GraceNotes
   

   Mabiyayang Pagbabahagi ng Biyaya

Silang umaangking nakakakilala ng biyaya ng Diyos ay marapat na magsalita at kumilos nang may biyaya sa lahat. Si Jesus ay inilarawan bilang “puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14). Ipinahayag Niya ang katotohanan sa paraang ang mga tao ay “nangagtaka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa Kaniyang bibig” (Lukas 4:22) at ang Kaniyang kilos ay mabiyaya rin.

Gaya ni Jesus dapat nating ibahagi ang katotohanan ng biyaya sa mabiyayang paraan upang ang kamangha-manghang mensaheng ito ay hindi madumihan, maliitin, at salungatin ng pananalita at kilos na walang biyaya. Paano ba tayo magiging mabiyaya habang nagsisikap tayong magpahayag ng biyaya? Mas higit tayong maging mabiyaya kung maunawaan at maisalamin nating sa salita at sa gawa ang tunay na diwa ng konsepto ng biyaya.

Ang biyaya ay mapagkumbaba. Ang biyayang ating naranasan bilang isang Cristiano ay nag-aalis sa anumang batayan sa pagyayabang dahil ito ay isang ganap na regalong hindi matatampatan ng anumang mayroong tayo o magagawa natin. Pinipigilan tayo nito upang magkaroon ng malobong opinyon tungkol sa ating mga sarili (Roma 12:3). Sa halip kailangan nating isalamin ang sentimyento ni Apostol Pablo na nagsabi, “ sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako nga’y ako” (1 Cor 15:10). Sapagkat ang ating bagong pagkikilanlan at posisyon ay ibinigay ng biyaya, wala tayong maaangking likas na kabutihan o halaga sa harap ng ibang tao. Inaamin ng biyaya ang makasalanang nakalipas at imperpektong kasalakuyan. Kailangan nating ipahayag ang malinaw na katotohanan nang may kasigasigan, ngunit habang tayo ay lumalakad sa lawak ng kaliwanagan ng Kasulatan, kailangan nating aminin nang may pagpapakumbaba na ang ating pag-unawa ay hindi ganap at maging mabiyaya sa ating pakikitungo sa mga taong may ibang pagkaunawa.

GAng biyaya ay nagpapalaya. Pinalaya tayo ng biyaya mula sa pagkaalipin sa kautusan at sa legalistikong hinihingi nito (cf. Gal 5:1-13). Ang legalistikong espiritu ay nang-aalipin ng tao sa pamamagitan nang walang batayan at artipisyal na ekspektasyon na sumasakal sa paglagong Cristiano; ngunit ang mabiyayang espiritu ay hinahayaan silang lumago upang maging kahawig ni Cristo. Ang mabiyayang saloobing sa iba ay nagpapalaya sa kanilang maging anumang naisin ng Diyos para sa kanila sa halip na pilitin silang maging anumang naisin natin o ng iba sa kanila. Ang Amerika ay isang malayang bansa dahil ang mga tao ay hinahayaang mag-isip, magtanong, makidebate, sumalungat o tumutol. Ganuon din naman, ang Cristianong biyaya ay lumilikha ng isang kapaligirang hinahayaan ang mga taong abutin ang kanilang buong potensiyal nang walang takot na masensor o hukuman.

Ang biyaya ay sumusugal. Nang ibigay sa atin ng Diyos ang lahat nang walang kapalit at ginarantiyahan Niya ang ating hinaharap, Siya ay sumusugal na baka ating aabusuhin ang Kaniyang mga pagpapala- gaya nang ginagawa ng iba. Maaaring gamitin ng mga mananampalataya ang biyayang nagpapalaya “upang magbigay kadahilanan sa laman” (Gal 5:13). Ang biyaya ay maaaring abusuhin, isawalang tabi, o itakwil (hal 2 Cor 6:1; Gal 1:16; 2:21; 5:4; Heb 12:15). Nang piliin ni Jesus ang Kaniyang labindalawang alagad, sumusugal Siyang ipagkatiwala ang Kaniyang mensahe at reputasyon sa mga lalaking hindi subok ang karakter, walang kasanayan sa doktrina, at hindi pino sa kilos. Ang mabiyayang saloobin sa mga tao ay nakikita ang potensiyal na nakikita ng Diyos sa kanila at handang magtiwala sa Diyos na ito ay bigyang katuparan.

Ang biyaya ay matiisin. Ang Kasulatan ay nagsasabi sa ating, “lumago sa biyaya at sa pagkaunawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo” (2 Pedro 3:18). Ang paglagong ito ay isang proseso kung saan ang biyaya ay nagtuturo sa atin (tingnan ang Titus 2:11-12 kung saan ang salita sa pagtuturo ay may kaugnayan sa pagsasanay ng mga bata). Dahil dinesenyo ng Diyos ang espirituwal na maturidad bilang isang proseso, Siya ay nagbabata sa atin sa ating mga imperpeksiyon habang tayo ay umuunlad. Ang Diyos ay tila isang matiising magulang na naghihintay sa kaniyang anak na lumaki. Gayon din naman, kinikilala natin ang ating mga kapwa mananampalataya na nasa proseso ng pag-unlad; sila ay hindi pa tapos na produkto. Ang bawat antas ng paglago ay may sariling ekspektasyon, na nag-iiba-iba sa bawat tao. Tayo ay nagpapakita ng kabiyayaan kapag hinahayaan natin ang iba ng puwang at oras upang mahawig kay Cristo sa pagkaunawa, karakter at gawi.

Ang biyaya ay nagpapalakas. Ang biblikong ideya ng pagpapalakas ay nagpapahiwatig ng isang taong nasa tabi ng isa upang magbigay ng suporta o palakasin sila sa oras ng pangangailangan. Ang taong may mabiyayang disposisyon ay umaabot upang tulungan ang iba at itaas sila (cf 2 Cor 8:9). Ang mabiyayang espiritu ay hindi namumuna nang walang pag-ibig, nanghahatol, nagpapahina ng loob o pumipigil sa isang tao na lumago. Ang layunin ng biyaya ay hindi ang daigin ang kapwa, ngunit upang palakasin sila sa pagkahawig kay Cristo. Mayroong nagsabing ang biyaya ay naglalagay ng halo sa ating ulo at tinutulungan tayong lumago patungo rito. Mas malamang na lalago tayo kapag ang iba ay umaasa at tumutulong sa ating abutin ang pagkalalang ng Diyos sa atin kay Cristo. Ang mabiyayang espiritu ay sumasalamin sa pag-ibig na “lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis” (1 Cor 13:7), i. e., pinaniniwalaan nito ang kabutihan sa iba at may optimismong tumutulong sa kanila nang may mapagbatang espiritu. Ang kabiyayaan ay nagbibigay sa iba ng kalayaan sa mga isyu ng konsensiya at gawing hindi ganap na malinaw.

Ang biyaya ay mabuti. Ito ay nagbibigay sa iba ng maalalahanin at matulunging kabutihan (cf. Ef 2:7). Ang kabutihan ay higit pa sa paggawa o pagsabi ng mga bagay na mabuti, gaya ng sinasalamin sa panalangin ng isang munting batang babae, “O Diyos, tulungan mo ang mga masamang taong maging mabuti, at ang mabuting taong maging mabait.” Ang mabiyayang espiritu ay sumasaalang-alang sa damdamin ng iba at marahang tinatrato sila nang may mabuting kalooban at matulunging intensiyon.

Ang biyaya ay mapagpatawad. Ipinapakita natin ang mabuti at mapagmahal na kalikasan ng biyaya ng Diyos kapag tayo ay nagpatawad sa mga nagkakasala sa atin (cf. Ef 4:32). Ang ideya ng pagpapatawad sa Bagong Tipan ay naglalaman ng ideya ng pagpapalaya. Kapag pinatawad natin ang mga taong nanakit sa atin, pinalalaya natin sila bilang layon ng ating pagkamuhi. Isang mabiyayang gawa ang tanggapin ang sakit ng isang pagkakasala nang hindi ito ibinabalik, gaya ng ginawa ni Jesus sa mga taong dahilan ng Kaniyang masakit ng kamatayan.

Pagbubuod

Sa ating pagsusulong ng mensahe ng biyaya ng Diyos, isang trahedya kung ang isang espiritung walang biyaya ang magwawalang bahala ng mensaheng ito at magtakwil ng tao palayo rito. Ito ay isang disgrasya. Kung paanong hindi natin maituturo ang pag-ibig ng Diyos nang nakasimangot, gayon din hindi natin maisusulong ang biyaya nang walang mabiyayang espiritu sa lahat ng nasa loob at labas ng pamilya ng Diyos. Tayong marubdob na nag-iingat ng katotohanan tungkol sa biyaya ay dapat na mabiyaya sa pagbabahagi nito. Kapag nagawa natin ito, ang mga tao ay mahahalina sa ating mensahe. “Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa’t isa” (Colosas 4:6).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes