GraceNotes
   

   Ang Panginoon at Huwad na Tagasunod - Mateo 7:21-23



‘Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon” ay papasok sa kaharian ng langit kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng mararaming kababalaghan?’ At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, “Magsilayo kayo sa Akin kayong manggagawa ng katampalasan.’”

Ang pasaheng ito ay madalas sipiin upang ipakitang maraming nagpapakilalang Cristiano ang hindi talaga tunay na ligtas. Maliwanag na ang mga huwad na alagad na ito’y tinakwil ng Panginoon kahit pa kilala nila Siya at sagana sa mabubuting gawa. Ngunit ang pasahe bang ito ay nagtuturo, gaya ng pag-aangkin ng iba, na ang isang tao ay dapat lubos na nakasuko sa Pagkapanginoon ni Jesucristo upang maligtas? Ano ang pagganap ng “kalooban ng Aking Amang nasa langit” na magpapapasok sa isang tao sa langit?

Ang ating nalalaman sa mga tagasunod na ito

Narito ang ating nalalaman tungkol sa paksa ng pasahe:

  • Sila ay malinaw na may kaugnayan sa mga huwad na propeta ng 7:15-20 (tingnan ang Tala ng Biyaya 51 Mga Bunga at Mga Huwad na Propeta- Mateo 7:15-20) na nag-akay sa mga tao palayo kay Jesus na makipot na pintuan (7:13-14). Ang “hindi bawat nagsasabi” ng v21 ay nauugnay sa “sila” ng v20 at maging ang “kayo” ng v23. Maaari ring tinutukoy ni Jesus ang mga nalinlang ng mga huwad na propeta. Sa panlabas na anyo, ang grupong ito ay nagpapakita ng mabubuting gawa (sila ay anyong tupa; 7:15) ngunit ang kanilang tunay na paniniwala ay nahahayag sa kahulihulihan sa kanilang pananalita.
  • Mayroong silang tamang teolohiya sa kanilang pahayag na si Jesus ay Panginoon. Ang titulong “Panginoon”ay titulo ng paggalang, ngunit titulo rin ito ng Pagka-Diyos kapag ginagamit kay Jesucristo. Ang pag-uulit dito ay nagpapahiwatig ng pagbibigay-diin sa kung sino si Cristo.
  • Sila ay nasusuko kay Jesucristo bilang Panginoon ng kanilang mga buhay. Sa kanilang madiing paggalang (“Panginoon, Panginoon”) at sa kanilang paghahambog ng mga kababalaghang kanilang ginawa sa Kaniyang pangalan (v22), masasabi nating ang mga ito ay ultra-lordship. Walang indikasyong mali sila sa konsepto ng kung sino si Cristo, o indikasyong hindi sila lubos na nasusuko sa Kaniya sa kanilang etikal na gawain. Tunay na sila ay masigla sa pagsunod at paglilingkod kay Jesucristo.
  • Marami silang mabubuting gawa- sa katotohanan ay dakilang mga gawa. Sila ay nangaral at naghula bilang mga propeta, nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng maraming kababalaghan.
  • Nagtitiwala sila sa kanilang mga gawa upang maging karapatdapat sa buhay na walang hanggan. Ang kanilang panawagan kay Cristo ay nagpapakita ng kanilang pagsubok ng bigyang katuwiran ang kanilang pagpasok sa kaharian ng langit batay sa kanilang kahanga-hangang mga gawa. Ang kanilang kapalaluan sa kanilang mga gawa ay nagpapakita ng saloobing nagmamatuwid sa kanilang sarili. Sa kanilang panawagan, hindi nila sinabing, “Hindi ba’t kami ay nanampalataya lamang sa Iyo?”
  • “Marami” ang kanilang bilang; hindi sila ang eksepsiyon. Nakalulungkot ngunit ang kalikasan ng panlilinlang na ito sa kanilang sarili ay laganap. Hindi ito nakapagtataka dahil pinahiwatig ni Jesus una pa na maraming tao ang hindi makapapasok sa daan ng buhay na walang hanggan (7:13-14).
  • Hindi sila ligtas kailan pa man. Wala silang kaligtasan na kanilang naiwala, o nanampalataya kay Cristo at hindi nagpatuloy. Sinabi ni Jesus na hindi Niya sila nakikilala at tinakwil sila (v23).
  • Sila ay gumagawa ng katampalasan (v23). Ngunit ano ang ibig sabihin nito? Walang pahiwatig na sila ay gumagawa ng anumang labag sa Kautusan ni Moises o hayag na imoralidad. Ang kahulugan ng “katampalasan” ay may kaugnayan sa pagganap ng “kalooban ng Ama” na binanggit ni Jesus sa v21. Ang mga ito ay hindi paggawa sa kalooban ng Ama patungkol kay Jesucristo, dahil minamali nila ang kahulugan ng Kautusan gaya ng mga eskriba at Pariseo (5:21-7:6), na ginagamit ito upang itayo ang kanilang sariling katuwiran sa halip na tumingin sa humihigit na katuwiran ni Cristo (5:20).

Ang ating nalalaman sa kalooban ng Ama

Ang kalooban ng Diyos sa mga hindi ligtas ay hindi lamang ang pagkakaroon ng tamang teolohiya at kahanga-hanggan mga gawa. Sa konteksto, nais ni Jesus na tanggapin ng mga tao ang Daan ng Diyos (7:13-14) at Salita ng Diyos (7:24-27), at sumunod nang naaayon sa mga ito. Sa nakaraan sa Sermong ito, tinuri ni Jesus na ang kaharian ng langit ay mapapasok lamang ng mga taong ang katuwiran ay humihigit sa sariling katuwiran ng mga punong Judio (5:20-48). Ang katuwirang kinakailangan para sa buhay na walang hanggan ay hindi nakabase sa panlabas na gawi (5:21-28), na siyang dahilan kung bakit kailangan nating hanapin ang katuwiran ng Diyos (6:33). Si Jesus ang makipot na pintuang nagdadala sa katuwiran ng Diyos at buhay (7:13-14; Juan 10:9). Ang parehong pananalita at mga konsepto sa 7:21-23 at sa 21:23-46 ay nagpapakita na ang isyu ay pananampalataya kay Cristo at sa Kaniyang katuwiran (21:25, 32). Ang ibang pasahe ng Biblia ay tumutulong sa ating malaman kung paano tanggapin ang katuwiran ng Diyos (Roma 4:4-5). Ang tanging nais ng Diyos na gawin ng hindi mananampalataya ay manampalataya sa Kaniyang Anak, si Jesucristo (Juan 6:27-29). Ang kalooban ng Ama ay ang manampalataya kay Jesucristo para sa katuwiran (Mateo 12:50; Juan 6:40).

Ang ating natutunan sa halimbawang ito

  • Ang mahusay na teolohiya ay hindi sapat upang iligtas ang isang tao. Sa Marcos 1:24 alam ng mga demonyo at pinahayag ang tamang posisyon ni Cristo bilang Panginoon.
  • Ang pagpapasakop sa Pagkapanginoon ni Cristo ay hindi sapat upang iligtas ang isang tao. Ang isang tao ay maaaring isuko ang buo niyang buhay at maging tapat na tagasunod at tagalingkod ng mga kautusang etikal ni Cristo, ngunit hindi nakikilala si Jesucristo bilang Tagapagligtas. Kung tutuusin ang mga tao sa pasaheng ito ay hindi sumisigaw ng “Tagapagligtas, Tagapagligtas.”
  • Ang mabubuting gawa, gaano man kabuti, ay hindi sapat upang iligtas ang isang tao. Hindi rin kaya ng mga itong patunayan ang isang kaugnayan kay Jesucristo bilang Tagapagligtas. Ang mga milagrosang gawa ay maaaring manggaling sa ibang pagmumulan maliban sa Diyos (Gawa 19:13; 2 Tes 2:9; Pah 13:1-12).
  • Ang katuwirang pansarili ay hindi makaliligtas ng isang tao. Ang mga taong nabanggit sa pasahe ay hindi nag-aangking nanampalataya kay Cristo para sa katuwiran. Ang mga hindi ligtas ay nangangailangan ng katuwiran laban sa kanilang mga sarili at mabubuting gawa na hindi naman makaaabot sa perpektong pamantayan ng Diyos. Tanging ang katuwiran ni Cristo na natamo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ang makatutugon sa makatuwirang hinihingi ng Diyos.
  • Maraming taong iniisip na sila ay mga Cristiano ay maaaring hindi ligtas. Nagtitiwala sila sa tamang teolohiyang Cristiano, inalay ang mga sarili sa paglilingkod kay Jesucristo, o paggawa ng mabubuting gawa. Hindi nila inabot ang kalooban ng Diyos, na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas mula sa kasalanan at tanggapin ang Kaniyang katuwiran sa halip na itayo ang kanilang pansariling katuwiran.
  • Ang mga hindi nanampalataya sa Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas ay nagpapakita ng masidhing kawalang galang at pagbabalewala sa utos ng Diyos at sa Kaniyang pagnanais na sila ay sumampalataya. Itinatakwil ni Jesus ang mga ganitong tao dahil ang kawalang pananampalataya ay ang pinakadakilang anyo ng pagsuway (Juan 3:36) o pagsalangsang.

Pagbubuod

Ang pasaheng ito ay nagpapakitang maaaring mayroong hindi ligtas na Cristianong sumusunod kay Jesucristo sa panlabas ngunit hindi Siya personal na kilala. Ang pasaheng ito ay hindi maaaring gamitin upang sabihing ang mga nanampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay hindi ligtas malibang sila ay magpasakop sa Kaniyang Pagkapanginoon. Ito ang eksaktong hindi sinasabi ng pasahe. Walang indikasyon na ang grupong ito ay nanampalataya kay Jesus bilang kanilang Tagapagligtas mula sa kasalanan, ngunit nariyan ang lahat ng indikasyong sila ay nanampalataya at nagpasakop sa Kaniya bilang Panginoon ng kanilang buhay. Ang dahilan kung bakit hindi sila ligtas ay dahil hindi nila ginawa ang kalooban ng Ama- manampalataya kay Jesus bilang kanilang Tagapagligtas mula sa kasalanan, at Siyang nagbibilang ng Kaniyang katuwiran. Maraming nagpapahayag na mga Cristiano ang may huwad na seguridad dahil sila ay tumitingin at nagtitiwala sa kanilang pagpasakop at sa kanilang mga gawa sa halip na lubusang mamahinga sa merito ni Cristo at sa Kaniyang gawa para sa kanila. Nakalulungkot na sa Araw ng pagbibigay-sulit, masusumpungan nilang wala silang buhay na walang hanggan at iniligaw nila ang iba sa kaparehong kapalaran. Dapat tayong sumuko kay Jesucristo bilang Panginoon, ngunit kailangan nating sumampalataya sa Kaniya bilang Tagapagligtas kung tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes