GraceNotes
   

   Maaari Bang Sampalatayahan ng Hindi Pa Pinanganak na Muli ang Ebanghelyo?

Maraming sasagot sa tanong na ito, “Oo naman. Kung hindi paano ang isang tao maliligtas kailan pa man?” Ngunit mayroong ilang taong hindi sasang-ayon, dahil iniisip nila na ang tao ay dapat maipanganak na muli muna bago siya makasasampalataya sa ebanghelyo. Ang pananaw na ito ay hinihingi ng kanilang pananaw ng pagiging makasalanan ng tao, na tinatawag nilang ganap na deprabidad (total depravity). Ngunit ano ang sinasabi ng Biblia?

Ang isyu ng ganap na deprabidad

Ang ganap na deprabidad ay ang terminong teolohikal na ginagamit ng ilan upang isalarawan ang pagiging makasalanan ng mga tao. Ang termino mismo ay wala sa Biblia. Matapos mahulog si Adan sa Genesis 3, ang tao ay tinuring na “patay sa kasalanan at pagsalangsang” gaya ng paglalarawan sa Efeso 2:1 (tingnan din sa Roma 3:10-18; 5:12; 1 Cor 15:22). Kung paano nauunawaan ng tao ang espirituwal na kamatayang ito ay magdedetermina kung paano niya iuugnay ang pananampalataya sa kapanganakang muli.

Ang mga nagsusulong na dapat ipanganak na muli ng Diyos ang tao bago ang taong iyan ay makasasampalataya ay ipinapakahulugan ang ganap na deprabidad bilang ganap na inabilidad (total inability) na positibong tumugon sa Diyos. Naniniwala silang ang taong hindi pa naipanganak na muli ay ni hindi mauunawaan ang ebanghelyo. Ang pananaw na ito ay pinanghahawakan ng teolohiyang Refomed at matitinding bersiyong ng Calvinismo.

Mas biblikal na panghawakan ang “patay sa kasalanan at pagsalangsang” bilang larawan ng kundisyon ng tao sa harap ng Diyos. Dahil sa kasalanan ni Adan, at sa relasyon ng tao kay Adan, ang tao ay ganap na hiwalay sa Diyos at kulang sa anumang bagay na magkokomenda sa kaniya sa Diyos. Bagama’t ang karumihan ng kasalanan ay abot sa lahat ng tao at sa kaniyang buong pagkatao, taglay pa rin ng tao ang kakayahang tumugon sa inisiyatibo ng Diyos. Kahit na nagkasala si Adan at nahulog espirituwal, nagawa pa rin niyang makipag-usap agad-agad sa Diyos (Gen 2:7; 3:1-19).

Ebidensiyang biblikal na ang kapanganakang muli ay hindi nauuna bago ang pananampalataya

Maraming argumentong biblikal ang nagpapakita na ang pagiging makasalanan ng tao ay hindi nanghihingi ng kapanganakang mag-uli bago siya manampalataya

Ang tao ay nanatiling kawangis ng Diyos. Ang tao ay nilalang na kawangis ng Diyos, kabilang na ang isang sukat ng kakayahang magdetermina sa sarili. Ang imahen ng Diyos ay hindi nasira ng pagkahulog ng tao, kundi namantiyahan o narumihan, na ang resulta ay ang tao, kung iiwan sa kaniyang sarili, ay natutuon sa kasalanan at sa pagtakwil ng Diyos. Ang kakayang magdetermina ng sarili, kahit pa gamitin sa pagtakwil sa Diyos, ay esensiyal sa pagiging tao at pagkatao. Kung walang kakayahang magdetermina sa sarili, ang tao ay walang pinagkaiba sa robot na ang bawat desisyon at gawa ay dinetermina at kontrolado ng Diyos.

Ang tao ay responsable. Dahil ang mga tao ay makagagawa ng mga desisyong dinetermina ng kaniyang sarili, ang mga hindi mananampalataya ay pinanghahawakan ng Diyos na mananagot sa pagtakwil sa ebanghelyo (Juan 3:18, 36; 5:40-47; Gawa 17:30; 2 Tes 1:6-10). Ang Diyos ay hindi magiging matuwid at makatarungan kung Kaniyang ikokondena ang mga taong hindi makasasampalataya sapagkat hindi Niya sila ipinanganak na muli. Gagawin nito ang Diyos na may-akda ng kasamaan.

Ang imbitasiyong manampalataya ay lehitimo. Ang imbitasiyon ng Diyos na maligtas sa pamamagitan ng ebanghelyo ay sinsero at lehitimo lamang kung ang sinuman at lahat ng tao ay makasasampalataya rito. Kung kailangang ipanganak na muli ng Diyos ang mga tao bago sila makasampalataya sa ebanghelyo, ang imbitasiyon ay hindi talaga para sa lahat ng tao,kundi para lamang sa mga naipanganak nang muli. Ngunit ito ay salungat sa mga pahayag ng Biblia na ang ebanghelyo ay para sa lahat (Juan 3:16; 2 Cor 5:19-20; 1 Tim 2:3-6; 1 Juan 2:2). Kung paanong nangaral si Pablo na iniisip na ang sinuman ay maaaring makatugon sa ebanghelyo, ganuon din naman, kailangan din nating ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao (Mateo 18:18-20; Marcos 16:15; Gawa 1:8), dahil ito ay tunay na alok sa lahat ng mga tao. Ipinapanganak muli ng Diyos ang lahat ng sumampalataya sa ebanghelyo.

Hinihila ng Diyos ang tao sa Kaniyang Sarili. Dahil sa kaniyang makasalanang estado ang tao ay hindi naghahanap sa Diyos. Tinuturo ng Biblia na bago ang sinumang makasasampalataya, hinihila ng Diyos ang taong iyan sa Kaniyang sarili (Juan 6:44; 12:32). Kinukumbinse o hinihikayat ng Diyos ang hindi mananampalataya ng katotohanan, katuwiran at paghuhukom tungkol kay Jesucristo (Juan 16:8-11). Kumikilos ang Espiritu Santo sa misteryosong paraan upang dalhin ang tao sa punto ng pananampalataya (Juan 3:8).

Ang pananampalataya ay ang pamamaraan at hindi resulta. Wala saan man sa Biblia na nagsasabing ang pananampalataya ay nilikha ng kapanganakang muli. Ang Juan 3:16 ay isang pamilyar na sitas, na ayon sa nauunang konteksto ng 3:1-15 ay nagpapaliwanag kung paano ang Diyos nagbibigay ng buhay na walang hanggan bilang resulta ng pananampalataya at hindi hinihingi para makasampalataya. Gayundin, ang Efeso 2:8 ay nagpapaliwanag kung paanong sa pamamagitan ng pananampalataya, binuhay ng Diyos ang mga patay sa kasalanan (Ef 2:1-7). Ang kapanganakang muli ay resulta ng pagtanggap ng buhay na walang hanggan ng Diyos, at ang buhay na iyan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 5:24; 20:31).

Ang pananampalataya ay isang lamang personal na tugon. Ang tao ay makasasampalataya sa katotohanan o sa kabulaanang iniharap sa kaniya. Ang isang taong hindi naipanganak na muli ay maaaring maniwala sa katotohanan ng batas ng grabidad o maniwala sa kamalian ng mundong yupi. Gayundin, ang taong hindi pa naipanganak na muli ay makasasampalataya sa katotohanan ng ebanghelyo ni Cristo o makasasampalataya siya sa kamalian ng mga huwad na relihiyon. Dahil sa ang pananampalataya ay isa lamang kasangkapan, ang tugon ng pananampalataya sa ebanghelyo ay hindi isang espesiyal na uri ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay pananampalataya. Ang Iayon ng pananampalataya, ang ebanghelyo ni Jesucristo ang espesiyal at nagdadala ng kaligtasan.

Ang pananampalataya ay hindi mabuting gawa. Ang mga nagpapakahulugan ng ganap na deprabidad bilang ganap na inabiladad ay nag-aangking kung ang tao ay may kakayahang manampalataya, ang pananampalatayang iyan ay isang meritoryong mabuting gawa para sa kaligtasan. Ngunit iyan ay hindi totoo sapagkat ang Biblia ay nagpapahayag na ang pananampalataya ay kinakailangan salungat sa gawa na hindi (Roma 3:27; 4:4-6;11:6; Ef 2:8-9). Ang pananampalataya ay hindi dahilan ng ating kaligtasan; iyan ay ang Diyos. Ang pananampalataya ay ang tinakdang pamamaraan ng Diyos upang ang isang hindi pa naipanganak na muli ay makatanggap ng Kaniyang biyaya para sa kaligtasan. Ang pananampalataya ay pasibo dahil ito ay pamamaraan upang ang isang tao ay makumbinse na ang isang bagay ay totoo o katiwa-tiwala. Ito ay hindi isang gawa sa diwang aktibong gumagawa ng isang bagay, at samakatuwid ay walang meritoryo.

Pagbubuod

Ang pananaw na ang kapanganakang muli ay dapat mauna sa pananampalataya ay isang gawa-gawang teolohikal, at hindi biblikal. Ang sabihing ang tao ay kumilos mula sa pagiging patay espirituwal hanggan sa buhay magpakailan pa man bago siya makasampalataya kay Jesucristo ay isang kakatwa at salungat sa aral ng Biblia. Ang Biblia ay nagtuturong ang tao ay sinira ng kasalanan at kung siya ay iiwan sa kaniyang sarili, hindi niya hahanapin ang Diyos o sasampalataya sa ebanghelyo. Samakatuwid, ang Diyos ay kailangang hilahin ang taong iyan hanggan sa punto ng pananampalataya. Gayun pa man ang tao ang dapat manampalataya. Ang pananampalataya ay hindi ambag ng tao o isang mabuting gawa. Ito ay ang pamamaraan upang ang tao ay makatanggap ng biyaya ng Diyos sa kaligtasan. Ang taong hindi pa naipanganak na muli ay makasasampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas dahil wala siyang mabibigay na anuman sa kaligtasang gawa ng Diyos. Ang pananampalataya ay ginagawang para sa lahat ang bagong kapanganakan, ngunit ang kapanganakang iyan ay gawa ng Diyos.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes