GraceNotes
   

   Paghimay ng Roma 8:28-30



28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa. 29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid: 30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya. (Ang Biblia)

Ang pasaheng ito ay puno ng lenggwahe at teolohiyang nagresulta sa iba’t ibang interpretasyon. Ang tatlong sitas na ito ay mas madaling maunawaan sa agos ng sinusundang konteksto ng v8-27, na nagbabanggit ng pag-uuli at pagbabalik ng sannilalang sa maluwalhating katapusan kung saan ang mga mananampalataya ay maghaharing kasama ni Cristo sa sannilikha, at sa sumusunod na konteksto ng v31-36, na tumitiyak sa mga mananampalatayang walang makapipigil na maging katotohanan ang kapalarang ito sa kanilang buhay. Ipinaliwanag ng v28-30 kung paanong ang walang hanggang layon ng Diyos para sa bawat mananampalataya ay garantiya ng kanilang pinal na kapalaran at ang pagpapalakas ng loob ng v28 ay pinaliwanag ng v29-30. Ang buong konteksto ay nakatuon sa dibinong bahagi ng kaligtasan.

Berso 28.

Kinokonekta ng “At” ang sitas na ito sa konteksto ng sinundang mga sitas na nagpapakitang “ang lahat ng mga bagay” ay tumutukoy sa mga paghihirap na pinagdaraanan ng buong nilalang at dapat tiisin ng mga mananampalataya hanggang sa ang buong sannilalang ay mapalaya sa pagkaalipin sa pagkabulok (v18-27). Samakatuwid, ang “ikabubuti” ay ang pagbabalik muli ng Diyos sa sannilalang sa ilalim ni Jesucristo. Ang mga personal na paghihirap ng mga nagmamahal sa Diyos ay napapailalim sa Kaniyang mas dakilang layon ng pagpapalaya ng sannilalang mula sa pagkaalipin nito sa kabulukan. Kung paano gagawin ng Diyos ang layon na ito ay pinaliwanag (“Sapagkat,” Hoti) sa v29-30..

Berso 29.

Ang pagtawag ng Diyos ay pinangungunahan ng Kaniyang unang pagkakilala at nagtatalagang layon at sinusundan ng Kaniyang nag-aaring matuwid at nagluluwalhating mga intensiyon. Ang iba ay pinapaliwanag ang “unang pagkaalam” bilang alam na ng Diyos bago pa nagsimula ang oras kung sino ang mananampalataya, na dahilan upang Kaniyang piliin ang mga ito bilang Kaniyang pag-aari. Ginagawa nitong basehan ang pagpili ng taong manampalataya kay Cristo bilang dahilan ng aksiyon (o reaksiyon) ng Diyos. Ang interpretasyong ito ay tila salungat sa 2 Timoteo 1:9 na nagsasabing, “Na Siyang [ang Diyos] sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kaniyang sariling akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan.” (tingnan din ang Ef 1:3-6; 11-12). Samantalang ang “una pa’y Kaniyang nakilala” (mula sa proginosko) ay madalas na may simpleng kahulugang “alam na sa pasimula o unang kaalaman” (gaya ng 2 Ped 3:17), ito ay maaari ring mangahulugang “pinili sa simula” gaya ng Roma 11:2, kung saan nabasa nating hindi inasahan ng Diyos na Siya ay piliin ng Israel; pinili Niya sila bilang Kaniyang naiibang bansa (cf 1 Pedro 1:20 patungkol kay Cristo). Ang ganitong uri ng kaalaman ay nagpapahiwatig ng espesyal na relasyon. Sa Biblia, ang kaalaman ay maaaring magpahiwatig ng kognitibong kaalaman (hal Gawa 1:7; 2 Cor 2:4; 2 Ped 2:21) o maintimasyang personal na kaalaman (hal Mat 1:25; Lukas 1:34; Juan 1:48; 2:24; 10:14, 27). Hindi sinabi ni Pablong alam ng Diyos ang mga bagay tungkol sa kanila na Kaniyang pag-aari; sa halip sinabi niyang kilala ng Diyos sila. Sa kontekstong ito, pinili ng Diyos ang mga indibidwal, hindi si Cristo o ang simbahan.

Ang salitang “itinalaga” (mula sa proorizo) ay nangangahulugang idetermina bago pa. Dito, ang termino ay hindi tumutukoy sa pagdetermina ng Diyos kung sino ang maliligtas kundi sa pinakalayon para sa mga ligtas. Ang disensyo ng Diyos ay ang lahat ng Kaniya ay umayon sa kanilang tamang lugar bilang mga pinunong kasama ni Cristo na pangunahin sa lahat, na dinestino upang “maging panganay sa maraming magkakapatid.” Si Jesus ay sentral sa plano ng Diyos para sa mananampalataya at sa lahat ng nilalang. Ang mga mananampalatayang nagtitiis ng paghihirap ngayon ay ang magmamana ng “lahat ng mga bagay” kasama ni Cristo (8:17) sa hinaharap sa paglaya ng sannilalang (tingnan ang Ef 1:9-12). Samakatuwid, ang maging kalarawan ni Cristo ay hindi lamang ang mahalintulad sa Kaniya sa karakter kundi ang makibahagi sa Kaniyang kapalaran na maghari sa lahat ng nilalang.

Berso 30.

Ang salitang “tinawag” (mula sa kaleo) ay maaaring tumukoy sa isang simpleng imbitasyon (hal Mat 22:3, 9; Lukas 14:7-8) ngunit sa tekstong ito ay sumasalamin sa gamit sa v28 patungkol sa pagkapili para sa espesyal na layon (tingnan ang 1 Cor 7:15, 17, 18, 20; Ef 4:1; 1 Tes 2:12; 2 Tim 1:9). Ang pagtawag na ito ay hindi dapat ipaliwanag bilang pangkalahatang tawag sa lahat ng mga taong lumapit kay Cristo dahil sa konteksto ito ay para lamang sa mga taong nilayon ng Diyos na makibahagi sa pagmamana ni Cristo. Iminumungkahi nito ang espesyal na kapalaran para sa Kaniyang kinilala bilang Kaniya. Na hindi ito maaaring tumukoy sa pangkalahatang tawag para sa kaligtasan ay pinakikita rin ng katotohanang ang mga tinawag ay ang kaparehong mga inaring matuwid at niluwalhati.

Ipinapaliwanag ng sitas na ito kung paano naapektuhan ng walang hanggang plano ng Diyos ang ating personal na karanasan ng kaligtasan. Lahat ng mga tinawag ay “inari ring matuwid” (mula sa dikaioo) o hinayag na matuwid sa harap ng Diyos (tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 74 “Ang Doktrina ng Katuwiran”) na ang resulta ay tayo ngayon ay may harmoniya sa Diyos at sa Kaniyang layon, na bahagi nito ang personal na paghihirap sa pag-asa ng kanilang pinal na tagumpay (Roma 5:1-4).

Ang “niluwalhati” ay hindi lamang tumutukoy sa pinal na transpormasyon ng mga mananampalataya sa larawan ni Cristo kundi ang maging kagaya ni Jesucristo sa kanilang pagbahagi sa Kaniyang kaluwalhatian sa kanilang walang hanggang kapalaran. Kinukumpirma ng salitang ito ang pagtalakay sa kapalaran ng mananampalataya kapag “ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin sa kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Diyos” (v21).

Samantalang ang ating limitadong pantaong perspektibo ay nakikita ang mga aktibidad na ito bilang pangnagdaan (unang nakilala, itinalaga), pangkasalukuyan (tinawag, inaring matuwid), at panghinaharap (niluwalhati), sila ay hinayag dito sa pangnagdaan dahil sa walang oras na pananaw ng Diyos, sila ay naganap na. Ang Griyegong aorist ay maaaring gamitin bilang payak na pahayag ng katotohanan, ngunit ang kontekstong ito ay tinuturing ang mga katotohanang ito bilang naganap na sa kalooban ng Diyos. Kaya mas akmang gamitin ang pangnagdaan. Ang gamit ng pangnagdaan, gaya ng makikita sa “niluwalhati” ay tumitiyak sa atin ng kasiguruhan nito sa isipan at kalooban ng Diyos, bagama’t sa ating pantaong pananaw, ito ay nasa hinaharap pa. Ang gamit na ito ng pangnagdaan upang tukuyin ang isang pangyayari sa hinaharap ay tinatawag na prolepsis (ang pagturing sa isang kilos sa hinaharap na tila ba kasalukuyang nangyayari o umiiral). Ito ay nagpapahiwatig ng katiyakan na tila ba nangyari na dahil ito ay realidad sa isipan ng Diyos.

Ang Diyos ay hindi limitado sa isang linyar na pananaw sa oras at mga pangyayari, gaya ng mga tao. Siya ay umiiral sa isang walang katapusang ngayon. Nakikita Niya ang simula at ang katapusan nang sabay. Alam Niya noon pa man, alam Niya ngayon, at lagi Niyang malalaman kung sino ang Kaniya, samakatuwid ang anumang alam ng Diyos ay isang eternal na realidad. Ang diagram na ito ay makatutulong upang ipakita ang pagkakaiba sa pagitan ng walang hanggang perspektibo ng Diyos at ng limitado nating perspektibo bilang mga tao sa kaligtasan.

Pagbubuod

Ang Roma 8:28-30 ay magpapatuloy sa pagsimula ng masigasig na talakayan at nagkakaibang interpretasyon. Gaya palagi, ang konteksto ang susi, na ginagawang napakahalaga ang 8:8-27 at 8:31-36 sa pagkaunawa ng pasaheng ito. Ang mga mananampalatayang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay makasusumpong ng malaking kaaliwan sa Roma 8:28-30 dahil mayroon silang katiyakang ginagamit ng Diyos ang kanilang paghihirap tungo sa kanilang pinal na kapalaran ng kalayaan mula sa pagkabulok at tungo sa paghaharing kasama ni Cristo sa lahat ng nilalang. Mila sa pananaw pantao, ang plano at gawa ng Diyos ay nagsimula pa bago ang kasaysayan ng tao, ngunit mula sa pananaw ng Diyos na hindi saklaw ng oras, ito ay nangyari na at kaakibat ang malayang saloobin ng tao. Sa sinerhiyang ito, ang soberanyang kalooban ng Diyos at ang malayang kalooban ng tao ay kumikilos nang magkasama at hindi magkahiwalay. Masoberaniyang niloob ng Diyos sa Kaniyang walang ampat na biyaya na isagawa ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng ating malayang pagpili.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes