GraceNotes
   

   Ang Mga Tunay na Kristiyano Hindi Nagkakasala? - 1 Juan 3:6, 9

Ang sinumang nananahan sa Kaniya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kaniya, ni hindi man nakakilala sa Kaniya. 1 Juan 3:6 Ang sinumang ipinangank ng Diyos ay hindi nagkakasala sapgkat ang Kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya at siya’y hindi maaaring magkasala sapagkat siya’y ipinanganak ng Diyos. 1 Juan 3:9

Marami ang nahihirapan sa mga sitas na ito (gayundin sa 5:18 at iba pang sitas sa 1 Juan na hindi natin maisasali sa pag-aaral na ito), dahil tila sinasalungat nila ang karanasan at kinakalaban ang 1 Juan 1:8 na nagsasabing “Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin,” at ang 1 Juan 1:9 na nagsasabi sa mga Cristianong dapat “nating” ipahayag ang ating mga kasalanan. Kung pinagtibay ni Juan na ang mga Cristiano’y nagkakasala sa unang kabanata, paano niya nasabi sa bandang huli na ang mga Cristiano’y hindi nagkakasala? Ang maling interpretasyon ng mga sitas na ito ay naging dahilan upang pagdudahan ng maraming Cristiano ang kanilang kaligtasan.

Tamang pagkaunawa ng layunin ng epistula

Na ang mga sitas na ito ay sinulat para sa mga Cristiano ay hindi makukwestiyon. Ang layunin ng epistula ay palakasin ang pakikisama ng mga mambabasa sa Diyos at sa mga apostol upang ang kaligayahan ng mga mambabasa ay malubos (1:2-3). Ang mga mambabasa ay tinawag sa iba’t ibang paaan bilang mananampalataya. Kahit ang kabanata 3 ay nagsimula sa maliwanag na pahayag na sila, gaya ng may-akda ay mga anak ng Diyos (3:1-3) (tingnan ang Tala ng Biyaya, “Pag-interpreta ng 1 Juan”).

Ang tamang pagkaunawa ng mga susing salita

Makatutulong na maingat tingnan ang ilan sa mga salitang ginagamit ni Juan. Sa v6 hindi sinabi ni Juan na “Sinumang nananampalataya sa Kaniya ay hindi magkakasala” kundi “Ang sinumang hindi nananahan...” Na nauunawaan ni Juan ang pagkakaiba ng nananampalataya at nananahan ay malinaw sa Juan 8:31 kung saan sinulat niya, “At si Jesus ay nagsabi sa mga Judiong nananampalataya sa Kaniya, ‘Kung kayo ay manananahan sa Aking salita kayo ay mga alagad ko nga.’” Ang manampalataya ay ang kundisyon upang maligtas kailan pa man, ngunit ang manahan ay ang kundisyon para sa sinumang nais maging alagad ni Jesucristo. Ang dalawa ay hindi pareho. Ang manampalataya ay ang makumbinse ng isang bagay , ang manahan ay nangangahulugang manatili o magpatuloy (sa isang kabilugan). Ang kabilugang nais niyang panatilihan ay ang kaniyang hinayag sa layuning pahayag na pakikisama sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo (1:3; tingnan din ang 1:6-7). Ang kaniyang payo sa mga mambabasa, na buong pagmamahal niyang tinatawag na “mga munting anak” ay “manatili sa Kaniya” (Jesus). Kung gayon tinatanaw ni Juan ang mga Cristiano na may pakikisama kay Jesucristo- ang mga Cristianong ito ay hindi nagkakasala.

Kailangan din nating maingat na idepino ang dalawang pandiwang hinayag na may negatibong konsekwensiya sa v6: “ay hindi nakakita sa Kaniya ni hindi man nakakilala sa Kaniya.” Bagamat ang mga pandiwang ito ay minsang ginagamit ni Juan na may kaugnayan sa kaligtasan (Juan 3:36; 4:42; 6:69; 8:28; 10:28), minsan ginagamit din niya ang mga ito upang ilarawan ang malalim na karanasan ng maintimasyang pagkaalam sa Tagapagligtas. Karamihan sa mga leksikon ay kinikilala na ang “makita’ (horao) ay tumutukoy sa pagkaunawa at pagkaranas ng isang bagay, lalo na sa literatura ni Juan (ikumpara ang Juan 6:36; 12:45; 14:9; 15:24; 3 Juan 11). Gayun din, minsan ginagamit ni Juan ang “pagkaalam” upang ilarawan ang personal na pagkakita, pamilyaridad o pakikisama (Juan 14:7, 9; 17:3). Nasumpungan natin sa v6 na ang makita at makaalam ay parehong naglalarawan ng malalim na pagkakilala kay Jesucristo. Ang mga salitang ito ay lapat sa layunin ni Juan sa 1 Juan- pakikisama sa Diyos.

Sa simpleng pananalita, sinasabi ni Juan na ang nananahan sa pakikisama kay Jesucristo ay hindi nagkakasala. Ang mga nagkakasala ay walang maintimasyang karanasan sa Panginoon na para sa lahat ng mananampalataya.

Tamang pagkaunawa ng pangkasalukuyang aspeto

Ang iba ay nag-aangking dahil sa ang mga pandiwa magkasala (hamartano) at poieo (gawin, isagawa, isanay, ginamit kasama ang pangngalang kasalanan sa v9) ay nasa aspetong pangkasalukuyan, nangangahulugan itong patuloy na nagkakasala o patuloy na nagsasagawa ng kasalanan. Sa madaling salita sinasabi nilang si Juan ay hindi nangungusap sa bihirang kasalanan o ng kasalanan sa ganap na diwa kundi sa paulit ulit na nakasanayang pagkakasala (tinatawag na aksiyong iteratib). Ang ilang salin ng Biblia ay sinasalamin ang ganitong interpretasyon sa v6 at/o v9 (halimbawa NIV,NET, ESV, NASB). Subalit kung ito ay ginagamit sa diwang paulit-ulit, ang aspetong pangkasalukuyan ay mangangailagan ng karagdagang salita na malinaw na nagpapahayag ng inuulit na aksiyon. Walang likas sa pangkasalukuyang aspeto ang nanghihingi ng patuloy o ulit-ulit na aksiyon, at ang mga mambabasa ni Juan ay hindi inaasahang makuha ang maingat na gamit ng pangkasalukuyang aspeto. Ang paulit-ulit na gamit ng pangkasalukuyang aspeto sa 1:8 at 5:16 ay hindi konsistent sa gamit sa 3:9. (isa pa, subukan mong gamitin ang patuloy na pagkilos sa sitas gaya ng Juan 6:33- “Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay Siyang bumaba mula sa langit...)”. Lumalabas na ang maling salin ng pangkasalukuyan ay tinutulak ng teolohiya at itinakda ng mga nagtuturong ang tunay na mga ligtas ay hindi magpapatuloy sa kasalanan.

Mayroon pang ilang mga problema. Anong kasalanan ang papasa bilang paulit-ulit- galit, kapalaluan, pagnanasa o kawalan ng panalangin? At kailan masasabing ang kasalanan ay paulit-ulit- kung ginawa minsan sa isang araw, minsan sa isang linggo, minsan sa isang buwan o minsan sa isang taon?

Ang ganap na gamit ng pangkasalukuyang aspeto sa pandiwang magkasala, at hindi ang paulit-ulit na gamit, ay may pinakamahusay na diwa kung uunawain natin ang sinasabi ni Juan tungkol sa bagong kalikasan.

Tamang pagkaunawa ng bagong kalikasan

Sa 3:5 sinabi ni Juan na dumating si Jesucristo upang alisin ang ating mga kasalanan at “sa Kaniya ay walang kasalanan.” Sinabi rin ng v6 na kapag ang mga Cristiano ay nananahan kay Jesus hindi sila nagkakasala- imposibleng magkasala dahil walang kasalanan sa Kaniya. Kung ang mga mananampalataya ay nananahan sa walang salang Cristo, ang v9 ay nagsasabing hindi sila magkakasala. Ang pakikisama sa Kaniya ay hindi nagreresulta kailan man sa kasalanan!

Inilagay ng v9 ang katotohanang ito sa termino ng bagong kalikasang tinanggap ng isang Cristiano sa kapanganakang muli. Ang “binhi” ng Diyos na nasa mananampalataya ay tumutukoy sa bagong buhay na nagbigay sa mananampalataya ng bagong kalikasan. Ang isang magulang na walang kasalanan ay manganganak ng mga anak na walang kasalanan. Ang bagong kalikasan ng isang mananampalataya mula sa Diyos ay hindi kailan man inihahayag ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkakasala, samakatuwid ang mga mananampalatayang nagkakasala ay wala sa pakikisama kay o hindi nananahan kay Jesucristo (Isinulat ng Apostol Pablo ang manipestayon ng luma at bagong kalikasan ng isang mananampalataya sa mga pasaheng gaya ng Roma 7:14-25 at Galacia 2:20). Sa pagkaunawang ito ng bagong kalikasan, wala nang pangangailangang isalin ang pangkasalukuyang aspeto ng v9 bilang paulit-ulit upang maiayon sa 1:8. Sa 1:8 nangungusap si Juan ng isang Cristiano sa kaniyang pangkalahatang karanasan, ngunit sa 3:9 nangungusap siya ng Cristiano na sinisilip sa kaniyang bagong kalikasan, gaya ng sa 3:6 kung saan siya ay nangungusap ng isang Cristiano bilang siyang nananahan kay Cristo.

Pagbubuod

Ang tunay na Cristiano ay nagkakasala, at minsan ay nagkakasala nang husto at paulit-ulit. Alam natin ito mula sa karanasan at mula sa patotoo ng Kasulatan. Ngunit kapag ang Cristiano ay nananahan sa pakikisama kay Jesucristo, imposible na magkasala dahil sa kabilugang iyan- kay Cristo mismo, ay walang kasalanan. Dumating si Jesus upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan. Ginawa Niya ito sa probisyonali nang Siya ay mamatay sa krus para sa kasalanan, at ginagawa Niya ito sa karanasan ng mga mananampalatayang nananahan sa Kaniya. Kung wala ang pagkaunawang ito, maraming Cristiano ang nag-aalinlangan ng kanilang kaligtasan dahil alam nilang sila ay nagkakasala. Ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay sa atin hindi lang ng paraan upang maiwasan ang kasalanan (3:6, 9) kundi ng gamot kapag nagkakasala tayo (1:9).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes