GraceNotes
   

   Mayroon Bang Kasalanang Hindi Pinatawad ng Diyos?



Ang takot na hindi patawarin

Minsan ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya ay kapwa nagpapahayag ng takot na sila ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran. Ninanakaw nito ang kasiyahan ng kanilang kaligtasan, ang katiyakan ng kanilang kaligtasan, o sa mga hindi mananamplataya, ang pag-asa na maliligtas pa. Maaari nilang isiping nagawa nila ang tinatawag na “kasalanang walang kapatawaran,” o mas biblikal na katawagang “kalapastanganan laban sa Espiritu Santo.”

Napakalinaw na si Jesus ay namatay para sa lahat ng mga kasalanan (Col 2:13). Kabilang dito ang mga kasalanan bago manampalataya, at ang mga kasalanan pagkatapos manampalataya, at maging ang mga kasalanan sa hinaharap. Ang Diyos ay hindi masosorpresa ng mga kasalanan sa hinaharap anupat magsisisi Siyang nagbigay ng buhay na walang hanggan at kung ganuon ay bawiin ito. Minsang maligtas, ang mananampalataya ay sigurado magpakailan pa man.

Malinaw din na maging ang mga kasalanang tinuturing ng karamihan na kasindak-sindak ay natatakpan ng probisyon ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Ang pangangalunya, pakikiapid, at homosekswalidad ay ilan lamang sa mga kasalanang ginawa ng mga taga-Corinto nang paalalahanan sila ni Pablo “At ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nahugusan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos” (1 Cor 6:11). Si Haring David ay pinatawad sa kaniyang pangangalunya at pagpatay (2 Sam 12:13).

Kalapastanganan laban sa Espiritu Santo

Sinabi ni Jesus na may isa- at isa lamang- na kasalanan na ang sinumang gumawa nito ay “walang kapatawaran magpakailanman” (Marcos 3:29). Ngunit hindi malinaw ang kalikasan ng kasalanang ito.

Bagama’t tinatawag na “kasalanang walang kapatawaran,” ang aktuwal na sinabi ni Jesus ay “ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad” at “ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin maging sa panahong ito o sa darating” (Mat 12:31-32). Lahat ng kasalanan ay mapatatawad sa pamamagitan ni Cristo ngunit ang sinumang maglapastangan sa Espiritu Santo ay hindi makararanas ng kapatawaran.

“Ang paglapastangan” ay nangangahulugang magsalita ng masama o mapanakit laban sa isang tao. Ngunit kahit ang paglapastangan laban kay Jesucristo ay mapatatawad (Mat 12:32; Marcos 3:28). Kung ganuon, mayroong pagkakaiba ang paglapastangan laban kay Jesucristo at ang paglapastangan laban sa Espiritu Santo.

Iba’t ibang interpretasyon

Mayroong iba’t ibang interpretasyon ng babalang ito:

  1. Ito ay ang pambansang pagtakwil ng Israel sa Mesiyas. Sa pananaw na ito maaari lamang itong magawa ng bansang Israel sa panahon ng pagpapakilala ni Cristo ng Kaniyang Sarili sa kanila bilang Hari. Samakatuwid, hindi ito magagawa ng mga indibidwal, at hindi ito magagawa ngayon. Totoo na sa sulat ni Mateo, tila pinakikilala ni Cristo ang Kaniyang Sarili bilang Hari ng Israel na magdadala ng kaharian. Sa sumusunod na konteksto, tinawag ni Cristo ang Kaniyang henerasyon na “masamang henerasyong” nangangailangang hatulan dahil sa kanilang pagtanggi sa Hari (Mateo 12:39, 41-42). Ngunit may ilang nag-aalinlangan sa interpretasyong ito dahil sinabi ni Jesus na ang babalang ito ay para sa “sinuman,” na nagpapahiwatig ng mga indibidwal. Malinaw din na ang kasalanan ay may kinalaman sa pananalita” “sinumang magsalita laban sa...” (Mat 12:32).
  2. Ito ay pag-akusa kay Jesus ng katapatang sataniko. Sa pananaw na ito may nag-akusa kay Cristo na mula kay Satanas. Ang sabi ng mga eskriba kay Jesus, “Nasa Kaniya si Baalzebub” at “Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo” (Marcos 3:22). May ilang sumasagot na kung ito ay nasabi ng dahil sa pagiging ignorante, ito ay isang paglapastangan laban kay Cristo na maaaring mapatawad (Mat 12:32; Marcos 3:28). Nang ipinaliwanag ng Marcos 12:30 na ang babalang ito ay “dahil kanilang sinabi, ‘ Siya ay may masamang espiritu’,” marahil ipinapahiwatig nito si Cristo ay nagbababala na malapit na nilang malapastangan ang Espiritu Santo, bagama’t hindi pa nila ito nagagawa.
  3. Ito ay hindi pagsampalataya sa ebanghelyo. Siyempre ang sinumang hindi nanampalataya sa pangako ng ebanghelyo ay walang kapatawaran sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Ang pananaw na ito ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay pinapayagang magawa ito ngayon ng kahit na sino at ng lahat ng hindi mananampalataya. Ang problema sa pananaw na ito ay ang tila mas espisipiko at malala ang babala kaysa rito. Kung ang pananaw na ito ay totoo, bakit hindi na lamang tinawag ang kasalanan na hindi pananampalataya? Ngunit ito ay isang kasalanang may kinalaman sa pananalita at hindi lamang pagtakwil kay Cristo, isang pagtakwil sa patotoo ng Espiritu Santo. Bukod diyan, ang kawalan ng pananampalataya ay mapatatawad.
  4. Ito ay ang sinasadya at mapaglapastangang pagtanggi ng patotoo ng Espiritu Santo tungkol kay Cristo. Ito ay kasalanang nagpapahayag ng kaniyang sarili sa masamang akusasayong berbal na si Jesucristo ay kasapakat ng diablo. Ang Ama ay nagpapatotoo sa Anak sa pamamagitan ng propesiya at Kaniyang berbal na pag-apruba sa bautismo ni Cristo. Ang Anak ay nagpapatotoo sa pamamagitan ng Kaniyang Sariling salita at mga gawa. Ang mga saksing ito ay panlabas. Kapag ang Espiritu ay kinumbinsi ang isang hindi mananampalataya tungkol sa katauhan ni Jesucristo, at ang taong iyan ay nag-akusa pa rin sa Kaniya na Siya ay ayon kay Satanas, nagawa ng taong iyan ang paglapastangan laban sa Espiritu Santo. Ang paliwanag ni Mateo na kasunod sa babala ay nagbibigay-diin na ang pananalita ng isang tao ay naghahayag ng saloobin ng isang tao kaya, “sa inyong mga salita, kayo ay hahatulan” (Mat 12:33-37). Ang akusasyong si Jesus ay mula sa diablo kapahayagan ng pagkabulag moral na tinatawag ang liwanag na kadiliman. Pinapakita nito ang pusong pinatigas at walang pag-asa ng kapatawaran, dahil wala nang natitirang maaaring apilahan kapag ang patotoo ng Espiritu Santo ay tinakwil at nilapastangan.

Maaari ba itong magawa ngayon?

Ayon sa huling tatlong interpretasyon, ang kasalanang ito ay magagawa ngayon. Ang huli at marahil ay pinakanakakakumbinseng interpretasyon ay nagsasabing ang kasalanang ito ay magagawa ng isang taong buong kaalaman at sinasadyang itakwil at lapastanganin ang ministeryo ng ng pangungumbinse ng Espiritu Santo tungkol sa persona ni Cristo. Mahirap alamin kung kailan tinakwil ng isang tao nang buong kaalaman ang patotoo ng Espiritu Santo at kung kailan ginawa ito nang dahil sa kawalang kaalaman, ngunit ito ay alam ng Diyos.

Pagbubuod

Ang pagpaliwanag ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay hindi madali. Mabuti para sa ating tumutok sa kung ano ang malinaw na tinuturo sa mga sitas na ito. Malinaw na ang babala ni Cristo ay para sa mga hindi mananampalataya. Ang paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay hindi magagawa ng mga mananampalataya. Sa katotohanan, ang pag-aalala ng isang mananampalatayang baka nagawa niya ito ay isang mahusay na argumento na hindi niya ito nagawa dahil iyan ay ebidensiya na siya ay may konsensiya.

Ang biyaya ng Diyos ay nagtatakip ng lahat ng kasalanan, ngunit ang biyayang ito ay dapat tanggapin. Maaari at patatawarin ng Dios ang lahat ng uri ng kasalanan, ngunit ang hindi mananampalatayang lumapastangan sa Espiritu Santo ay bulag na moral sa punto na ang kaniyang puso ay pinatigas ng kaniyang may kamalayang pagtanggi kay Jesus hanggang sa puntong hindi niya tatanggapin ang biyaya ng kapatawaran. Ang sinumang hindi mananampalataya na sumampalataya ay maliligtas. Ngunit ang sinumang hindi mananampalataya na lumapastangan sa Espiritu Santo ay nagpapakita ng kundiysong espiritwal na walang kaisipang mapagtanggap ng ebanghelyo.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes