GraceNotes
   

   Mga Aral ng Biyaya Mula sa Parabula ng Alibughang Anak, Lukas 15:11-32

Ang pamilyar na kwentong ito ay naglalarawan ng pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan, at tunay na ito ang pangunahing punto, ngunit maraming maaaring matutunan mula rito tungkol sa kahangahangang biyaya ng Diyos. Sa konteksto, sinasagot ni Jesus ang mga Pariseong tumutuligsa sa Kaniyang pag-ibig sa mga makasalanan (Lukas 15:2-3) gamit ang tatlong kwento. Ang kwento ng nawawalang anak ay espesyal na naglalarawan ng pag-ibig ng Diyos para sa mga makasalanan bilang mapanagumpay, kahanga-hanga at hindi nauunawaang pag-ibig.

Ang ilan ay nagtatanong kung ang kwento ay tungkol sa mga hindi ligtas na makasalanang lumalapit sa Diyos o sa makasalanang Cristianong bumabalik sa Kaniya. Totoong ang pangunahing tagapakinig ay ang mga Pariseo sa konteksto ng bansang Judio at pagtakwil nila kay Jesus bilang Mesiyas. Tinatanggap ng Diyos ang lahat ng mga Judiong lumalapit sa Kaniya mula sa mapaghimagsik na bansa. Ngunit ang kwento ay natala lamang sa Lukas, isang aklat na pangunahing sinulat para sa mga Gentil na nangangailangan ding malaman ang pag-ibig ng Ama para sa kanila. Ngunit ang sinumang nagkasala sa Diyos, mapa-Judio man o Gentil, Cristiano o hindi, ay kailangang makilala ang pag-ibig at pagtanggap ng Diyos. Hindi natin dapat malimutan ang pangunahing mensahe, na iniibig ng Diyos ang mga nagkakasala, pinatatawad sila, binabalik sila, at nagagalak sa kanila. Marami tayong matutunan sa biyayang ito mula sa parabula.

Ang biyaya ay sumusugal. Upang maunawaan ang mapagpatawad na biyaya ng Ama kalaunan, kailangan muna nating makita ang kaniyang inisyal na biyaya sa pagbibigay ng kaniyang anak ng kalayaang gumawa ng maling mga pagpipili. Dahil sa ang ama ay malinaw na kumakatawan sa Diyos, hindi ba’t ito ay nagsasabi sa ating nilikha tayo ng Diyos na may kalayaang pumili? Ang posibilidad ba ng resiprokal na pag-ibig posible sa ilalim ng ibang kundisyon? Ang pag-ibig at biyaya ay isang sugal. Hindi tayo mga robot na unang pinograma kundi malayang ahenteng may moral na responsabilidad. Sinisira nito ang teolohiya ng determinismo na nagtuturong ang lahat ng aksiyon ay una nang inorden, na iniibig lang ng Diyos ang iilan, na pinili lamang sila upang maligtas, at hindi nila malalabanan ang Kaniyang kalooban. Ang Diyos ay handang sumugal na itakwil ang Kaniyang libreng pag-ibig kay sa magkaroon ng una nang dineterminang pagsunod sa Kaniyang sapilitang pag-ibig, dahil ang boluntaryong pag-ibig ay nagbibigay sa Kaniya ng kaluwalhatian.

Ang kalayaan ay nagbibigay dignidad. Bilang mga malayang moral na ahente, ang naliligaw na anak ay gumawa ng mga pagpipiling hinayaan ng kaniyang ama. Ang ama ay maaaring itanikala ang kaniyang anak sa isang poste upang pigilan siyang umalis, ngunit ito ay makabababa ng dignidad. Hindi lamang niya hinayaang siyang makaalis, ibinigay niya rin ang kaniyang mana. Kahit sa kasalanan, ang pantaong dignidad ng anak ay iningatan sa kaniyang pagsagawa ng moral na prerogatibo bilang nilikha sa larawan ng Diyos. Ang Diyos ay malaya at ginawa Niya ang taong kabahagi ng kalayaang yaon. Ang tao ay hindi natatali ng isang kaloobang pinilit sa kaniya ng Diyos, gaya ng tinuturo ng matigas na mga Calvinista. Ginagawa nitong responsable ang Diyos para sa ating kasalanan. Ang anak na ito, nilikha sa larawan ng Diyos, ay sapat na napanatili ang larawan ng Diyos upang matantong hindi siya kabilang sa putikang kulungang ng baboy. Tumayo siya at bumalik sa kaniyang ama.

Ang biyaya ay hindi nagkakansela ng ugnayan. Ang kalooban ng anak ay hindi nagpepermiso sa kaniyang itanggi ang realidad ng ugnayang ama-anak. Salungat sa katuruang Arminiano, ang anak ay nananatiling anak. Maaari niyang itakwil ang kaniyang ama, ngunit ang kaniyang ama ay hindi nagtakwil sa kaniya kailan man. Maaaring tumungo siya sa “malayong lugar,” ngunit hindi siya makalalayo sa kaniyang pilyal na relasyon o makalalayo at hindi maabot ng mapagmahal na kamay ng Diyos.

Ang pagsisisi ay pagbabago ng isipan. Nang matanto ng anak ang kaniyang hangal na desisyong mamuhay nang maalibughang buhay, nilarawan ni Jesus ang kaniyang sandaling “Aha!” bilang “siya’y makapag-isip” (15:17). Sa madaling salita, nagsisi siya. Ang paglalarawan sa teksto ay malinaw na nagpapakita ng pagsisising ito.Ang anak ay nagbago ng kaniyang isipan sa putikan. Bilang resulta ng kaniyang pagsisisi, tumayo siya at umuwi sa bahay. Nakikita natin ang malinaw na ugnayan, ngunit malinaw din na pagkakaiba, sa pagitan ng sandali ng pagsisisi at ng sumusunod na resulta ng pagsisisi, o ng ugat at nga bunga.

Ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay higit pa sa ating mga kasalanan. Habang lumalapit ang anak sa kaniyang tahanan, nakita siya ng ama at tumakbo palapit sa kaniya. Bagama’t ang anak ay nagkasala nang malaki at nalayo sa kalooban ng kaniyang ama, hindi siya kailan man nahiwalay sa pag-ibig ng kaniyang Ama. Napakadakila ng pag-ibig ng ama, na hindi lamang niya pinatawad ang kaniyang anak kundi nagkaroon ng pagdiriwang sa kaniyang pangalan. Ang pagtanggap ng ama ay nagpapakita ng kahangahangang biyaya; ang pagdiriwang ay nagpapakita ng masaganang biyaya.

Ang kamatayan ay pagkahiwalay, hindi ganap na inabilidad na makatugon. Ang pag-ibig ng ama ay nagagalak sa isang anak na “patay at nabuhay muli, nawala ngunit muling nasumpungan” (Lukas 15:32). Nais ng mga Calvinistang tukuyin ang pagbuhay kay Lazaro sa Juan 11 upang sabihing ang “patay” ay nangangahulugang ganap na inabilidad o walang kakayahang makatugon, gaya ng isang bangkay. Dito, nakikita nating ang “patay” ay ginamit rin bilang tayutay, ngunit upang ipakahulugang pagkahiwalay sa ama, hindi ang inabilidad na tumugon. Gaya nang nahulog na Adan sa Hardin, ang alibughang anak ay maaaring makatugon sa kalooban ng Diyos. Ang mga patay sa kasalanan, bagama’t hiwalay sa Diyos, ay napananatili ang nalalabing imahen ng Diyos.

Ang biyaya ay nangangahulugang hindi na kailangang tumakbo. Sa kaniyang pag-uwi at pagkakita ng pag-ibig ng ama at mapagpatawad na biyaya, mahuhulaan nating natanto ng anak na hindi na niya kailangang tumakbo palayo kailan pa man. Siya ay ligtas sa pag-ibig ng kaniyang ama. Siya ay malayang lumago sa isang bagong kinabukasan.

Ang ilan ay hindi mauunawaan ang biyaya ng Diyos. Ang nakatatandang kapatid, na isang tapat na anak, ay galit sa biyayang pinakita sa kaniyang alibughang kapatid (Lukas 15:23-30). Ang nakatatandang kapatid ay nakadepende sa kaniyang panlabas na gawa upang matamo ang pabor ng kaniyang ama, at natamo niya, ngunit ang pag-ibig ng ama ay nilagpasan ang nararapat na ganti patungo sa hindi tampat na biyaya. Ang nakatatandang kapatid ay malinaw na hindi siya mismo nangailangang gumamit ng biyaya ng kaniyang ama, kaya hindi niya ito napahahalagahan.

Ang kawalan ng pagkaunawa ng biyaya ay nagpapatuloy pa rin ngayon. Ang magkapatid ay parehong alibugha sa biyaya ng ama, na nasasalamin sa kanilang maling pag-iisip. Ang nakababatang kapatid ay iniisip na kung siya ay uuwi at mangangakong magpapakabait at maglilingkod, magigi siyang karapatdapat sa pabor ng kaniyang ama (Lukas 15:19). Ang nakatatandang kapatid ay iniisip na dahil siya ay mabuti at naglilingkod, matatamo niya ang pabor ng kaniyang ama (Lukas 15:29-30). Kinukundisyon ng isa ang biyaya sa kaniyang pinangakong gawang pantao; ang isa naman ay kinukundisyon ang biyaya sa napatunayang gawang pantao. Ang isa ay iniisip na ang kaniyang ama ay magkakautang sa kaniya; ang isa ay iniisip na ang ama ay may utang na sa kaniya. Pareho nilang hindi nauunawaang ang walang kundisyong biyaya hiwalay mula sa pantaong gawa. Ang pag-ibig at biyaya ay nakahihigit sa gawang pantao, mapabuti man o masama.

Pagbubuod

Ang biyaya ay nagpapakita sa ating ang Diyos, gaya ng amang ito, ay hindi kailan man titigil na umibig at magpatawad ng mga makasalanan. Kung tayo ay magkasala at kahit pa tumalikod, hindi tayo kailan man itataboy ng Diyos. Ito ay napakaiba sa paniniwalang Arminianong ang mananampalataya ay maaaring magkasala, maiwala ang kaniyang kaligtasan, at maliligtas muli- at magkasala at maligtas muli. Ito rin ay iba sa paniniwalang Calvinistang ang tao ay hindi talaga anak ng Diyos malibang siya ay makatiis hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay. Ang Arminiano ay maaaring magkaroon ng katiyakan ngayon, ngunit hindi bukas; ang Calvinista ay may katiyakan ngayon na ang pinili ay ligtas, nunit wala siyang katiyakang siya ay pinili malibang siya ay tapat na makatiis hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay. Tanging ang libreng biyaya ng Diyos ang simpleng makasasabi, “Ikaw ay iniibig at laging tanggap sa tahanan!”


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes