GraceNotes
   

   Pagsagot sa Ilang Madalas na Pagtutol sa Free Grace, Unang Bahagi

Simply By Grace Podcast


Simula nang unang ipangaral ang ebanghelyo, ang mga tao ay tumututol sa turong Free Grace na ang mga tao ay naligtas sa walang kundisyong biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Jesucristo. Madalas, ang mga pagtutol na ito ay nagmula sa maling pagkaunawa ng biyaya ng Diyos at kung ano ang tinuturo ng Free Grace. Minsan ang mga pagtutol ay inulit lamang mula sa iba nang hindi lubos na pinag-isipan. Narito ang sagot sa ilang madalas na mga pagtutol sa turong Free Grace tungkol sa kaligtasan.

Pagtutol Bilang 1: Ang Free Grace ay madaliang pananampalataya (easy believelism).

  • Walang nagtuturo na ang pananampalataya ay madali. Ang katotohanan ay hindi laging madali ang manampalataya. Ang madali ay nangangahulugang hindi mahirap. Para sa marami, mahirap, hindi madali ang manampalataya. Halimbawa, hindi madaling manampalataya   ... na sa aking pagiging makasalanan ay marapat lamang na ako ay mahiwalay magpakailan man mula sa Diyos.
      ... na ang Diyos ay iniibig ako sa kabila ng aking kasalanan.
      ... na ang Diyos ay ipinadala ang Kaniyang Anak upang mamatay na kahalili ko.
      ... na binayaran ni Jesucristo ang lahat kong mga kasalanan mahigit 2000 taon na ang nakalipas.
      ... na si Jesucristo ay bumangon muli mula sa mga patay at ngayon ay nabubuhay.
      ... na si Jesucristo ay nag-aalok sa akin ng buhay na walang hanggan bilang isang libreng regalo.
  • Hindi madaling manampalataya, ngunit simple ang manampalataya. Ang simple ay nangangahulugang isahan, na mayroon lamang iisang kundisyon para sa kaligtasan: manampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas.
  • Gaano kahirap ang Juan 3:16, Gawa 16:31 at iba pang mga sitas na nagsasabing dapat tayong manampalataya para maligtas? Hindi tayo dapat magdagdag sa Kasulatan nang higit sa kanilang sinasabi.
  • Bakit gagawin ito ng Diyos na mahirap? Ang “Diyos ng lahat ng biyaya” (1 Pedro 5:10) ay nais na ang lahat ng tao ay maligtas (1 Tim 2:4). Hindi Niya ginawa ang kaligtasan na isang pagsusulit ng katapatan, pagsunod o pagtitiyaga. Namatay si Cristo para sa sanlibutan (Juan 3:16) at binayaran ang lahat ng mga kasalanan (Juan 1:29; 1 Juan 2:20). Kung ibinigay ng Diyos ang Kaniyang Anak para sa atin, bakit hindi Niya ibibigay ang lahat ng bagay na ating kailangan para sa ating kaligtasan, simula sa isang simpleng kundisyon: manampalataya (Roma 8:32)?

Pagtutol Bilang 2: Naniniwala ang Free Grace na ang isang tao ay maaaring itakwil si Jesus bilang Panginoon ngunit manatiling ligtas.

  • Walang nagtuturong ang isang tao ay maaaring itakwil si Jesus bilang Panginoon ngunit manampalataya sa Kaniya para sa kaligtasan. Ito ay isang hindi patas na pagpuna base sa imperensiya. Ito ay salungat sa lohika na manampalataya kay Jesus bilang Tagapagligtas ngunit itakwil Siya bilang Panginoon. Ang Free Grace ay tinuturo lamang na ang pananampalataya kay Jesus bilang Tagapagligtas ay isang hiwalay na isyu sa komitment sa Kaniya bilang Panginoon.
  • Si Jesus ay kailangang maging Diyos na Panginoon para maging Tagapagligtas. Inaapirma ng Free Grace ang pagka-Diyos ni Jesucristo at ang Kaniyang posisyun bilang Panginoon ng lahat. Tanging bilang Panginoon makahahandog si Jesus ng isang walang hanggang handog, ng walang hanggang buhay at ng walang hanggang pagkasaserdote.
  • May pagkakaiba sa obhetibong Pagkapanginoon ni Cristo at ng ating subhetibong tugon. Si Jesus ay Panginoon, magpasakop man tayo sa Kaniya o hindi, kung paanong ang Pangulo ng Estados Unidos ay pangulo ng lahat ng mamamayan, kahit pa ang mga hindi sumuporta at nagpasakop sa kaniya.
  • Ang pagkapanginoon ay hindi ang isyu sa kaligtasan; ang pagkaligtas mula sa penalidad ng kasalanan ang isyu. Sinumang lumapit kay Jesus bilang Tagapagligtas mula sa kasalanan ay ligtas magpakailan pa man. Ito ay nagsisimula ng panghambambuhay na proseso ng pag-aaral na magpasakop sa Kaniya bilang Panginoon.

Pagtutol Bilang 3: Hindi tinuturo ng Free Grace na ang isang hindi mananampalataya ay dapat tumalikod mula sa mga kasalanan (magsisi) upang maligtas.

  • Ang pagtutol na ito ay totoo kung ang pagsisisi ay dinepina bilang pagtalikod sa mga kasalanan, dahil iyan ay pagdaragdag ng pantaong pagpapagal.
  • Marami o karamihan sa Free Grace ay naniniwalang ang pagsisisi ay nangangahulugang pagbabago ng isipan o puso. Ang pananampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay nagpapahiwatig ng pagbabago ng puso o isipan tungkol sa ilang bagay (hal ang pangangailangan ng tao, sino si Cristo, ano ang ginawa ni Cristo, ano ang pinangako ni Cristo).
  • Kung ang isang tao ay kailangang tumalikod sa lahat ng mga kasalanan, paano malalaman ng sinuman kung ito ay ganap nang nakamit? Tayong lahat ay may nagpapatuloy na makasalanang pagnanasa, lahat tayo ay pagtuloy na nagkakasala sa ilang pagkakataon, at wala tayong laging kamalayan ng lahat nating mga kasalanan.

Pagtutol Bilang 4: Ang Free Grace ay naniniwalang ang isang taong ligtas ay hindi kailangang magpakita ng ebidensiya ng mabubuting mga gawa, na salungat sa Santiago 2:14-26.

  • Walang nagsasabi nito. Sa halip, ang Free Grace ay nagtuturong ang mabubuting gawa ay maaaring maging ebidensiya ngunit hindi patunay ng kaligtasan. Marahil lahat ng gurong Free Grace ay sang-ayon na ang mga mananampalataya ay may mabubuting gawa. Subalit, ang mga gawang ito ay hindi laging nakikita kaya imposibleng gamitin ang mga ito bilang pinal na katotohanan ng kaligtasan.
  • Ang punang ito ay walang balidad malibang ang mabubuting gawa ay maidepina. Ang mga hindi Cristiano ay gumagawa ng mabubuting gawa sa diwang mabubuting gawi, ngunit ang mabuting gawa sa paningin ng Diyos ay ang pagsunod sa Diyos na nakaluluwalhati sa Kaniya sa pagsagawa ng Kaniyang kalooban sa Kaniyang kapangyarihan. Tanging ang Diyos ang nakaaalam nito tungkol sa mabubuting gawa.
  • Kung ang mga gawa ay patunay ng kaligtasan, kailangan nating itanong kung ilang mga gawa, gaano kadalas, at gaano katagal? Walang obhetibong pamantayan na sasagot sa mga tanong na ito; ito ay nasa subhetibong opinyon at parsiyal na kaalaman ng gawa ng isang tao at ng motibo ng naghahatol. Walang makahahatol ng mga bagay na ito maliban sa Diyos. Ang pananampalataya sa obhetibong realidad ng Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas ay maaaring malaman ng isang mananampalataya.
  • Ang Santiago 2:14-26 ay hindi tumatalakay sa kaligtasan mula sa impiyerno. Sa konteksto, sinasabihan ni Santiago ang mga ligtas niyang mambabasa kung paano maligtas mula sa kawalang saysay ng pananampalatayang hindi gumagawa. Ang pananampalatayang hindi tumutulong sa iba ay walang saysay sa mga nangangailangan at walang saysay sa pagsusuri ng buhay ng mananampalataya sa Hukuman ni Cristo. (Tingnan ang Tala ng Biyaya 2 “Ang Pananampalataya at mga Gawa sa Santiago 2:14-26”).

Pagtutol Bilang 5: Ang Free Grace ay nagdudulot ng huwad na katiyakan ng kaligtasan.

  • Tanging kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (isang kumbiksiyon o pagkakumbinse na ang isang bagay ay totoo) ang nagbibigay kalayaan sa isang taong magkaroon ng buong katiyakan, dahil ito ay nakabase sa mga obhetibong mga realidad- ang kamatayan ni Cristo bilang kabayaran ng kasalanan, ang Kaniyang pagkabuhay na maguli para sa buhay, at ang katotohanan ng Kaniyang pangakong iligtas ang mga nanampalataya.
  • Ang kaligtasang nakadepende sa mabubuting gawa o sa pagtatalaga ay hindi makabibigay ng buong katiyakan dahil ang gawi at katapatan ay hindi kailan man perpekto. Tanging 100% perpeksiyon ang magbibigay ng buong katiyakan.
  • Ang buong katiyakan ay galing sa paniniwala sa obhetibong katotohanan na hindi nagbabago, samantalang ang subhetibong gawang pantao at pakiramdam ay laging nagbabago.

Pagtutol Bilang 6: Ang Free Grace ay nagreresulta sa lisensiya.

  • Ito ay isang mapanligaw na akusasyon base sa pag-aakala sa halip na realidad. Bihirang makabigay ang isang kritiko ng isang halimbawa ng taong ginagamit ang biyaya bilang dahilan upang mamuhay sa lisensiya. Ang tumututol ay dapat hingian ng mga halimbawa.
  • Ang mga mananampalataya ay madalas tumutugon sa biyaya sa pagsunod at paglilingkod sa Diyos, hindi sa pagkakasala laban sa Kaniya. Kapag pinahahalagahan ng isang mananampalataya ang ginawa ng pag-ibig at biyaya ng Diyos para sa kaniya, ang natural na tugon ay pasasalamat na nasasalamin sa gawi. Samantalang bibihira ang mga halimbawa ng gumagamit ng biyaya bilang dahilan upang mamuhay sa lisensiya, ang mga halimbawa ng nakikita ang biyaya bilang dahilan upang sumunod at maglingkod sa Diyos ay napakarami.
  • Ang pagtutol na ito ay ganap na sinagot sa Roma 6-8 na nagpapaliwanag na ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay sa mananampalataya ng bagong buhay, bagong posisyun at bagong kapangyarihang mamuhay nang matuwid.
  • Ang biyaya ay nagsasanay sa ating mamuhay nang matuwid (Tito 2:11-13); hindi natin nakakamit ang biyaya sa pamumuhay nang matuwid (Tito 3:5). Ang pagsasanay na mamuhay nang maka-Diyos ay isang panghabambuhay na proseso para sa bawat mananampalataya.
  • Ang mga mananampalataya ay mananagot sa kung paano sila nabuhay. Ang mga nagtuturo ng Free Grace ay nagtuturo rin ng responsabilidad at ng pananagutan. Sa Hukuman ni Cristo, ang lahat ng mananampalataya ay magbibigay-sulit sa kung paano sila nabuhay. Sila ay gagantimpalaan sa buhay na ito at sa eternidad o sila ay mawawalan ng gantimpala (Roma 14:10; 2 Cor 5:10).

Pagbubuod

Kapag tayo ay nagturo ng ebanghelyo ng libreng biyaya ng Diyos, tayo ay makakasumpong ng mga pagtutol. Tinalakay natin ang ilan sa mga pangkaraniwang pagtutol, ngunit mayroon pang iba. Bakit ba ang mga tao tumututol sa libreng biyaya? Ito ay dahil sa natural na pag-ayaw ng tao sa biyaya dahil sa kaniyang kapalaluan (tingnan ang Tala ng Biyaya blg 44 “Ang Pag-ayaw ng Tao sa Biyaya”). Ito ay nagreresulta sa maling pagkaunawa sa kalikasan ng kahanga-hangang biyaya ng Diyos at pagsuksok ng pantaong merito at gawa. Ang libre at walang kundisyong biyaya ng Diyos ay tila napakaganda para maging totoo. Ngunit ang ebanghelyo ng libreng biyaya ang tanging mensaheng nagbibigay sa mga mananampalataya ng buong katiyakan ng kanilang walang hanggang kaligtasan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes