GraceNotes
   

   A Maze of Grace (Kalituhan sa Biyaya)

Ang mga gumagamit ng Biblia bilang kanilang awtoridad ay hindi laban sa malinaw na pahayag ng Biblia na “sa biyaya kayo ay naligtas” (Ef 2:8). Ngunit ang pangkalahatang pagsang-ayong ito ay hindi nangangahulugan ng pangkalahatang pagkakasundo tungkol sa paano tayo naligtas magpakailan man. Ito ay nakadepende kung paano pinakahuhulugan ng isang tao ang biyaya. Kapag ang kahulugan ng biyaya ay nabago, ang kundisyon para sa kaligtasan ay nabago rin.

Ano kung ganuon ang kahulugan ng biyaya pagdating sa ating kaligtasan? Kung ang biyaya ay may iba pa pang kahulugan maliban sa ganap na libre at walang kundisyong regalo ng Diyos na tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, kung ganuon ito ay may lakip na gawa sa bahagi ng tao. Ito ang sinasabi ng marami sa iba’t ibang paraan. Ngunit sa kanilang “kalituhan sa biyaya,” ang biyaya ay hindi kahanga-hanga. Narito ang ilan sa mga madalas na pagbaluktot ng biyaya:

Karaniwang pagbabaluktot ng biyaya.

Saksi ni Jehovah. Ang New World Translation (Bagong Pandaigdigang Salin) ng JW ay karaniwang sinasalin ang biyaya bilang “kabaitang hindi tampat.” Ngunit hanggan saan aabot ang kabaitang ito? Sa isang pagtalakay na may pamagat na “What Must We Do To Be SAVED?” (Ano Ang Dapat Nating Gawin Upang MALIGTAS?) (sa kanilang opisyal na website, www.watchtower.org), nakikita natin ang implikasyon ng kanilang pagkaunawa ng biyaya: “Ang kaligtasan ay isang libreng regalo mula sa Diyos. Hindi ito matatrabahuhan. Ngunit ito ay nangangailangan ng pagsisikap sa bahagi natin.” Dito ay mayroon tayong alingawngaw ng Efeso 2:8 na may salungatang paglalarawan ng biyaya bilang isang bagay na hindi mapagtatrabahuhan ngunit nangangailangan ng ating pagsisikapan!

Mormonism. Sa isang pagbisita sa opisyal na website ng The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints (Iglesia ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw) (www.mormon.org) ay masusumpungan ang pahayag na ito: “Ang biyaya ay isang kapangyarihang nakakatulong na nagbibigay patnugot sa mga lalaki at babae na panghawakan ang buhay na walang hanggan at pagtataas matapos nilang ibigay ang kanilang pinakamahusay na magagawa.” Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin “sapagkat alam nating sa biyaya tayo ay naligtas, pagkatapos ng lahat nating ginawa” (2 Nephi 25:23b). Ang sinasadyang pagkapareha sa Efeso 2:8 ay mayroong kakatwang kabuktutan. Nasumpungan natin ang biyaya bilang tulong na ibinigay pagkatapos nating gawin ang pinakamahusay nating magagawa.

Romano Katolisismo. Romano Katolisismo. Sa opisyal na website ng Vatican (www.vatican.va) nababasa natin ang mga pahayag na ito: “Ang biyaya ay pabor, ang libre at hindi tampat na tulong na binigay sa atin ng Diyos na tumugon sa kaniyang panawagan na maging mga anak ng Diyos” (ang pagbibigay-diin sa kanila). “Ito ay natamo sa pamamagitan ng bautismo at iba pang sakramento... mamemerito natin sa ating mga sarili at para sa iba ang mga biyayang kailangan para... sa pagkamit ng buhay na walang hanggan.” “Ang biyaya ay tulong na binigay ng Diyos bilang tugon sa ating bokasyon na maging kaniyang inampong mga anak na lalaki.” Pansinin na ang biyaya ay isa lamang hindi tampat na tulong upang tayo ay magmerito ng mas maraming biyaya upang magkamit ng buhay na walang hanggan.

Ang iba’t ibang relihiyon ay hindi ganuon kalaki ang pagkakaiba! Ang biyaya ay hindi ganap na libre at walang kundisyon, kundi isang gantimpala o karagdagan sa ating sariling pagsisikap. Sa mga pananaw na ito, ito ay matatamo o mamemerito sa halip na matanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.

Mamahalin o mumurahin?

Ang nakalulungkot kahit ang mga ebanghelikong naniniwala sa Biblia ay naliligaw sa kalituhang ito. Marami ang gumagamit ng terminong “mamahaling biyaya/mumurahing biyaya” na inimbento ni Dietrich Bonhoffer (isang teologo/aktibista na Alemang Luteran). Isang manunulat ang sumulat, “Bagama’t ito [biyaya] ay libre, hindi ito mumurahin” (John F. MacArthur, The Gospel According to Jesus, Revised and Expanded, p. 65). Kung ganuon ang biyaya ay libre-pero hindi mumurahin; ito ay mamahalin. Ngunit paano ang biyaya magiging libre kung ito ay mamahalin- o kahit mumurahin pa? Kapag binasa si Bonhoffer at ang iba pa, nakikita natin ang “mamahalin/mumurahin” bilang mga pang-uring nilalapat nang mali sa konsepto ng biyaya mismo, samantalang ang talagang binabanggit nila ay kung paano ang isang Cristiano maaaring tumugon sa biyaya ng Diyos (pag-uugaling sumasalamin sa pagpapahalaga sa biyaya ng Diyos o pag-uugaling nagwawalang-halaga rito). Ngunit mayroong biblikal na lenggwahe para sa maling tugon sa biyaya. Ipinahahayag ng Biblia na ang biyaya ay maaaring tanggapin nang walang kabuluhan (2 Cor 6:1); pawalang halagahan (Gal 2:21); alipustahin (Heb 10:29); at mahulugan (Heb 12:15). Ang biblikong lenggwaheng ito ay nagpapahayag ng maling tugon sa libreng biyaya nang hindi kinekwestiyon ang purong konsepto ng biyaya mismo, na nagreresulta sa nakalulungkot na terminong “mamahaling biyaya/mumurahing biyaya.”

Libreng biyaya ayon sa Biblia

Ginagamit ng Biblia ang salitang biyaya sa pangkalahatang kahulugan na “pabor”, o sa mga epistula sa Bagong Tipan, ginagamit ito sa pagbati kakabit ng “kapayapaan.” Ngunit kapag bumabanggit ng paglilitas ng Diyos mula sa impiyerno at pagliligtas mula sa kasalanan, napakalinaw ng Biblia sa kahulugan ng biyaya. Isang susi sa kahulugan nito ay masusumpungan sa orihinal na salita para sa biyaya (charis), na siyang ugat ng salitang regalo (charisma). Pagtuunang-pansin ang malinaw na kahulugan ng biyaya sa mga sumusunod na sitas:

  • Efeso 2:8-9. “Sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.” Natutunan natin dito na ang nagliligtas na biyaya ay hindi nagmumula sa atin kundi mula sa Diyos, at ito ay ekslusibo ng ating mga gawa (pagsisikap) bilang bahagi ng pangkalahatang regalo ng kaligtasan ng Diyos. Dahil ito ay hindi mapapatatrabahuhan, ito ay matatanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya.
  • Roma 3:24. “Sila ay tinuturing na matuwid ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na kay Cristo Jesus.” Ang biyaya na nagliligtas (nag-aaring matuwid) ay ganap na libre, dahil binayaran ni Jesus ang kabuuang halaga (ang tunay na diwa ng “pagtubos”) ng ating kasalanan.
  • Roma 4:4. “Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi binibilang na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.” Sa isang pagtalakay tungkol sa pag-aaring matuwid, pinaliwanag ni Apostol Pablo na ang anumang gawa ay winawalang halaga ang biyaya at lumilikha ng sitwasyon ng pagkautang at obligasyon, hindi ng regalo.
  • Roma 11:6. “Ngunit kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ito’y hindi batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya; kung hindi ang gawa ay hindi gawa.” Ang biyaya at gawa ay ekslusibo ng bawat isa. Inaalis ng biyaya ang anumang konsepto ng merito; hindi ito gantimpala o karagadagan sa pagsisikap ng tao.

Pagbubuod

Mayroong nakalilitong “maze of grace” na makikita sa mga relihiyosong komentaryo. Ngunit kung hahayaan natin ang Biblia na magsalita para sa kaniyang sarili, hindi nito tinatakpan o nililito ang purong biyaya ng Diyos na nagliligtas sa atin. Ang nagliligtas na biyaya ay hindi gantimpala sa pagsisikap ng tao, o ito ay kapangyarihang tulong sa ating pansariling pantaong pagsisikap. Ang biyaya ay hindi gawa, at hindi rin ito base sa merito. Ang biyaya ay hindi mamahalin, hindi rin ito mumurahin. Ito ay ganap na libre at isang regalong walang kundisyon ng Diyos na ibinigay sa mga taong hindi nararapat dito. Ito ay regalo ng buhay na walang hanggang ibinigay sa mga nawawalang makasalanan na walang anumang merito sa kanilang mga sarili sa harap ng Diyos, at tanging makatatanggap ng regalo sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagkaunawang ito ay pinapanatiling kahangahanga ang biyaya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes