GraceNotes
   

   Ang Doktrina ng Katuwiran

Ang doktrina ng pag-aaring matuwid ay may sentral na gampanin sa kasaysayan ng iglesia at ang naghihiwalay sa biblikal na Cristianismo mula sa ibang mga relihiyon. Ang pagtalakay sa ebanghelyo at sa kaniyang kaligtasan ay nangangailangan talakayin ang kahulugan at kahalagahan ng doktrinang ito. Ang maling pagkaunawa ng pag-aaring matuwid ay makasisira ng ebanghelyo, makapanghihina ng pundasyon ng Cristianong pamumuhay at gagawing imposible ang katiyakan ng kaligtasan.

Isang biblikal na depinisyon

Bagama’t hindi halata sa lenggwaheng Ingles, ang Griyego ay nagpapakita ng ugnayan sa pagitan ng mga ideya ng pag-aaring matuwid at katuwiran. Ang Griyego para sa pag-aaring matuwid ay dikaiosune, sa matuwid ay dikaios, sa katuwiran ay dikaiosis, sa pandiwang ariing matuwid ay dikaioo at pag-aaring matuwid ay dikaiosis. Kapag hindi ginagamit sa eternal na kaligtasan, ang Biblia ay minsang ginagamit ang inaring matuwid o pag-aaring matuwid upang ipakahulugang bindikasyon, tuwid/tama o matuwid sa harapan ng iba (Mat 11:19; Luk 7:29, 35; 10:29; 16:15; Rom 2:4; 4:2; ang San 2:21, 24 ay tatalakayin sa ibaba).

Kapag ginamit sa eternal na kaligtasan, ang pag-aaring matuwid ay tumutukoy sa bindikasyon sa harap ng Diyos anupa’t tayo ay may bagong legal na katayuan sa Kaniya dahil dineklara Niya tayong hindi na guilty na makasalanan. Hindi lamang inalis ang guilt at kundenasyon, ngunit ang katuwiran ng Diyos ay ibinilang (kinredito, itinalaga) sa atin. Nabasa natin sa 2 Cor 5:21, “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan [si Cristo] ay Kaniyang [ang Diyos] inaring may sala dahil sa atin upang tayo’y maging sa Kaniya’y katuwiran ng Diyos.” (cf Roma 5:15-19). Siyempre, hindi nito sinasabing si Cristo ay aktuwal na naging makasalanan kundi ang ating mga kasalanan ay ibinilang sa Kaniya. Sa pag-aaring matuwid, hindi tayo naging panloob na matuwid, kundi ang katuwiran ni Cristo ay ibinilang sa atin o kinredito sa ating pangalan sa harap ng Diyos (Roma 4:3-4, 6, 8-11, 22-24). Ang pag-aaring matuwid ay nangyayari sa isang sandali at nagreresulta sa basehan, kapangyarihan at motibasyong lumago sa praktikal na katuwiran, na tinatawag na progresibong kabanalan o sanktipikasyon.

Bilang pagbubuod, ang pag-aaring matuwid ay legal na kilos ng Diyos kung saan ang hindi matuwid na makasalanang nanampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay dineklarang matuwid sa harap ng Diyos dahil ang katuwiran ni Cristo ay ibinilang sa Kaniya.

Isang legal na depinisyon

Ang konsepto at lenggwahe ng pag-aaring matuwid ay mula sa korte. Bilang Hukom, dineklara ng Diyos na ang makasalanan ay legal na ngayong katanggap tanggap dahil ang dibinong katuwiran ay napasiya ni Jesucristo. Ang berdik na ito ay hindi ginawang matuwid ang isang tao kung paanong ang berdik na “guilty” ng isang hukom ay hindi ginagawa ang isang taong masama. Dinedeklara ng Diyos ang makasalanan na matuwid sa legal na katayuan kahit pa na siya ay nanatiling hindi matuwid sa kaniyang karanasan (ikumpara ang Lukas 7:29 kung saan ang Diyos ay dineklarang matuwid- hindi Siya ginawang matuwid!).

Mayroong negatibo at postibong aspeto sa pag-aaring matuwid. Sa negatibong aspeto, ang kahatulan sa ating mga kasalanan ay nakansela anupa’t tayo ay hindi na humaharap sa kundenasyon (Roma 8:33-3). Sa positibo, tayo ay nagkamit ng bagong matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at pinatawad (Roma 4:6-8). Sinisilip tayo ng Diyos na matuwid sa bisa ng pagkakaroon ng katuwiran ni Cristo na ibinilang sa atin (cf 1 Cor 1:30; Fil 3:9).

Paano tayo inaring matuwid

Bilang mga makasalanan, tayo ay inaring matuwid lamang sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang Roma 3:24ª ay nagsasabing, “Palibhasa’y inaring ganap na walang bayad ng Kaniyang biyaya...” Angg libreng regalo ng biyaya ay nag-aalis ng pantaong gawa o merito (cf Ef 2:8-9). Ang Roma 3:24b ay nagpapatuloy sa paliwanag kung bakit ang pag-aaring matuwid ay libre: “... sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.” Ang salitang pagtubos ay nagbabanggit ng halagang binayad nang si Jesus ay namatay sa krus para sa ating mga kasalanan at bumangon muli. Ang basehan kung ganuon ng ating pag-aaring matuwid ay ang libreng regalo ng Diyos ng Kaniyang Anak para sa ating mga kasalanan. Natamo natin ang biyayang ito “sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo (Roma 3:22; cf Gal 2:16; Ef 2:8). Ang pananampalataya ang ating kumbiksiyon na ang sinabi ng Diyos tungkol sa ating walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo bilang Tagapagligtas ay totoo.

Tinatanggap nito ang pangako ng Diyos na walang hanggang kaligtasan. Ang Biblia ay malinaw na nagtuturo na hindi tayo maliligtas sa gawa o sa pantaong merito (Roma 3:28; 4:5; Gal 2:16).

Ang Santiago 2:21-24 ay madalas gamitin upang italtal na si Abraham ay inaring matuwid sa harap ng Diyos sa mga gawa at hindi sa pananampalataya lamang. Ngunit hindi ito tungkol sa porensik na pag-aaring matuwid sa harap ng Diyos. Si Abraham ay inaring matuwid sa harap ng mga tao nang kaniyang ialay si Isaac. Siya ay inari matagal nang matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Gen 15:6) bago pa niya inalay si Isaac (Gen 22).

Mga hindi biblikal na pananaw ng pag-aaring matuwid

Hindi lahat ay kayang tanggapin ang biblikal na pagkaunawa na ito ng pag-aaring matuwid. Ang Romano Katolisismo ay nagtuturo na ang pag-aaring matuwid ay ang inisyal na paghalo o impusiyon ng katuwiran ng Diyos sa bautismo na lumalago sa isang tao upang gawin siyang matuwid. Ang tao ay hindi malalaman sa buhay na ito kung siya ay ganap na inaring matuwid dahil ito ay hindi isang legal na kapahayagan kundi isang gantimpalang natamo sa mabubuting gawa at sana ay maibigay sa kamatayan.

Isang paghiwalay sa Romano Katolisismo, ang doktrina ng Repormasyon ay tradisyunal na tinuturo na ang pag-aaring matuwid ay isang saglit na pagdeklara ng porensik (legal) na katuwiran sa harap ng Diyos. Subalit ang ilang teologong Reformed ay nagmumungkahi ngayon ng dalawang hakbang na pag-aaring matuwid: ang inisyal na pag-aaring matuwid nang ideklara ng Diyos ang isang taong matuwid base sa kaniyang pananampalataya kay Cristo bilang Tagapagligtas, at ang pinal o panghinaharap na pag-aaring matuwid kapag nakahatol na ang Diyos kung ang mga gawa ng isang tao ay nagpatunay sa kaniiyang inisyal na pag-aaring matuwid. Kung wala ang huli, walang eternal na kaligtasan.

Isa pang bagong pananaw ng pag-aaring matuwid na pinasikat ni Norma Tom (“N. T.”) Wright ay nagpapahayag na ang pag-aaring matuwid ay hindi legal na deklarasyon o pagbibilang ng katuwiran ng Diyos ngunit deklarasyon ng Diyos na ang isang tao ay tinanggap sa pamilya ng tipan ni Abraham, na nakikita bilang iglesia. Ang pananampalatayang may ebidensiya ng mga gawa ay nagpapatunay na ang isang tao ay miyembro na nga ng komunidad na iyan at samakatuwid siya ay dineklara ng Diyos na “matuwid.”

Maraming problema sa mga maling pananaw na ito. Una ay ang pagmamaliit ng ginawa ni Cristo sa krus. Kung ang pinal na pag-aaring matuwid ay may lakip na gawa, kung ganuon hindi sapat ang kabayaran ni Cristo para sa ating mga kasalanan. Ang mga papanaw na ito ay hayagan ding sinasalungat ang mga pasahe ng Bibliang nagsasabi na tayo ay hindi naligtas sa mga gawa, ito man ay dinaragdag sa unahan o sa likuran ng kaligtasan. Bilang karagdagan, ang Biblia ay malinaw na pinakikitang kung tayo ay manampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas para sa buhay na walang hanggan, mayroon tayo ng buhay na iyan. Hindi tayo hahatulan o mamatay eternal (Juan 3:16; 5:14; 6:35, 47; 11:26). Sa panghuli, ang mga pananaw na ito ay sumasalungat sa mga apirmasyon ng Biblia ng pinal at sandaliang pag-aaring matuwid nang tayo ay manampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas (cf Roma 5:1; 1 Cor 6:11).

Bakit mahalaga ang tamang pagkaunawa ng pag-aaring matuwid

Maraming dahilan kung bakit ang tamang pananaw ng pag-aaring matuwid ay sentral sa biblikong Cristianismo. Una, pinanatili nito sa lahat ng oras ang malinaw na ebanghelyo ng biyaya nang walang dagdag na gawa. Ikalawa, tumutulong ito upang maunawaan natin ang ating bagong posisyun sa harap ng Diyos bilang basehan at motibasyon sa paglago sa pagiging maka-Diyos (kabanalan o sanktipikasyon). Ikatlo, nagbibigay ito sa mananampalataya kay Cristo ng katiyakan ng kaligtasan na nakabase sa pangako ng Diyos na ang mga nanampalataya ay inaring matuwid at may taglay na buhay na walang hanggan (Roma 5:1). Ikaapat, ang mananampalataya ay hindi kailan man dapat matakot sa kahatulan (Roma 8:33-34). Ikalima, tumutulong ito upang maunawaan natin ang pagkakaiba ng pag-aaring matuwid at sanktipikasyon na madalas maipagkamali sa isa’t isa sa pag-iinterpreta ng mga teksto ng Biblia.

Pagbubuod

Ang pag-aaring matuwid sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay ang naghihwialay sa biblikal na Cristianismo mula sa ibang relihiyon. Hiniwalay nito ang mga Protestante mula sa mga Romano Katoliko noong Repormasyon. Kung ito ay isuko, ang relihiyong Cristiano ay nagiging katulad ngibang relihiyon ng sanlibutan na nakabase sa magagawa. Ito ay isang doktrinang napakahalagang maunawaan, ituro, ipagtanggol at ipagdiwang.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes