GraceNotes
   

   Perseverance Versus Preservation

Simply By Grace Podcast

Ang konsepto ng Preserbasyon ng mga Banal ay bahagi ng iba’t ibang Cristianong sistemang teolohikal mula pa nang sinaunang Cristianismo. Sa payak na kapahayagan, ang katuruan ay nagsasabi na ang tunay na Cristiano ay magtitiis sa pananampalataya at mabubuting gawa hanggang sa dulo ng kaniyang buhay at ito ay patunay na siya ay ligtas magpakailan pa man. Kung ang isang nagpapahayag na Cristiano ay hindi makatiis hanggang sa katapusan, ito ay patunay na ang siya ay hindi talaga tunay na Cristiano.

Samantalang ang pagtitiis ay nagbibigay-diin sa pagtitiyaga sa pamamagitan ng kapangayarihan ng Diyos, ang preserbasyon o pag-iingat ay nagbibigay-diin sa Cristianong may kasiguruhan dahil sa pangako ng Diyos. Ang preserbasyon ay nangangahulugang nang ang Diyos ay mangako ng buhay na walang hanggan sa mga mananampalataya kay Jesucristo, iingatan Niya sila na walang posibilidad na maiwala kailan man ang kanilang kaligtasan.

Ang preserbasyon ng mga mananampalataya, at hindi ang pagtitiis ng mga banal, ang pananaw na tinuturo ng Salita ng Diyos at ito ay naaayon sa ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya.

Ang argumento para sa pagtitiis

Ang pagtitiis ay tinuturo ng iba’t ibang sistemang teolohikal. Ang posiyong Reformed Calvinist (ito ang P sa kanilang TULIP) ay nagtataltal na dahil ang tao ay ganap na walang kakayahang tumugon, ang mga indibiduwal ay kailangang ihalal na walang kundisyon, at tanging sila lamang ang tatanggap ng mga benepisyo ng pagtubos ni Cristo sa pamamagitan ng biyayang hindi matatanggihan ng Diyos. Ang pananampalatayang dapat ibigay sa tao bilang dibinong tulong na manampalataya ay naging kapangyarihan upang panatilihin ang tao sa pananampalataya hanggang katapusan. Sa kabilang dulo naman ng spektrum teolohikal ay ang sistemang Arminiano na nagtataltal na ang tao ay ligtas lamang hanggang siya ay nagtitiis.

Sa parehong sistema ang mga gawa ay kailangan upang patunayan at bigyang balido ang kaligtasan ng isang tao. Kung walang nagpapatuloy na mga gawa, walang tao ang ligtas sa huli. Sa parehong sistema, ang katiyakan ay pansamantala lamang, samakatuwid, ang isang tao ay makatitiyak lamang ng kaniyang kaligtasan hangga’t siya ay nagpapatuloy sa pagtitiis. Marami sa parehong sistema ang umaaming ang ganap na katiyakan ay imposible sapagkat walang makahuhula sa mangyayari sa hinaharap.

Ang argumento laban sa pagtitiis

Ang pagtitiis ay nakadepende sa pananampalataya bilang isang espesyal na kapangyarihang binigay sa tao, ngunit ang Kasulatan ay hindi tinatanggap ang ganitong kaisipan. Ang pananampalataya ay tugon sa pangako ng Diyos ng buhay na walang hanggan. Sa Efeso 2:8, ang regalo ay hindi pananampalataya kundi ang kaligtasan sa biyaya (tingnan ang Tala ng Biyaya 48).

Sa kabila ng Efeso 2:9 na nagsasabing hindi tayo naligtas “sa gawa,” ang doktrina ng pagtitiis ay ginagawa ang mga gawa bilang kinakailangang patunay, at samakatuwid ay kundisyon ng kaligtasan. Ito ay hindi konsistent sa pagkaligtas sa biyaya. Ginagawang malinaw ng Roma 4:4-5 ang pagkakaiba, “Ngayong sa kaniya na gumagawa’y hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. Datapuwa’t sa kaniya na hindi gumagawa, ngunit sumasampalataya sa Kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran” (tingnan din ang Roma 11:6; Tito 3:5). Mayroon lamang isang kundisyon sa kaligtasan sa biyaya, at iyon ay ang manampalataya (Roma 3:22).

Kapag ang isang tao ay nanampalatya, siya ay nakumbinse ng pangako ng Diyos na magbigay ng buhay na walang hanggan, na mag-aring matuwid, o tumubos (Maraming termino ang ginagamit sa walang hanggang kaligtasan). Ang katiyakan ay ganap dahil ang pangako ng Diyos ay ganap: “Katotohanang katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang dumirinig ng Aking Salita, at sumasampalataya sa Kaniya na nagsugo sa Akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.” (Juan 5:24). Nililinaw ng Roma 4:6 na ang katiyakan ng pagtanggap ng pangako ng Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyaya ng Diyos (at hindi sa ating magagawa). Binilang kay Abaham ang katuwiran dahil siya “ay lubos na nanalig na ang Diyos na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon” (Roma 4:21).

Kung ang eternal na kaligtasan ay nakadepende sa ating magagawa hanggang sa katapusan ng ating buhay, walang sinuman ang makatitiyak sa kaniyang kaligtasan hanggang matapos ang kaniyang buhay. Ngunit ang Biblia ay may malinaw na indikasyon ng mga tunay na mananampalatayang hindi nakatiis sa pananampalataya at mga gawa hanggang sa katapusan ng kanilang buhay (Gawa 5:1-11; 1 Cor 11:30; 1 Juan 5:16). Sa 2 Timoteo 2:12-13 pinahihiwatig na posible sa mga mananampalatayang hindi magpatuloy: “Sapagka’t kung tayo’y nangamatay na kalakip Niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama Niya. Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghari naman tayong kasama Niya. Kung ating ikaila Siya ay ikakaila Naman niya tayo. Kung tayo’y hindi mga tapat, Siya’y nananatiling tapat sapagkat hindi makapagkaila sa Kaniyang sarili.” Ang pagtitiis ay may gantimpala ng paghahari, ngunit ang pagtanggi sa Panginoon ay may katumbas na pagtanggi ng gantimpalang ito. Kahit tayo ay hindi tapat (mula sa Griyegong apitheo, literal “walang pananampalataya” o “hindi nananampalataya”) ang Diyos ay matapat sa Kaniyang pangakong bubuhayin tayong kasama Niya (v 11).

Ang mas kanaisnais na termino, preserbasyon

Ang preserbasyon ay terminong nagbabanggit ng seguridad ng ating kaligtasan. Salungat sa pagtitiis na nagbibigay-diin sa ating magagawa, ang preserbasyon ay nagbibigay-diin sa pangako ng Diyos na bigyan tayo ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16), sa layunin ng Diyos na tayo ay maging kawangis ng larawan ni Jesucristo (Roma 8:29), at sa kapangyarihan ng Diyos na huwag hayaang may maghiwalay sa atin sa Kaniyang pag-ibig (Roma 8:31-39). Kung iingatan tayo ng Diyos sa ating kaligtasan, tayo ay lubos na makatitiyak na tayo ay ligtas kailan pa man, isang bagay na imposible sa doktrina ng pagtitiis.

Ang doktrina ng preserbasyon ay hindi nagbabalewala ng tunay na konseptong biblikal ng pagtitiis, na may pagkaunawang ang pagtitiis ay hindi para sa kaligtasan kundi para sa gantimpala, gaya ng makikita sa 2 Timoteo 2:11-13 sa itaas. Sa 1 Corinto 9:27 pinahahayag ni Pablo ang posibilidad na maiwala hindi ang kaniyang kaligtasan, kundi ang kaniyang gantimpala, nang kaniyang isulat: “Ngunit hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil. Baka sakaling sa anumang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ang itakwil” (mula sa Griyegong adokimos na kailan man ay hindi tumutukoy sa impiyerno o pagkawala ng kaligtasan sa Bagong Tipan). Isang pangunahing tema ng Hebreo ay ang kahalagahan ng pagtitiis o pagpapatuloy ng mga Cristiano (Heb 6”11-12; 10:36; 12:1).

Ilang praktikal na aplikasyon

Kapag ating hiniwalay ang preserbasyon mula sa kaligtasan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ang Bagong Tipan ay may mayamang aplikasyon sa lahat ng mga Cristiano:

  1. Tayo ay hinihimok na magtiis sa tapat na pamumuhay at paglilingkod (1 Tim 6:11; Heb 10:36; 12:1; 2 Pedro 1:6).
  2. Tayo ay ginagantimpalaan sa pagtiiis hindi sa kaligtasan kundi sa mga temporal at eternal na pagpapala (Roma 5:3-4; Col 1:21-23; 2 Tim 4:7-8; San 1:12; 5:11; 2 Ped 1:8-11).
  3. Tayo ay lubos na makatitiyak ng ating kaligtasan dahil ito ay hindi nakadepende sa ating magagawa kundi sa Diyos na nag-iingat sa atin (Roma 8:28-39; 1 Juan 5:11-13).
  4. Tayo ay namomotiba na maglingkod sa Diyos at manatiling tapat ng Kaniyang mapagpatawad na biyaya at walang kundisyong pag-ibig (Roma 12:1; Tito 2:11-12).
  5. Mabibigyang payo natin ang ibang mananampalataya ayon sa kung sino sila (mga tunay na Cristiano) at hindi kung sila ay ligtas o hindi.

Pagbubuod

Ang preserbasyon, at hindi pagtitiis, ang pangako ng ebanghelyo. Kung ito ay hindi maunawaan, ang ebanghelyo ng biyaya ay nawawalang halaga. Ang kaligtasan ay hindi nakabase sa ating pagtitiis sa paggawa, kundi sa nag-iingat na pangako ng Diyos, layunin at kapangyarihan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes