GraceNotes
   

   Ang Mga Unang Alagad Ba Ng Panginoon Ay Tinawag sa Kaligtasan o Pagiging Alagad?

At sinabi Niya sa kanila, “Magsisunod kayo sa hulihan Ko, at gagawin Ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.” Mateo 4:19

Ang pagtatagpo nila Jesus at ng mga mangingisda sa Dagat ng Galilea ay ang unang nakatalang pagkikita sa Mateo at Marcos ng mga lalaking magiging una Niyang mga alagad (Mat 4:18-22; Marcos 1:16-20). Ang ilan ay nagpapalagay na iniimbitahan ni Jesus sila Andes, Pedro, Santiago at Juan sa kaligtasan. Ang kanilang pananaw ay nangangailagan na ang kaligtasan ay matamo sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus, na may mga implikasyon na ang bawat Cristiano ay kailangang maging tapat na tagasunod. Sa madaling salita, walang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging Cristiano at paggiging alagad. Ang panawagan ba sa pagsunod ay panawagan upang maligtas?

Ang layunin ng imbitasyon ni Jesus

Ang dahilan kung bakit tinawag ni Jesus ang mga mangingisdang sumunod ay binigyang linaw sa nagpapaliwanag na pahayag: “Gagawin Ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Malinaw na binabanggit ni Jesus ang gawain ng ebanghelismo na nagdadala sa ibang tao sa buhay na walang hanggan. Kung tinatawag ni Jesys ang mga mangingisdang ito sa kaligtasan, kung ganuon ang pasahe’y nagtuturo na tayo ay ligtas sa pagsunod kay Cristo sa paraang magdadala ng iba sa kaligtasan. Ito ay isang kakatwang kundisyon sa kaligtasan- tanging mga nagpanalo ng mga kaluluwa (kay Cristo) ang ligtas! Ito ay magiging dahilan para sa maraming Cristianong mag-alinlangan sa kanilang kaligtasan kung wala pa silang nadala kahit isa kay Cristo, o kung hindi sila aktibo sa ebanghelismo. Ang kaligtasan ay magiging isang proseso (“Gagawin Ko kayong maging mga mamamalakaya ng mga tao.” Marcos 1:17b), hindi isang minsanang sandaliang transaksiyon.

Ang oras ng imbitasyon ni Jesus

Walamg dahilan para magpalagay na ito ang unang pagtatagpo ni Jesus at nila Andres, Pedro, Santiago at Juan. Sa kabalintunaan, ang Juan 1:35-42 ay isang mahusay na ebidensiyang si Andres at si Pedro ay nakatagpo na si Jesus bago pa ang tagpuan sa Dagat ng Galilea, dahil malinaw na tinala ni Juan ang unang pagpapakilala kay Pedro sa Panginoon. Tinala ni Juan na nakatagpo nila Andres at Pedro “lagpas sa Jordan” kung saan nagbabautismo si Juan, at hindi sa Dagat ng Galilea (Juan 1:28, 43). Sa kwento ni Juan, si Pedro ay dinala kay Jesus, ngunit sa Mateo at sa Marcos, si Jesus ang lumapit kay Pedro. Kapag kinumpara natin ang pamuhatan at pangyayari, makikita natin ang isang pagtatagpong iba sa tinala nila Mateo at Marcos.

Sa parehong sukatan, ang Lukas 5:1-11 ay ibang kwento sa kwento nila Mateo at Marcos. Bagama’t parehong nasa tabing-dagat at nangako si Jesus na si Pedro ay “mamamalakaya ng mga tao” (v10) at tila magkapareho, wala tayong nakikitang karamihan na sumisiksik kay Jesus; Siya ay nag-iisa. Siya rin ay naglalakad, at hindi nakatayo gaya ng sa kwento ni Mateo at Marcos, at ang mga mangingisda ay nasa bangka at hindi sa dalampasaiga’t naghuhugas ng mga lambat. Panghuli, sinabi na ang mga alagad ay “iniwan ang lahat” (v11) samantalang sa kwento nila Mateo at Marcos iniwan nila ang kanilang mga lambat, bangka at ama. Binanggit din ni Lukas ang milagrosang huli ng isda, isang pangyayaring hindi nabanggit at hindi lumalapat sa kwento ni Mateo at Marcos. Dahil sa ang lahat ng mga lalaking ito ay mangingisda sa Galilea, ang bayan ni Jesus, siguradong nakatagpo nila si Jesus at ang Kaniyang mga aral nang higit sa isang beses.

Ang kahulugan ng imbitasyon ni Jesus

Sa pag-obserba ng mga detalye, nakikita nating ang pagtawag ni Jesus na “Sumunod kayo sa hulihan Ko” ay sa mga lalaking nakatagpo na Siya at kinilala na Siya bilang Mesiyas (gaya nila Andres at Pedro sa Juan 1:35-42- bilang alagad ni Juan Bautista, siguradong nanampalataya na si Andres sa turo ni Juan tungkol sa darating na Mesiyas) o sa mga kahit papaano’y nakakilala na sa Kaniya (sa kaso nila Santiago at Juan). Dahil sa ang buhay na walang hanggan at ang kaligtasan ay hindi nabanggit sa imbitasyon, maliwanag na iniimbitahan ni Jesus para Kaniyang maging mga alagad ang mga lalaking Kaniya nang nakatagpo at nanampalataya sa Kaniya. Sa unang siglo, ang maging alagad ay nangangahulugan ng pagsunod at pagkatuto mula sa isang guro o mga guro (halimbawa, ang Ebanghelyo ay nagbabanggit ng mga alagad ni Moises, mga alagad ng mga Pariseo, mga alagad ni Juan Bautista. Tingnan ang Juan 9:28; Marcos 2:18). Para sa mga mangingisdang ito, ito ay nangangahulugang kailangan nilang iwan ang kanilang trabaho, ang pinagkukunan nila ng kita, at maging ang kanilang mga pamilya, at ginawa nila ang mga ito. Kailangan nilang baguhin ang oryentasyon ng kanilang layunin sa buhay upang umakma sa kanilang Panginoon, si Jesus, at iyon ay ang mamalakaya ng mga tao, o ibahagi ang Kaniyang Ebanghelyo. Ang panawagan sa pagiging alagad ay magastos at iniimbitahan ang mga alagad na dalhin ang layunin ng Diyos sa kanilang mga buhay. Kabilang dito ang habambuhay na paglago at paglilingkod na nakabase sa pagtatalaga. Sa buo Niyang ministeryo, patuloy na hinahamon ni Jesus ang Kaniyang mga alagad sa mas malalim na pagtalaga na sumunod, kabilang na ang pag-ulit sa panawagang “sumunod” (Tingnan ang Lukas 9:23; Juan 21:19, 22). Sila Andres, Pedro, Santiago at Juan ay maaaring manampalataya kay Jesucristo at manatiling mangingisda o maaari nilang italaga ang kanilang sumunod sa panawagan ni Jesucristong maging mamalakaya ng mga tao.

Isang pagpapalagay sa imbitasyon ni Jesus

Ang imbitasyong maging alagad at sumunod kay Jesus bilang Panginoon ay nagpapalagay na ang isang tao ay nakarating na sa pagkakilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Sa kaligtasan, ang isang tao ay nakarating sa pagkaunawang si Jesus ay nagliligtas mula sa kasalanan, at nagbibigay ng buhay na walang hanggan bilang isang regalo; ngunit sa pag-aalagad, ang isang tao ay nakauunawang siya ay makatutugon sa biyaya ng Diyos sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus nang may bagong layunin. Ang kaligtasan ay libre, ngunit ang pagiging alagad ay magastos. Ang gawin ang mga kundisyon ng pagiging alagad (gaya ng Lukas 9:23; 14:26; Juan 8:31) bilang mga kundisyon ng kaligtasan ay ang pagsuksok ng pagtatalaga, pagsunod, at sa kahulihulihan ay mga gawa sa ebanghelyo, na isang pagtakwil sa libreng biyaya ng Diyos. Sa teolohikal na pananalita, sasabihin nating ito ay pinagkakamali ang pag-aaring matuwid (kaligtasan mula sa penalidad ng kasalanan) at ang pagpapaging banal (kaligtasan mula sa kapangyarihan ng kasalanan). Ang lahat ng mga alagad ay mga Cristiano, ngunit hindi lahat ng mga Cristiano ay alagad.

Pagbubuod

Ang pagtatagpo ni Jesus at ng mga mangingisda sa Dagat ng Galilea ay nagpapakita sa atin na ang mga mananampalataya ay tinatawag upang maging mga alagad. Ito pa rin ang nais ng Diyos para sa bawat mananampalataya. Ang pagkakaiba sa kundisyon ng kaligtasan (pananampalataya) at kundisyon sa pagiging alagad (pagsunod, atbp) ay krusyal sa pagpapanatili ng ebanghelyo na libre at malinaw na walang meritong pantao. Ang pagtanggap sa imbitasyon sa pagiging alagad ay nagbibigay sa bawat Cristiano ng layunin sa sanlibutang ito- tayo ay dapat tumulong sa iba na makarating sa pagkilala kay Jesucristo bilang Tagapagligtas. Para sa mga natatakot na magbahagi ng kanilang pananampalataya sa iba, may kaaliwan sa pangako ni Jesus na tayo ay gagawin Niyang mamamalakaya ng mga tao. ito ay Kaniyang pangako; ang kailangan lamang nating gawin ay sumunod!


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes