GraceNotes
   

   Ang Katotohanan ng Karnal na Kristiyano

Mayoon bang tinatawag na makalaman o karnal na Cristiano, mga mananampalatayang nagpapatuloy sa pagsuway sa Diyos? Ang ilang ay nagsasabing hindi. Samantalang ang iba ay inaaming ang mga Cristiano ay maaari at talagang nagkakasala, tinatanggi nilang ang mga tunay na mananampalataya ay magpapatuloy sa kasalanan hanggang sa katapusan ng kanilang mga pisikal na buhay. Naniniwala silang ang trabaho ng Diyos ng kaligtasan sa isang tao ay naggagarantiya ng pagtitiis sa mabubuting gawa at pagsunod (tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 49). Ang ibang naniniwala sa realidad ng makalamang Cristiano ay inaakusahang nagbibigay sa mga hindi mananampalataya ng huwad na katiyakan ng kaligtasan (bagama’t ang mga nagaakusang ito ay maaari ring magbigay ng huwad na katiyakan kung ang gawa ng isang tao ang sukatan ng kaligtasan.). Ang mga naniniwala sa makalamang Cristiano ay inaakusahan ding nagtataguyod ng lisensiya sa kasalanan (bagama’t ang kanilang mga taga-akusa ay malimit na sumasang-ayon na hindi naman ito sinasadyang ituro). Ang salitang “karnal/makalaman” (sarkikos, bahagi ng pinaghaharian ng makasalanang laman) ay ginagamit dito upang ipantukoy sa makasalanang gawi. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa karnalidad at mga Cristiano?

Ang realidad ng pagkakaiba sa karanasang Cristiano Walang dalawang mananampalataya ang may parehong karanasan sa Cristianong maturidad at kabanalan. Maraming mga bagay na makakaimpluwensiya sa karanasang Cristiano gaya ng edad sa kaligtasan, eksposyur at reseptibidad sa katotohanan, nakaraang karanasan, personalidad, ang sistema ng sanlibutan, ang laman at ang diablo. Makikita natin ang iba’t ibang karanasan sa Kasulatan.

  • Mateo 5:19-Ang ilan ay tinawag na “pinakamaliit sa kaharian ng langit” dahil sila ay nagkasala at dahilan upang ang iba’y magkasala, samantalang ang ilan ay tinatawag na “dakila sa kaharian ng langit.”
  • Lukas 8:11-15- Ang ilang nanampalataya ay hindi lumalago dahil sa kaabalahan ng makasanlibutang tukso at kasiyahan (tingnan ang Tala ng Biyaya Blg. 57).
  • 1 Corinto 3:1-3- Inapirma ni Pablo ang kaligtasan ng mga taga-Corinto (1:2-9;4:15; 6:11), ngunit tinatawag silang “karnal” at “sanggol kay Cristo.” Sila ay salungat sa mga tinatawag na “espiritwal” sa 2:15.
  • 1 Corinto 3:11-15- Ang ilang nanampalataya ay may mabubuting gawang ginantimpalaan at ang ilan ay susunugin ang kanilang walang silbing mga gawa sa katapusang ng kanilang mga buhay.
  • 2 Timoteo 2:20-21- May dalawang uri ng sisidlan sa bahay ng Diyos, ang ilan ay nagdadala ng karangalan at ang ilan ay nagdadala ng kahihiyan.
  • Hebreo 5:11-14- Ang mga mambabasa, bagama’t tiyak na ligtas (tingnan Ang Tala ng Biyaya Blg 15), ay sinaway sa pagiging “mapurol sa pakikinig”at “walang karanasan sa katuwiran.”Sila ay tila mga sanggol na makakakain lang ng gatas, hindi gaya ng mga may gulang na mananampalatayang makakakain ng matigas na Salita.
Sa Biblia ang tuinay na buhay ay hindi isang Cristianong karanasang may iisang sukat na lapat sa lahat, kundi isang ispektrum ng paglago, maturidad, at pagsunod. Sa ibaba ng ispektrum na ito ay ang mga namumuhay na karnal.

Ang realidad ng nagpapatuloy na kasalanan sa mga Cristiano Ang simpleng pagbasa ng Kasulatan ay nagpapakitang ang mga Cristiano ay maaaring magpatuloy sa pakikibaka sa kasalanan.

  • Roma 7:7-8:17- Ang Apostol Pablo ay naglalarawan ng kaniyang karanasan ng pakikibaka sa kaniyang makasalanang laman at nagbubuod na ang tagumpay ay nanggagaling sa kontrol ng Espiritu Santo.
  • Ang mga taga-Corinto- Ang buong iglesia ay namumuhay sa kasalanan (kapalaluan, pagkakahati, sekswal na imoralidad, demandahan, atbp) bagama’t sila ay siguradong ligtas (1 Cor 1:2-9; 4:15; 6:11). Apat na taon matapos silang bisitahin ni Pablo, sumulat siya upang komprontahin at itama ang kanilang nagpapatuloy na mga kasalanan.
  • Ang mga taga-Galatia- Ang iglesiang ito ay tumalikod sa tunay na ebanghelyo ng biyaya patungo sa huwad na ebanghelyo ng legalismo. Bagama’t ligtas (1:1, 3, 6), sila ay nanganganib na makaranas ng sumpa ng Dios (1:8-9) at maiwala ang mga benepisyo ng biyaya (5:4).
  • 2 Tesalonica 3:6-15- Ang ilang sa iglesia ay hindi maayos, tamad at nangangailangan ng pagsaway.
  • 1 Juan 1:8, 10- Ang mga Cristianong tumatanggi sa realidad ng kasalanan sa kanilang mga sarili ay lumalakad sa kadiliman, ginagawang sinungaling ang Diyos, at samakatuwid ay tinatanggi ang pangangailangan ng pagkumpisal.
Sa madaling salita, ang katotohanang ang Biblia ay nagtuturo laban sa kasalanan, ang mga babala laban sa mga konsekwensiya ng kasalanan, ang turo tungkol sa disiplina sa iglesia, at ang mga aral tungkol sa pagkukumpisal at pagbabalik-loob ay walang saysay kung ang nagpapatuloy na kasalanan ay hindi posibilidad at realidad para sa mga Cristiano.

Ang realidad ng nagkakasalang mga Cristiano Isang halimbawa lamang ng mananampalatayang nagpapatuloy sa kasalanan hanggan sa katapusan ng kaniyang buhay ang kinakailangang patunay sa realidad ng mga ligtas na taong namumuhay nang karnal. Gayun pa man, narito ang ilang mga halimbawa.

  • Saul- Bagama’t pinahiran ng Diyos at bagama’t siya ay nagpropesiya (1 Sam 10:1-13, 24) at pinalayas niya ang mga manggagaway at espiritista (1 Sam 28:3), namatay si Saul sa kasalanan (1 Cron 10:13-14).
  • Ang mga hari ng Israel at Juda- Ang ilan gaya ni Asa (2 Cron 14-16), Jehu (2 Hari 9-10), Joas (2 Hari 12:2; 2 Cron 24), Amasias (2 Hari 14:1-20; 2 Cron 25), at Uzias (2 Cron 26) ay pinuri sa ilang aspeto ng kanilang pananampalataya at pagsunod, ngunit namatay sa pagsuway.
  • Solomon- Ang haring ito ng Israel at may-akda ng Kasulatan ay tumalikod sa Diyos at sumamba sa mga idolo sa kaniyang katandaan. Ang tala ng Biblia ay hindi nagpahiwatig na siya ay nagsisi bago mamatay (1 Hari 11).
  • Ezekiel 18:24- Ang isang matuwid na taong seryosong nagkasala ay mamamatay pisikal dahil sa kaniyang kasalanan.
  • Ananias at Safira- Ang mga miyembrong ito ng unang simbahan ay namatay dahil sila’y nagsinungaling (Gawa 5:1-10).
  • Ang mga mananampalatayang taga-Corinto sa Hapunan ng Panginoon- Dahil sila ay kumain ng Hapunan ng Panginoon sa paraang hindi karapat-dapat, ang ilan ay namatay (1 Cor 11:30; ang “nangatutulog” ay eupemismo para sa pisikal na kamatayan).
Ang mga halimbawang ito ng Biblia ay nagpapaalala sa ating mga Cristiano ng mga nangyayari sa kasalukuyang panahon sa gitna ng mga Cristiano.

Ang realidad ng mga konsekwensiya para sa makasalanang Cristiano Ang Kasulatan ay kinikilala ang realidad ng kasalanan sa mga mananampalataya, ngunit hindi ito binibigyang katuwiran. Ang mga makasalanang mananampalataya ay pinanghahawakang mananagot sa kanilang gawi.

  • Dibinong disiplina- Pinarurusahan ng Diyos ang Kaniyang iniibig na nangangailangan ng pagtutuwid
  • Disiplina ng iglesia- Ang mga iglesia’y inaralang disiplinahin at ibalik ang mga nagkakasalang mananampalataya (Mat 18:15-17; 1 Cor 5:1-13; 2 Tes 3:6-15).
  • Temporal na disiplina- Ang mga nagkakasala at makasariling mananampalataya ay maiwawala ang mga pagpapala at kapunuan ng buhay (Awit 32:3-5; 51:1-12; Mat 13; 2 Tes 3:6-15).
  • Naiwalang gantimpala- Ang mga makasalanang mananampalataya ay maaaring maiwala ang kanilang gantimpala sa buhay na ito at sa Hukuman ni Cristo sa katapusan ng buhay (Mat 6:1; 1 Co 3:13-15; 13:3; San 2:12-13; 2 Juan 8).
  • Kawalan ng pakinabang- Ang mga Cristianong hindi lumalago sa kabanalan ay hindi dapat maging mga guro (Heb 5:11-13) at maaaring mawalan ng pakinabang o silbi sa paglilingkod sa Diyos (Juan 15:1-6; 2 Tim 2:20-21).
  • Kawalan ng pakikisama- Ang mga mananampalatayang namumuhay sa kasalanan ay lalakad sa kadiliman at maiwawala ang pakikisama sa Diyos at sa ibang mananampalataya (1 Juan 1:3-7).
  • Pisikal na kamatayan- Ang mga Cristiano ay maaaring makagawa ng kasalanang nagpapatuloy hanggang kamatayan (1 Cor 5:4-5; San 5:19-20; 1 Juan 5:16).
Ang mga konsekwensiyang ito, ang proseso ng disiplina, at ang pagbabalik sa pakikisama ay mawawalang saysay kung ang mga nagkakasala ay hindi mananampalataya. Wala tayong nakikitang turo na iligtas ang mga makasalanang ito.

Pagbubuod

Isang halimbawa ng mananampalatayang namatay sa makasalanang kundisyon ay nagpapatunay sa realidad ng karnal na Cristiano. Ngunit ang Biblia ay maraming halimbawa gayundin ng aral kung paano ang Diyos ay nagtuturo, nagbababala at nagdidisiplina ng mga nagpapatuloy sa kasalanan. Ang itanggi ang realidad ng karnal na Cristiano ay nagwawalang-bahala ng napakaraming ebidensiyang biblika upang paburan ang isang huwad na teolohikal na posisyung nagtuturong ang kaligtasan ay natamo at napatunayan sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos at ang pananampalatayang iyan ay regalo ng Diyos na hindi mabibigo. Ang pananaw na ito ay hindi makaaalok ng buong katiyakan ng kaligtasan dahil ito ay nakadepende sa kung ano ang mgagawa ng isang tao hanggang sa huling araw ng kaniyang buhay, at walang sinuman ang makahuhula kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Hindi rin nito ineespisipika kung gaano katagal ang isang tao maaaring magkasala bago siya matawag na karnal. Palaisipan kung paano tinatrato ng mga gurong ito ang realidad ng kasalanan sa kanilang mga buhay at kung paano nila mahahatulan ang kaligtasan ng iba. Tanging ang Diyos ang Hukom. Ang Biblia, ang ating mga obserbasyon ng mga Cristiano, at pagsusuri ng ating mga sarili ay nagpapakita ng nananatiling realidad ng pakikibaka ng Cristiano sa kasalanan. Mayroon tayong kaaliwan ng masaganang biyaya ng Diyos sa Roma 5:20: “....Ngunit kung saan nananagana ang kasalanan, ang biyaya ay mas higit na nananagana.” Walang sukat ng kasalanan ang makauubos ng kahanga-hangang biyaya ng Diyos.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes