GraceNotes
   

   Ang Romano Catolisismo, Biyaya at Kaligtasan



Ano ba ang itinuturo ng Romano Catolika (RC) tungkol sa kung paano ang tao maliligtas? Ang pananaw ng RC sa kaligtasan ay galing sa kanilang mga paniniwala tungkol sa biyaya, pag-aaring matuwid, at katubusan, ngunit ang mga ito ba ay biblical? Ang mga doktrina ng RC na nabalangkas sa ibaba ay maaaring maberipika ng Cathechism of the Catholic Church (1994) na maituturing na kompedio ng lahat ng doktrina Catolica. Ito ay kumuha mula sa Konseho ng Trent (1545-1563), ang Unang Konseho Vaticano (1869-1870), at Ikalawang Konseho Vaticano (1962-1965). Bagama’t ang mga turo ng RC tungkol sa biyaya ay kumplikado at minsa’y nakalilito, susubukin nating ihayag sila at ikumpara sila sa turo ng Biblia.

Ang Romano Catolicismo at biyaya

Nakikita ng Romano Catolisismo ang biyaya bilang isang nagpapabanal, supernatural na disposisyon o kalidad ng kaluluwa. Nilalagak ng Diyos ang nagpapabanal na biyayang ito sa pamamagitan ng rito ng bautismo, na pinapanganak silang muli at naglalagay sa kanila ng Espiritu Santo. Ang mga matatanda ay natatamo ang nagpapabanal na biyaya kapag sila ay tumutugon sa pansamantalang biyaya ng Diyos na tumutulong sa kanilang lumago sa pananampalataya at mabubuting gawa. At sa pamamagitan ng pagtupad sa pitong sakramento (bautismo, kumpil, eukaristea, penitensiya, pagpapahid ng mga maysakit, banal na orden at matrimonya), ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng biyaya. Ang pagbibigay ng biyayang ito ay ang kapangyarihan upang magawa ang mabubuting bagay na mas lalong magdadala ng mas maraming biyaya; kung ganuon ang biyaya ay nakakundisyon sa merito. Ang biyaya ay hindi kailan man ganap na libre at hindi tampat na regalo kundi matatamo sa pamamagitan ng iba’t ibang gawa ng pagsunod.

Salungat sa turo ng RC, ang Biblia ay malinaw na pinepresenta ang biyaya bilang isang libreng regalo. Ito ay walang kundisyon at hindi matatamo sa pamamagitan ng merito, pagsunod o mabubuting gawa. Ang biyaya ng kaligtasan ay nagsimula sa karunungan ng Diyos ayon sa Kaniyang mabuting kasiyahan at soberanyang layunin (Ef 1:7-9). Ang mga mananampalataya ay ligtas sa biyaya bilang isang libreng regalo, hindi sa pamamagitan ng mabubuting mga gawa (Roma 3:24; Ef 2:8-9). Ang mabubuting gawa ay konsekwensiya ng biyaya, hindi ang kundisyon para magtamo ng biyaya (Ef 2:10; Tito 2:11-12). Malinaw ang Roma 11:6 na hiwalay ang biyaya at ang gawa: Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya. Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng mga gawa, ay hindi na sa biyaya: sa ibang paraan ang mga gawa ay hindi mga gawa.”

Ang kaligtasan sa biyaya ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo (Juan 1:12; 3:16; 6:47; Rom. 3:28; 4:3-5; 5:1-2; Gal. 2:16). Ang mga sanggol ay hindi maliligtas at maipanganganak na muli ng rito ng bautismo dahil ito ay ginagawa upang makamerito ng biyaya at sila ay walang kakayahang manampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas. Tanging ang mga may kakayahan at ang aktuwal na nanampalataya kay Cristo ang tatanggap ng Espiritu na Siyang ahente ng kapanganakang muli (Juan 7:37-39; Gawa 10:44-49; 11:15-17; Gal. 3:2).

Ang Romano Catolicismo at Ang Pag-aaring Matuwid

Ayon sa Romano Catolocismo, ang pag-aaring matuwid ay nag-aalis ng orihinal na kasalanan at nagbabago ng kaluluwa upang makatanggap ng mas maraming nagpapabanal na biyaya. Ito, kung ganuon, ay isang prosesong hindi matatapos sa buhay na ito. Ang pag-aaring matuwid ay nagsisimula sa bautismo at pinagpapatuloy ng pagsunod sa mga sakramento at paggawa ng iba pang mabubuting gawa. Ang pag-aaring matuwid ay maaaring maiwala dahil sa mortal na mga kasalanan (mga mabibigat na kasalanan gaya ng pagpatay o pakikiapaid at iba pang hindi malinaw na dinepina ng simbahang RC), at sa pagkakataong gaya nito, ang makasalanan ay maaaring ariing matuwid muli sa pamamagitan ng pagkumpisal sa isang pari at pagpepenitensiya (paggawa ng mga gawa ng pagsisisi gaya ng panalangin, pag-aayuno, pag-aabuloy o mga gawa ng awa).

Inaapirma ng Biblia na ang pag-aaring matuwid ay akto ng Diyos kung saan Kaniyang dineklara ang isang makasalanan bilang matuwid sa Kaniyang paningin, na pinatawad ang kaniyang mga kasalanan at inilagak ang Kaniyang sariling ganap na katuwiran (Rom. 3:21-4:8; 5:9; 2 Cor. 5:21).

Sa pagpahayag na ito ng katuwiran, ang makasalanan ay nasakdal kay Cristo (Col. 2:10). Hindi na siya kailangan pang ariing matuwid sa mata ng Diyos bilang karagadagan sa una. Ang pag-aaring matuwid ng Diyos ay pinal at hindi naiwawala (Rom. 8:31-35), kaya hindi na kailangan ang karagdagang pag-aaring matuwid. Sa sandaling ariing matuwid, ang mananampalataya ay ginarantiyahan ng pinal na kaluwalhatian (Rom. 8:30). Ang Biblia ay walang kategoriya ng mortal na kasalanan ngunit tinuturong ang lahat ng kasalanan ay nagdadala ng kamatayan (Eze. 18:4; Rom. 6:23; James 1:15), at kahit ang isang kasalanan ay sapat upang managot sa paglabag ng lahat ng utos ng Diyos (James 2:10).

Ang Romano Catolicismo at Ang Katubusan ng mga Kasalanan

Ang gawa ni Cristo sa krus ay nakatutubos (nagbabayad-sala, pampalubag loob sa Diyos) ng mga kasalanan, at nilalapat sa mga sanggol sa RC sa pamamagitan ng bautismo. Sa mga may gulang na RC, ang benepisyo ng katubusan ni Cristo ay kailangang mapanatili sa pamamagitan ng pagkukumpisal ng mga kasalanan sa pari na nagpapatawad sa makasalanan sa kundisyong gagawin ang mga gawa ng penitensiya. Bilang karagdagan, kailangan niya ring regular na dumalo ng Misa, ang nagpapatuloy na sakripisyo ni Jesucristo. Dahil sa ang mga ritong ito ay hindi nakababayad sa lahat ng mga kasalanan, ang pagdurusa sa purgatoryo kapag namatay na ay kailangan upang magkaroon ng karagdagang katubusan ng kasalanan at makalinis sa kaluluwa.

Ayon sa Biblia, si Jesus ang perpektong handog at pampalubag-loob sa lahat ng mga kasalanan ng lahat ng tao (1 Juan 2:1-2). Ang simpleng pahayag ni Cristo sa krus, “Naganap na” (Juan 19:30), ay nangangahulugang ang Kaniyang gawa ay pampalubag-loob ng poot ng Diyos laban sa mga makasalanan at wala nang maaari pang idagdag sa gawaing iyan (Col. 2:10-14). Ang mga mananampalataya ay ganap na nilinis mula sa kanilang mga kasalanan ng Kaniyang pagbubo ng dugo (Pah. 1:5). Dahil si Jesucristo ang ating Punong Saserdote ang tanging nagpapatawad ng mga kasalanan, hindi na kailangan ang ibang tagapamagitan (Mat. 9:6; Mar 2:7-11). Mayroon tayong direktang pasok sa Diyos base sa mga merito ni Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at hindi na kailangan ang ibang tagapamagitan gaya ng isang pari, o ng ina ni Jesus na si Maria (Juan 14:6; Gawa 4:12; 1 Tim. 2:5; Heb. 7:23-25; 9:15; Rom. 8:34). Sinasalungat ng Misa ang Hebreo 10:14-18, na nagsasabing ang nag-iisang handog ni Jesucristo sa ilalim ng Bagong Tipan ay “ganap na nanakdal” at kung saan may kapatawaran ng kasalanan ay “wala ng handog para sa kasalanan.” Ang ideya ng purgatoryo ay nagmula sa maling intepretasyon ng mga sitas gaya ng 1 Corinto 3:11-15 at ng maling teolohiyang nagpapalagay ang handog ni Cristo ay hindi sapat at kailangang kumpletuhin ng ating pagsunod at pagbabata. Hindi lamang dahil sa ang purgatoryo ay hindi biblikal, ngunit hindi rin ito kailangan dahil pinurga ni Jesus ang ating mga kasalanan minsan at magpakailan pa man sa Kaniyang kamatayan sa krus (Heb. 1:3; 7:25-27). Ang mga mananampalatayang namatay ay didiretso sa harap ni Jesus, hindi sa purgatoryo (2 Cor. 5:8; Fil 1:23).

Ang Romano Catolicismo at ang katiyakan ng kaligtasan

Dahil, ayon sa RC ang buhay na walang hanggan ay isang gantimpalang namemerito sa paggawa ng mabuti, at dahil ito ay maaaring maiwala sa pamamagitan ng pagpapabaya sa mga sakramento o sa paggawa ng mortal na mga kasalanan, walang sinumang makatitiyak kung sila ay may buhay na walang hanggan, kahit pa magkumpisal sila ng mga kasalanan at magpenitensiya. Walang nakaaalam kung sila ay makapagpapatuloy sa mabubuting mga gawa hanggang sa katapusan ng buhay, kaya ang katiyakan ng kaligtasan ay imposible.

Ang ganap na katiyakan ng kaligtasan ay isang nakaaaliw na aral ng Biblia (Juan 5:24; 6:37; 10:28-30). Ang mga nanampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay maaaring malaman nang may katiyakan na sila ay may buhay na walang hanggan (1 Juan 5:11-13).

Pagbubuod

Sa sistema ng Romano Catolica, ang biyaya ay dapat pagsikapan, ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng mga gawa, ang pag-aaring matuwid ay dapat makumpleto ng ating pagsunod, ang gawa ni Cristo sa krus ay hindi sapat upang tumubos ng mga kasalanan, at ang ganap na katiyakan ng kaligtasan ay imposible. Ang pinahayag ni Pablo patungkol sa mga Judio sa Roma 10:3 ay totoo rin sa Iglesia Romano Catolica: “Rom 10:3 Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios..” Sa kahuli-hulihan ang RC ay nalalayo sa katotohanan ng Biblia dahil ang Kasulatan ay hind ang kanilang tanging awtoridad. Ang kanilang mga paniniwala ay dindetermina ng kanilang mga kredo, konseho, pahayag ng papa, at tradisyon ng simbahan. Ngunit ang Biblia ay nagpapahayag nang malinaw at may awtoridad: Ang walang hanggang kaligtasan ay isang libreng regalo ng biyaya na matatamasa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo lamang, na Siyang tanging Tagapagligtas, Tagapamagitan, at Saserdote sa harap ng Diyos (Juan 14:6; Gawa 4:12; 1 Tim. 2:5). Ang sinumang Romano Catolicong nanampalataya sa gawa ni Cristo at sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan sa halip na sa kaniyang sariling mga gawa ay maliligtas: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at ikaw ay maliligtas…” (Gawa 16:31a).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes