GraceNotes
   

   Pagpapakamatay at Kaligtasan

Isang tanong na karaniwang tinatanong ay kung ang isang mananampalatayang naipanganak na muli na nagpakamatay ay tutungo sa langit. Ang sagot sa tanong na ito at kaparehong mga katanungan ay nakasalalay sa impormasyon mula sa Biblia at sa pananaw ng isang tao tungkol sa biyaya ng Diyos.

Kasalanan ba ang magpakamatay?

Tinuturo ng Biblia na ang buhay ng tao ay sagrado. Ang pagpapakamatay ay ang pagkuha ng isang buhay na sadyang nilikha, ginawa sa larawan ng Diyos at pinagkalooban ng regalo. Ang utos na “Huwag kang papatay” ay hindi nagtataglay ng espisipikong layon at maaaring ibilang ang sarili at ang iba. Sa prinsipyo, ang pagpapakamatay ay katumbas ng pagpatay; maaari itong tawaging pagpatay sa sarili. (Ang pagbigay ng buhay ng isang tao upang tulungan ang iba ay hindi pagpapakamatay- ito ay ibinibilang na pinakamataas na gawa ng pag-ibig. Juan 15:13).

Para sa isang Cristiano, ang pagpapakamatay ay ang pagkuha ng buhay na hindi niya pag-aari:

O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? At hindi kayo sa inyong sarili; sapagkat kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Diyos. (1 Cor 6:19-20).

Nasa pananaw ng pasaheng ito ang pisikal na katawan ng isang Cristiano, gaya ng pinakikita ng nakapalibot na konteksto na tumatalakay sa seksuwal na imoralidad at ang katawan.

Ang pagpapakamatay ba ay nagdadala ng walang hanggang kapahamakan?

Iniisip ng iba na tinuturo ng 1 Corinto 3:16-17 na ang pagpapakamatay ay paparusahan ng walang hanggang kapahamakan.

Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios.; sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, na ang templong ito ay kayo.

Sa pananaw na ito, ang “templo ng Dios” ay tumutukoy sa pisikal na katawan. Gayundin, ang salitang “dumihan” ay madalas isalin bilang “gibain” (gaya ng pagkagamit sa sumunod na parirala), na dito nagsimula ang ideya ng pagpapakamatay. Ngunit ang mas maiging salin ng salitan ay “pagwasak” o “pagsira.” Bukod diyan, ang konteksto ng pasaheng ito ay nagpapakita na ang “templo” ay tumutukoy sa komunidad ng mga mananampalatayang bumubuo sa lokal na iglesia, hindi sa katawan ng isang tao. Ang paghahambing sa isang gusali ay ginamit para sa iglesia sa nakaraang mga sitas (3:9-10). Ang pasahe kung ganuon ay isang babala laban sa mga taong sumusubok na wasakin o gibain ang lokal na iglesia- isang totoong bantang pinapakita ng pagkakahati sa Corinto (3:3-4). Ang kaparusahan ng Dios ay ang wasakin o gibain ang mga makasanlibutang mananampalatayang ito. Maaaring tumutukoy ito sa pagkawala ng gantimpala (3:15) o pisikal na kapahamakan (5:5) kabilang na ang kamatayan (11:29-30; cf 1 Juan 5:16). Ang pasaheng ito ay walang anumang banggit tungkol sa pagpapakamatay.

Ang pagpapakamatay ba ay nagpapatunay na ang isang tao ay hindi kailan man naligtas?

May ilang nagsasabi na ang taong nagpapakilalang Cristiano ngunit nagpakamatay ay nagpapatunay lamang na siya ay hindi talaga naging tunay na Cristiano. Ngunit walang ebidensiya sa Biblia na ang mga mananampalataya ay may tinaglay na anumang hindi katumbas ng buhay na walang hanggan, na sa depinisyon ay hindi maiwawala. Ang pananaw na ito ay nagbabakasakali na ang lahat ng Cristiano’y makatitiis sa katapatan at pagsunod hanggan sa katapusan ng kanilang buhay, ngunit ang biblikal na ebidensiya ay nagpapasubali rito (hal. Gawa 5:1-11; 1 Cor 11:30).

Ang mananampalataya ba ay maaaring magpakamatay?

Ang Biblia ay nagpapakita na ang mga mananampalataya ay may kakayahang gumawa ng teribleng mga kasalanan, kahit ang pagpatay (hal. Haring David). Maaaring abusuhin ng mga mananampalataya ang biyaya ng Diyos. Ang pagpapakamatay, bagama’t terible ay isang kasalanang maaaring gawin ng isang mananampalataya. Ayon sa Biblia, ang lahat ng kasalanan ng isang mananampalataya ay mapapatawad (Col 2:13). Ito ang dahilan kung bakit walang kahatulan sa mga na kay Cristo (Roma 8:1) at walang makapahihiwalay sa isang mananampalataya mula sa pag-ibig ni Cristo, kahit ang kamatayan- kamatayan sa anumang kadahilanan (Roma 8:35-39).

Anong mangyayari sa taong namatay na hindi nakapagpahayag (kumpisal) ng kasalanan?

Ang Biblia ay nangangako na “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9). Ngunit ang mananampalatayang nagpakamatay ay hindi maipapahayag (kumpisal) ito. Ngunit sa katotohanan ang lahat ng mananampalataya ay mamamatay marahil na may espisipikong kasalanang hindi naipahayag. Bukod dito, ang 1 Juan 1:9 ay may kinalaman sa pakikisama ng mananampalataya at kaniyang lakad kasama ang Diyos, hindi kundisyon sa pagtamo ng eternal na kaligtasan (cf 1:3, 6-7). Ang pagpahayag ng bawat kasalanan ay hindi kundisyon ng eternal na kaligtasan. Ang tanging kundisyon ay pananampalataya kay Cristo at sa Kaniyang alok ng buhay na walang hanggan base sa Kaniyang natapos na gawa ng pagbayad ng ating mga kasalanan sa krus. Ang mga Cristiano ay makatitiyak na kapag sila ay nagkasala, mayroon silang Tagapamagitan sa Ama, si Jesucristong nagpalubag-loob sa katarungan ng Diyos para sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:1-2).

Paano ang biyaya lumalapat sa pagpapakamatay?

Dahil sa ang Diyos ay omnisiyente at sa biyaya Kaniyang pinatawad ang lahat ng kasalanan, sa nakalipas, sa kasalukuyan at sa hinaharap, walang kasalanang makasosorpresa sa Diyos na magiging dahilan upang pagsisihan Niyang iligtas ang isang tao. Ang Biblia ay nagtuturo rin na kung saan ang kasalanan ay nananagana, ang biyaya ay mas higit na nananagana (Roma 5:20). Walang taong magkakasala ng higit pa sa biyaya ng Diyos!

Pagbubuod

Ang makatotohanang pananaw ng tao ay umaaming ang mga Cristiano’y maaaring magkasala nang husto, hanggang sa punto ng pagpapakamatay. Ngunit ang makatotohanang pananw ng Biblia ay nagtuturong ang biyaya ng Diyos ay sapat ang kadakilaan upang takpan kahit ang pinakamasamang kasalanan. Ang pagpapakamatay ay isang nakalulungkot at trahikong kasalanan, ngunit si Jesus ay namatay para sa mga kasalanang gaya nito. Ito ay hindi paghikayat na magkasala, o magpakamatay; sa halip ito ay isang motibasyong sumamba at maglingkod sa Diyos na puno ng biyaya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes