GraceNotes
   

   Ang Pagkauyam ng Tao sa Biyaya



Sa mga lubos na binago ng malinaw na pagkaintindi ng biyaya ng Diyos, sadyang nakapagtataka kung bakit mas maraming tao, ligtas man o hindi, ang hindi tumatanggap ng mensaheng ito. Kung talagang ang biyaya ay nagbibigay sa atin ng kaligtasan at lahat ng benepisyo nito na ganap na libre, bakit maraming hindi mananampalataya ang tumatakwil nito at maraming mananampalataya ang kinokompromiso ito ng mga kundisyon? Makatutulong na masdan ang biblikal at historikal na balangkas ng pagtanggi sa biyayang ito at magbigay ng paliwanag.

Isang balangkas ng pagtakwil ng biyaya

Ang biblikal na kasaysayan ng piniling bansa ng Diyos, ang mga Judio, ay nagpapakita ng patuloy na pagtakwil sa Kaniyang probisyon para sa kanilang espirituwal na pangangailangan. Sa Gawa sinabi ni Esteban kung paano tinakwil ng mga Judio si Moises at ang Lupang Pangako at nais nilang bumalik sa pagkabihag sa Egipto at sa halip ay sumamba sa gintong guya. Patungkol sa idolong guya, sinabi ni Esteban “nagalak sila sa mga gawa ng kanilang mga kamay” (Gawa 7:39-41). Di malaon ipinaliwanag ni Apostol Pablo kung bakit tinakwil ng mga Judio ang ebanghelyo ng biyaya: “Sapagkat sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, at hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios” (Roma 10:3). Ang kumon sa mga pagsusulit ni Esteban at Pablo ay tinanggihan ng mga Judio ang biyaya ng Diyos kapalit ng kanilang sariling merito.

Ipinagtibay ng Bagon Tipan ang parehong balangkas ng pagtakwil sa biyaya. Si Jesus ay buong kapaitang kinalaban at inusig ng mga legalista sa tuwing kaniyang ipinangangaral ang mensahe ng biyaya. Minsan ang mga Cristiano ay panandaliang naliligaw ng landas matapos silang iwan ni Pablo, gaya ng sa Galacia (Gal 1:6). Binalaan ni Pablo na ang mga kaaway ng ebanghelyo ay sisirain ang mga mananampalataya mula sa loob at sa labas (Gawa 20:29-31), kaya ipinagtagubilin niya sila “sa Dios at sa salita ng Kaniyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat ng mga pinagpaging banal” (Gawa 20:32). Ang paglaban sa legalismo (na pinapakahulugan dito bilang pag-iingat ng mga kautusan at mga alituntunin upang itaas ang sarili) ay karaniwang tema ng mga espitula ni Pablo sa mga iglesia.

Ang kasaysayan ng iglesia mula pa ng Bagong Tipan ay nagpapakita na ang libreng biyaya ng Diyos ay binago’t sinira bago pa ang iglesia makaalis sa unang siglo. Maaming sinaunang ama ng iglesia ang nagturo ng pangangailangan ng bautismo at banal na pamumuhay upang maligtas o manatiling ligtas. Sa ilang siglo matapos ang mga sinaunang ama, ang mga dominanteng relihiyong Ortodox at Katoliko ay parehong nagturo ng pangangailangan ng bautismo, pagsisisi, at ibang sakramento para sa kaligtasan. Nabawi lamang ng Cristianismo ang libreng biyaya ng Diyos nang pagdating ng Repormasyon nang maagang 1500- bagama’t ang mga gumawa nito ay marahas na insusig.

Kahit si Calvin, isang pinuno ng Repormasyon na nagturo na ang biyaya ay libre at ang pananampalataya sa pangako ng Diyos ay nagbibigay ng katiyakan ng kaligtasan, sa kalaunan ay binigyan ng bagong interpretasyon na ang mga gawa ay mahalaga sa katiyakan at kaligtasan ng isang tao. Sa pagdating ng Westminster Confession (Pahayag ng Westminster 1647) ang mga gawa ay mariing nabaon sa pananampalataya at sa ebanghelyo, hindi sa unahan (upang maligtas), kundi sa hulihan (bilang patunay ng kaligtasan). Ngayon ang muling pagsulpot ng uri ng Calvinismong ito ay namayagpag sa ka-Sangkristiyanuhan na may kaparehong pagsuksok ng mga gawa at merito sa katiyakan at kaligtasan.

Isang natural na tugon sa biyaya

Bakit ang kahangahangang mapagpalayang mensahe na ito ng biyaya ay hindi namayagpag sa mundo? Maaari lamang tayong magmungkahi kung bakit maraming tao ang nagtatakwil o nagbabago ng libreng biyaya ng Diyos.

Nakundisyon.

Nabubuhay tayo sa mundong walang biyaya na laging nagtuturo sa atin na dapat nating pagsikapan ang ating sariling daan. Tayo ay pinangakuan ng gantimpala dahil sa pagsasanay sa pagdumi, mahusay na marka sa pag-aaral nang husto, at sahod sa pagtatrabaho. Maliban sa Cristianismo ng Biblia, ang lahat ng mga relihiyon sa mundong ito ay nag-aalok ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa. Ang biyaya, na nagtuturo na ang kaligtasan ay libre at may kasiguruhan, ay tila napakagandang pakinggan upang maging totoo. Nang sinabi ni Jesus sa mga mapanuring Judio na ang buhay na walang hanggan ay isang regalo, ang kanilang natural na kasagutan ay,”Ano ang dapat naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos.” Hindi bumigay si Jesus sa kanilang inklinasyon na gumawa para sa kaligtasan, kundi sa isang paglalaro sa mga salita ay tumugon, “Ito ang gawa ng Diyos, na kayo ay sumampalataya sa Kaniyang sinugo” (Juan 6:27-29). Tanungin mo ang karaniwang tao ngayon kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan at ang nangungunang kasagutan ay laging may kalakip na bagay na dapat gawin. Ang kaligtasan na tunay na libre ay mahirap maunawaan o matanggap.

Kapalaluan.

Ang paggawa ng isang bagay upang may maibahagi o makapagpatunay sa ating kaligtasan ay umaapela sa natural na impulso ng ating kapalaluan. Tayo ay naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya “hindi sa mga gawa upang walang sinumang magmataas”(Ef 2:8-9). Ang kapalaluan ay umaapela sa ating makasalanang laman. Nais ng laman na itaas ang sarili at ipagmalaki kung ano ang nagawa, ngunit ang ebanghelyo ng biyaya ay tumuturo lamang sa krus bilang paraan ng pagkamit at pag-iingat ng kaligtasan. Sinabi ni Pablo, “Datapuwa’t malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo” (Gal 6:14). Ang biyaya ay nagbababa ng ating kapalaluan.

Inseguridad.

Walang duda na ang ilan ay hindi komportable sa kalayaang dinadala ng biyaya. Ang kontrobersiya sa Gawa 15 ay gawa ng mga Judio na humihingi ng maoobserbahang kriterya na nakabase sa magagawa mula sa mga Hentil na naligtas ng biyaya. Ito ay sumasalamin sa pagnanasang dumepende sa sistema ng itim at puting mga batas o sukat ng pag-uugali na magbibigay seguridad sa mga legalista sa kanilang espirituwalidad at nagbibigay sa kanila ng karapatang ideklara ang ibang hindi ligtas. Ang inseguridad ng walang katiyakan sa iba ay nagreresulta sa takot sa kawalang linaw, na sa isang dako ay nanganganak ng pagnanasang mangontrol. Ang kontrol na ito ay nagreresulta sa pagpilit ng mga kautusan o mga sukatang gagawing komportable ang isang tao. Samantala, ang biyaya ay tumitingin sa pananampalataya sa Salita ng Diyos, pagpapasakop sa kontrol ng Espiritu Santo, at ang kompulsiyon na ibigin ang Diyos at ang iba bilang nagdedetermina ng espirituwalidad ng isang tao. Handang sumugal ang biyaya sapagkat ang kalayaan ay isang sugal.

Pagbubuod

Ang tao ay natural na ayaw sa biyaya. Ang patuloy na pagtalikod sa biyaya ay biblikal at historikal na maipapakita. Ganuon pa man, ang Diyos ay may laging iniingatang nalalabing buong buong yumayakap sa biyaya. Ang walang kundisyong libreng biyaya ng Diyos na nagdadala sa atin sa krus ni Cristo para sa lahat at anumang merito sa harap ng Diyos ay nagpapanatili sa ating mapakumbaba, at ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong makaranas ng higit na biyaya: “Ngunit Siya’y nagbibigay ng lalong biyaya at sumasalangsang sa mga palalo” (Santiago 4:6). Ang aliping babae ng legalismo at ang kaniyang anak ay laging umuusig sa malayang babae ng biyaya at kaniyang anak (Gal 4:29). Ang dalawa ay hindi maaaring umiral na magkasama o maghalo man. Ang payo ni Pablo ay ang itapon ang aliping babae at kaniyang anak (Gal 4:30). Masdang mabuti ang natural na paglayo sa biyaya. Huwag subuking makikompromiso sa legalismo o anumang bagay na nagbabanta sa ganap na kalibrehan ng biyaya. Sa halip, “Magsitibay nga kayo at huwag kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin” (Gal 5:1).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes