagpala ng biyaya ng Diyos at binigyan ng bagong posisyon bago niya sinabi kung paano nila mapapasiya ang Diyos ng kanilang magagawa (halimbawa, Rom 12:1-2). Ang guilt ay maaring magmotiba sa mga tao na magsisi, magkumpisal ng mga kasalanan, at magbago, ngunit ang hindi biblikong guilt ay nagiging espiritwal na pang-aabuso kapag ang mga tao ay ulit-ulit na sinasabihan na hindi sapat ang kanilang ginagawa upang pasiyahin ang Diyos. Nilalabag natin ang biyaya ng Diyos sa pagtuturo na ang Kaniyang pagtanggap ay nakasalalay sa kanilang magagawa at hindi sa kanilang posisyon bilang Kaniyang mga anak. Ang biyaya ay nangangahulugang tayo ay nangangaral at mapagkumbabang nagtuturo bilang mga pinatawad na mga makasalanan sa iba na pinatawad din.

Sa Pangangaral ng Mabuting Balita. Dahil sa ang mabuting balita ay karaniwan nang binabago, ang pangunahing layon sa pangangaral ng ebanghelyo na nakatuon sa biyaya ay ang pagpapanatili ng kalinawan ng ebanghelyo (Col 4:3-4). Nangangahulugan ito na dapat nating ibahagi ang ebanghelyo ng kaligtasan sa biyaya lamang pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Kristo lamang. Sa ating pag-aalok ng ebanghelyo, iwasan natin ang paggamit ng nakalilitong mga termino, paglalarawan at magulong salitang madalas na naririnig. Ang ating gawi, gayun din ang ating mga salita, ay dapat na pinagtibay ng biyaya upang maakit natin at hindi maitaboy ang mga tao (Col 4:6). Ang kaalaman na ang Diyos ng lahat ng biyaya (1 Ped 5:10) ay iniibig ang lahat ng tao at ibig Niyang marinig nila ang ebanghelyo at maligtas ang dapat na nagpipilit sa atin na ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat (2 Cor 5:14-15; 1 Tim 2:3-6). Dapat nating sabihin sa mga tao na ginawa na ng Diyos ang lahat ng Kaniyang makakaya para gumawa ng paraan ng kaligtasan sa kanila at ang kailangan na lamang nilang gawin ay tanggapin ang libreng regalo na Kaniyang inaalok (Juan 3:16; 4:10;14:6; 19:30; 1 Juan 2:2). Kapag ang mensahe ay malinaw, maaaring magiba-iba ang mga pamamaraan basta hindi tayo nandadaya o nangmamanipula, sa halip pinahahayag natin ang biyaya at katotohanan ng Salita ng Diyos (2 Cor 4:1-6). Nauunawaan din natin na ang kaligtasan sa biyaya ay nangangahulugan na ang Diyos ay kumikilos upang kumbinsehin ang mga tao sa katotohanan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang sila ay madala sa pananampalataya (Juan 6:44; 16:8-11; 2 Cor 4:1-6). Dahil dito napakahalaga ng pananalangin sa mga hindi ligtas. Sa ilalim ng biyaya, ang mga nangangaral ay dapat tanggapin ang mga hindi mananampalataya gaya ng pagtanggap sa kanila ng Diyos, at hayaan ang Diyos na baguhin sila pagkatapos manampalataya. Hindi nila itinuturo na ang pagbabago ng buhay ay kailangan upang tanggapin ang kaligtasan.

Sa Misyon. Ang mga naglilingkod sa mga kultura na iba sa kanila, lalo na yung mga nasa labas ng ebanghelikalismong Amerikano, ay nasusumpungan ang mundong nalilito ng ebanghelyo ng paggawa. Dito, ang ating pangunahing layunin ay ang patatagin ang mga tao sa ebanghelyo ng biyaya bago tayo magturo ng ibang paksa. Ang kawalan ng katiyakan ng kaligtasan ay laganap sa buong mundo. Sa pagkaunawa ng mensahe ng ebanghelyo, ang mga mananampalataya ay may tiyak na saligan sa paglago sa biyaya. Kailangan nating subukang matutunan ang kanilang pananaw na madalas nakabase sa takot at sa magagawa. Ang paglilingkod mula sa pananaw ng biyaya ay nangangailangan ng pasensiya at pagpapakumbaba. Dahil sa ang mga kultura at mga pananaw ay iba-iba, ang diin ng ating mensahe at paglilingkod ay dapat nasa mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang ibang mga isyu ay maaaring tugunan kapag natutunan nating tingnan ang mga ito sa konteksto ng kanilang mga kultura at kinagisnan. Nangangailangan ito ng pasensiya habang inaaral natin ang kultural nilang pananaw sa pamumuno, salapi, pagsamba, mga ritwal ng iglesia, atbp.

Pagbubuod

Ang biyaya ay mahalaga sa paglilingkod sapagkat binabago nito tayo at ang iba. Ang lahat ng naglilingkod sa iba ay dapat isapuso ang Tito 2:12-14:

12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutan ito; 13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas ns si Jesucristo; 14 Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo’y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari.

Habang ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay nanunuot sa atin, ang ating pagkatulad sa larawan ni Kristo ay aapaw sa paglilingkod sa iba.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes