GraceNotes
   

   Tinuturo Ba Ng Free Grace ang Lisensiya Magkasala?

Tayong nagtuturo na ang biyaya ay ganap na libre ay minsang inaakusahang nagtuturo ng lisensiya o antinomianismo. Ang lisensiya ay ang paniniwalang maaaring gawin ng isang Cristiano ang anumang naisin niya, kabilang na ang kasalanan, na walang negatibong konsekwensiya. Ang antinomianismo ay ang paniniwalang walang mga batas sa Cristianong pamumuhay.

Ano ang kahulugan ng pagtuturo ng biyaya bilang libre

Ang ituro ang libreng biyaya ay nangangahulugan ng pagtuturo na ang biyaya ay hindi sa anumang paraan mapagtitipunan, mamemerito, magpagtatrabahuhan o magiging karapat-dapat dito. Sa kaligtasan, nangangahulugan itong ang buhay na walang katapusan o kaligtasang walang katapusan ay hindi sa anumang paraan mapagtitipunan, mamemerito, mapagtatrabahuhan o magiging karapat-dapat dito. Samakatuwid ang mga nagtuturo ng libreng biyaya sa kaligtasan ay tinatakwil ang anumang kundisyon ng merito, gawa o gawi na nakakabit sa ebanghelyo pareho sa pag-alok nito at sa bagong buhay na resulta ng ebanghelyo. Samakatuwid, ang walang hanggang kaligtasan ay hindi matatamo ng gawa, at hindi ito maiingatan ng gawa.

Ang akusasyon ng lisensiya

Kapag tinuturo natin na walang anumang magagawa ang tao upang matamo o maingatan ang eternal na kaligtasan, ang ilan ay inaakusahan tayong ginagawa raw nating walang halaga ang mabubuting gawa o katapatan sa kilos, at sa ganitong paraan nagtuturo ng lisensiya at/o ng antinomianismo. Ang akusasyon ay tila ganito: “Itinuturo mong ang taong nanampalataya kay Jesucristo ay maaaring gawin ang anumang nais niya at mananatili siyang Cristiano? Ang ebanghelyo ay humihingi ng pagsunod at ng buhay na ginagabayan ng mga batas sa Biblia. Ang taong hindi masunurin o gumagawa ng pagsalangsang ay hindi ligtas o hindi maaaring magpatuloy bilang Cristiano.”

Sa isang diwa maganda ang akusasyong iyan. Ebidensiya itong tinuturo natin ang biyaya ayon sa turo ng Biblia- ganap na libre. Ang maakusahang nagtuturo ng lisensiya o antinomianismo ay hindi bago; si Apostol Pablo ay malinaw na inakusahan ng parehong akusasyon nang ituro niyang ang mga Cristiano ay “wala sa ilalim ng kautusan, kundi ng biyaya” (Roma 6:14; cf 6:1 at 15), kaya tayo ay nasa mabuting samahan.

Ang sinaunang iglesia ay lumaban sa mga nais idagdag ang batas ng Lumang Tipan bilang prinsipyo ng eternal na kaligtasan at Cristianong pamumuhay (Gawa 15; Roma 3-4; Gal 2:5). Ngunit ang unang iglesia ay lumaban din sa mga nagnanais na gawin ang biyaya upang maging lisensiya sa kasalanan (Roma 3:8; 1 Cor 6:12; 10:23; Gal 5:13-26; 2 Ped 2:18-19; Judas 4). Ang mga nagtuturo ng libreng biyaya ayon sa Biblia ay nagtuturong ang mga Cristiano ay wala na sa ilalim ng batas ng Lumang Tipan at sila ay laban din sa lisensiya.

Wala sa ilalim ng kautusan kundi ng biyaya

Ito ang pahayag ni Apostol Pablo (Roma 6:14). Ibig niyang sabihin na dahil sa ang batas ng Lumang Tipan ay natupad na ni Jesucristo (Roma 10:4; Gal 3:19-25), tayo ay hindi na kailangang tuparin ang mga utos nito upang magtamo ng buhay na walang hanggan o upang maisabuhay ang Cristianong pamumuhay.

Hindi ito nangangahulugang tayo ay walang mga batas. Ang Bagong Tipan ay nagbabanggit ng bagong utos para sa mga Cristiano, ang kautusan ni Cristo, at ang ilan sa mga ito ay alingawngaw ng batas ng Lumang Tipan (1 Cor 9:21; Gal 6:2). Ngunit salungat sa batas ng Lumang Tipan, ito ay “batas ng kalayaan” (San 1:25; 2:12) na nasulat sa ating mga puso (Heb 8:10). Ang sakdal ng antinomianismo ay para lamang sa mga taong tinatakwil ang lahat ng utos, mapa Lumang Tipan man o Bagong Tipan.

Sa ilalim ng biyaya tinutupad natin ang kautusan ni Cristo habang tayo ay naglalakad ayon sa Espiritu Santo (8:1-11) o lumalakad sa Espiritu (Gal 5:16-25).

Bakit ang pagtuturo ng libreng biyaya ay hindi pagtuturo ng lisensiya

Una, ang biyaya ay ganap na libre ayon sa depinisyon. Ang maglagay ng anumang kundisyon upang matamo o maingatan ito ay kasalungat ng kung ano ang biyaya. Ang biyaya na nakakundisyon sa ating magagawa ay tumitigil na maging biyaya, kaya walang anumang paraan upang ituro ang biyaya kundi ganap na libre.

Ikalawa, bagama’t ang biyaya ay libre, ito ay nagtuturo ng moral na responsibilidad. Tinuturuan tayo ng biyaya na itakwil ang kasamaan at mamuhay nang maka-Diyos na pamumuhay (Tito 2:11-14). Ang mamuhay sa ilalim ng biyaya ay nangangahulugang dapat tayong mamuhay ng matuwid at banal na pamumuhay (Roma 6-8; Ef 2:8-10). Lahat ng guro ng biyaya ay dapat ituro ang moral na mga admonisyon ng Biblia.

Ikatlo, ang pagtuturo ng biyaya ay dapat magmotiba sa ating mamuhay para sa Diyos na nagpala sa atin ng libre sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya. Ang karanasan at pakaunawa ang biyaya ng Diyos ay dapat lumikha sa atin ng puso at buhay ng pagsamba at pasasalamat sa Diyos dahil sa Kaniyang libreng regalong hindi tayo karapat-dapat (Roma 12:1-2; Ef 4:1).

Ikaapat, silang nagtuturo ng libreng biyaya ay dapat ding ituro na ang mananampalatayang nagkasala ay haharap sa disiplina ng Diyos. Gaya ng isang mabuti at mapagmahal na Ama, hindi nais ng Diyos na ang Kaniyang mga anak ay tumakbong gaya ng ligaw (Heb 12:5-11).

Ikalima, ang mga nagtuturo ng libreng biyaya ay dapat iturong ang bawat mananampalataya ay magbibigay sulit ng kaniyang buhay sa hukuman ni Cristo at ito ay may positibo at negatibong konsekwensiya. Kapag tayo ay namatay o kung si Cristo ay dumating, lahat tayo ay haharap sa Kaniyang pagsusulit at ito ay may konsekwensiya hanggan eternidad (Roma 14:10; 1 Cor 3:11-15; 2 Cor 5:10).

Pagbubuod

Tayong maayos na nagtuturo ng libreng biyaya ay hindi nagtuturo ng lisensiya o antinomianismo. Tinuturo nating ang biyaya ay ibinigay nang libre hiwalay sa ating magagawa. Ang biyaya ay nagpalaya sa atin mula sa mga hinihingi ng batas ng Lumang Tipan at inilagay tayo sa bagong batas ni Cristo na ating natutupad kapag tayo ay namumuhay sa Kaniyang Espiritu. Pinalalaya tayo ng biyaya hindi upang paglingkuran ang ating makasalanang pita kundi upang paglingkuran ang Diyos at iba. Ang biyaya ay maaaring abusuhin- ito ay isa sa mga hamon ng kalayaan- ngunit ang gumagawa nito ay nag-iimbita ng disiplina ng Diyos at iba pang negatibong konsekwensiya. Subalit, kapag ating pinahalagahan ang mataas na halagang binayad ng Diyos para sa ating libreng regalo ng buhay na walang hangga- ang Kaniyang Bugtong na Anak- dapat tayong magkaroon ng puso ng pagsamba at pasasalamat na dumidiretsi sa espirituwal na maturidad at maka-Diyos na pamumuhay.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes