GraceNotes
   

   Ano Ang "Free Grace theology"?

Ang mga teolohikal na label ay isang kumbenienteng paraan ng pagbubuod ng mga sistema ng paniniwala. Maraming labels ang matatag na bahagi ng pag-uusap teolohika, gaya ng Arminianismo, Calvinismo, amilenialismo o premilenialismo. Marami ang nakaririnig ng label na “Free Grace Theology” ngunit nagtataka kung ano ang ibig nitong sabihin. Narito ang maikling pagbubuod.

1. Ang Free Grace ay nagtuturo na ang biyaya ng kaligtasan ay ganap na libre. Ito ang lugar na halatang dapat simulan, bagama’t ito dapat ay hindi na marapat sabihin dahil ang salitang biyaya (sa Griyego ay charis) ay sa esensiyal na pakahulugan ay isang libre at hindi matatampatang regalo. Ngunit, dahil sa ang ilan ay nagbabanggit ng mamahalin o mumurahing biyaya, naging nesesidad na liwanaging ang biyaya ay ganap na libre. Hindi nangangahulugang ito ay libre sa nagbigay, na sa kasong ito ay ang Diyos, kundi nangangahulugang walang bayad o merito ang hinihingi sa mga inalok nito, na walang iba kundi ang mga hindi ligtas at hindi karapat-dapat na makasalanan. Ang Roma 3:24 ay naghihiwalay sa libreng regalo sa tumanggap at sa halaga sa Tagapagbigay: “Palibhasa’y inaring ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.”
2. Ang Free Grace ay nangangahulugang ang biyaya ng kaligtasan ay matatanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Sapagkat tayo ay makasalanang walang magagawa upang matamo ang biyaya ng Diyos, ito ay kailangang ibigay bilang isang regalo na matatanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pananampalataya (o paniniwala, na mula sa kaparehong salitang Griyego) ipinakahuhulugan natin ang tugon ng tao na tanggapin ang isang bagay na totoo o mapagkakatiwalaan. Ito ay isang kumbiksiyon, isang panloob na pagkakumbinse. Ang depinisyong iyan ay iniaalis ang anumang kundisyon ng mga gawa, gawain o merito (Roma 4:4-5). Ang pananampalataya ay hindi maipakahuhulugan sa pagsunod sa mga Cristianong kautusan, bautismo, pagsuko, pagtalaga ng buhay ng isang tao sa Diyos o pagtalikod sa mga kasalanan. Ang mga bagay na ito ay maaari at dapat na resulta ng pananampalataya, ngunit sila ay iba sa pananampalataya mismo, dahil kung hindi ang biyaya ay tumigil sa pagiging biyaya (Roma 11:6). Ang Efeso 2:8 ay nagsasabing, “Sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa mga gawa...” Ang pananampalataya ay isang simpleng tugon, ngunit hindi nangangahulugan na ito ay madali. Maraming nanghahawak sa Free Grace ay naniniwalang ang pagsisisi, bilang isang pagbabago ng isipan o ng puso, ay maaaring minsang gamitin upang ilarawan ang aspeto ng pananampalataya kung saan tayo ay nakumbinse ng isang bagay. Ang ibang tagataguyod ng Free Grace ay hindi naniniwalang ang pagsisisi (bilang pagtalikod sa kasalanan) ay may bahagi sa kaligtasan o nagliligtas na pananampalataya.
3. Ang Free Grace ay naniniwalang ang layon ng pananampalataya ay ang Panginoong Jesucristo. Ang pananampalataya ay laging nangangailangan ng layon dahil ang pananampalataya mismo ay hindi ang epektibong dahilan ng ating kaligtasan (Tayo ay naligtas “sa biyaya”), kundi ang instrumento na ginamit upang tayo ay maligtas (“sa pamamagitan ng pananampalataya”). Ang Isang aktuwal na nagligtas sa atin ay ang Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi ito kung sino-sinong Jesus kundi si Jesus na Anak ng Diyos na Siyang namatay para sa ating mga kasalanan at bumangong muli at naggagarantiya ng eternal na kaligtasan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya.
4. Ang Free Grace ay nanghahawak sa natapos na gawain ni Cristo. Ang biyaya ay libre dahil ginawa ni Jesus ang lahat ng gawain para sa atin. Ang Kaniyang pahayag, “Natapos na” sa krus ay nangangahulugang binigay Niya ang pinal at buong bayad sa penalidad ng ating mga kasalanan. Nangangahulugan din ito na wala na tayong maidaragdag na anuman sa ginawa ni Jesus. Wala tayong magagawa na kahit ano para matamo ang ating kaligtasan o upang maingatan ang ating kaligtasan. Ang Free Grace kung ganuon ay nagtuturo ng eternal na seguridad para sa mananampalataya.
5. Ang Free Grace ay nagbibigay ng tanging basehan para sa katiyakan ng kaligtasan. Anumang sistema o paniniwalang nangangailangan ng ating magagawa ay hindi makapagbibigay ng katiyakan ng kaligtasan. Ang magagawa ng isang tao ay subhetibo, nagbabago, hindi mahuhulaan, at laging imperpekto. Ang pananampalataya ay dapat nakasalalay kay Jesucristo at sa Kaniyang pangako gaya ng nahahayag sa Salita ng Diyos. Ang persona at gawain ni Cristo at ang Salita ng Diyos ang mga obhetibong katotohanang hindi mababago. Samakatuwid ang Free Grace ay nag-aalok ng tanging basehan ng buong katiyakan ng kaligtasan.
6. Ang Free Grace ay pinag-iiba ang kaligtasan at pagiging alagad. Samantalang ang ibang sistemang teolohikal ay naniniwalang lahat ng mga Cristiano ay mga alagad, ang Free Grace ay nauunawaan na ang kundisyon sa eternal na kaligtasan (manampalataya) ay iba sa maraming kundisyon para sa pagiging alagad (itanggi ang sarili, pasanin ang sariling krus, sumunod kay Cristo, manahan sa Kaniyang Salita, ibigin si Cristo nang higit sa iyong pamilya, atbp). Dahil sa ang biyaya ay ganap na libre, hindi nito mahihingi ang mga kundisyong ito o titigil itong maging biyaya. Ang Free Grace ay naniniwalang ang pagtatalaga ng pagiging alagad ay dapat maging resulta ng kaligtasan, hindi paghihinggin. Ang gawin silang mga kundisyon ng kaligtasan ay pagsisiksik ng mga gawa at pantaong merito sa ebanghelyo ng biyaya.
7. Ang Free Grace ay naniniwalang ang Cristianong pamumuhay ay sa biyaya rin sa pamamagitan ng pananampalataya. Dahil tayo ay naligtas sa biyaya at pinanatiling ligtas ng biyaya, tayo ay lumalago rin sa biyaya na mapapasok lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang biyaya ay nagbibigay ng lahat ng bagay na hindi tayo karapatdapat at marami pa para sa ating pangangailangan. Gaya ng kaligtasan, ang biyaya sa paglago ay para sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya: “Sa pamamagitan din naman Niya’y [ang Panginoong Jesucristo] nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalatayang ito sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo...” (Roma 5:2; ikumpara Gal 2:20).
8. Ang Free Grace ay nagbibigay ng pinakamainam na motibasyon para sa maka-Diyos na pamumuhay. Kung ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng magagawa ng isang tao, wala tayong katiyakan, at kung walang katiyakan, ang motibasyon para sa mabuting gawa ay madaling maging pagpapatunay na tayo ay talagang ligtas o upang maiwasan ang impiyerno. Ang guilt, takot at pag-aalinlangan ay maaaring lumikha ng mabuting gawa, ngunit hindi nangangahulugang maka-Diyos na gawa. Kabilang sa maka-Diyos na gawa ang panloob na motibasyon ng pag-ibig at pasasalamat. Ang katiyakan ng biyaya ng Diyos at ang natapos na gawain ni Cristo ay nagbibigay kalayaan sa mga Cristianong lumago sa isang kapaligiran ng kalayaan at walang kundisyong pag-ibig (Tito 2:11-12).
9. Ang Free Grace ay nanghahawak na ang lahat ng Cristiano ay mananagot. Ayon sa Free Grace, ang mananampalataya ay pinalaya mula sa anumang hinihingi ng kautusan o ng mga gawa bilang basehan sa walang hanggang kaligtasan. Ngunit ang Free Grace ay nagtuturo rin na ang mga Cristiano ay dapat mamuhay nang maka-Diyos na pamumuhay dahil 1) Tayo ay dapat maging mapagpasalamat sa ginawa ng Diyos (Roma 12:1-2); 2) Nais ng Diyos na tayo ay mayroong mabubuting gawa (Ef 2:10); 3) Tayo ay may bagong posisyun kay Cristo (Roma 6:1-14); 4) Tayo ay may bagong Panginoon- si Jesus (Roma 6:15-23); at 5) Tayo ay may bagong kapangyarihan- ang Espiritu Santo (Roma 8:1-11). Dahil sa mga bagay na ito, ang Free Grace ay nagtuturong tayo ay mananagot sa Diyos para sa uri ng mga buhay na ating isinabuhay. Ang Diyos ay maaaring disiplinahin tayo sa buhay na ito (Heb 12:5-11) o haharap tayo sa Hukuman ni Cristo sa hinaharap kung saan ang bawat mananampalataya ay magbibigay-sulit sa Diyos (Roma 14:10-12; 1 Cor 3:11-4:5; 2 Co 5:10). Sa paghuhukom na ito, ang mga mananampalataya ay gagantimpalaan o tatanggihan ng gantimpala. Kailan man hindi tinuro ng Free Grace na ang mga Cristiano ay maaaring magkasala nang walang konsekwensiya.
10. Ang Free Grace ay komitado una sa tamang interpretasyon ng Biblia. Ito ay hindi na dapat sabihin, ngunit naging nesesidad dahil marami ang pinipilit ang kanilang mga sistemang teolohikal sa kanilang mga interpretasyon sa halip na hayaan ang Bibliang magsalita para sa kaniyang sarili. Ang sistemang Free Grace ay resulta ng isang literal at payak na diwang paglapit sa Biblia na kinukunsidera ang iba’t ibang paraan ng Diyos sa pagpatupad ng Kaniyang plano sa iba’t ibang panahon, at ang konteksto ng anumang pasahe ng Biblia. Ang sistemang Free Grace ay nagnanais na laging maging biblikal. Ang una nitong komitment ay hindi sa isang sistemang teolohikal, kundi sa kung ano ang sinasabi ng Biblia, kahit pa kung ang ibang mga partikular ay hindi madaling maitugma sa ibang mga aral o tradisyunal na interpretasyon. Samakatuwid ang posisyung Free Grace ay nagpapahintulot ng iba’t ibang interpretasyon ng ilang pasahe ng Biblia basta’t ang mga ito ay umaayon sa mabubuting prinsipyo ng pag-interpreta ng Biblia at maliwanag na turo ng libreng biyaya ng Diyos.

Pagbubuod

Ang teolohiyang Free Grace ay nagsisimula sa payak at malinaw na mga aral ng Biblia na ang biyaya ay ganap na libre. Mula rito, ang mga turo ng Biblia tungkol sa kaligtasan, pananampalataya, seguridad, katiyakan, Cristianong pamumuhay, at pagiging alagad ay tinatanaw mula sa konsistent na pagkaunawa ng walang kundisyong kalikasan ng biyaya. Ang libreng biyaya ng Diyos ay dapat nagmomotiba sa mga Cristiano na sumamba, maglingkod at mamuhay ng maka-Diyos para sa “Diyos ng lahat ng biyaya” (1 Pedro 5:10) na “unang umibig sa atin” (1 Juan 4:19).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes