GraceNotes
   

   Mapapatunayan Ba Ng Mabubuting Gawa ang Kaligtasan?

May magandang dahilan upang paniwalaang ang sinumang nanampalataya kay Jesucristo, at sa kadahilanang iyan ay naipanganak sa pamilya ng Diyos, na makaranas kahit paano ng nabagong buhay. Ang iba ay nagsasabing ang ebidensiya ng nabagong buhay na ito ay ang mabubuting gawa na patunay na sila ay tunay na naligtas. Kung ito ay totoo, ang kabalintunaan ay totoo rin: kung walang mabubuting gawa, walang kaligtasan. Sa pananaw na ito, ang mabubuting gawa (minsan tinatawag na “bunga” o ebidensiya ng nabagong buhay) ay nagpapatunay o nagpapabulaan ng walang hanggang kaligtasan ng isang tao.

Ilang pasahe ang ginagamit upang isulong na ang mabubuting gawa ay maaring magpatunay o magpabulaan ng walang hanggang kaligtasan ng isang tao. Marahil ang pinakamadalas ay Santiago 2:14-26, Juan 15:6 at Mat 7:15-20. Ngunit si Santiago ay sumusulat sa mga Cristiano tungkol sa kapakinabangan ng kanilang pananampalataya, hindi ang katunayan nito. Gayundin, sa Juan 15:6, nagsasalita si Jesus tungkol sa mga hindi mabungang mananampalataya at kinukumpara sila sa mga sanga na sinunog, sa madaling salita, walang masyadong pakinabang. Ang Mat 7:15-20 ay babala laban sa mga huwad na propeta (hindi sa mananampalataya sa pangkalahatan) na maaaring suriin base sa kanilang mabubuting gawa o huwad na turo (hindi ng kawalan ng gawa sa pangkalahatan).

Walang pasahe ng Kasulatan ang nag-aangking ang mga gawa ay patunay ng kaligtasan. Sa katotohanan, maraming problema ang pagsisikap na gamitin ang mga gawa bilang patunay ng kaligtasan, o ang kawalan nito sa pagpapabulaan ng kaligtasan.

Ang mabubuting gawa ay maaaring maglarawan ng mga hindi Cristiano. Ang mga gawa sa kanilang sarili ay hindi maaaring magpatunay na ang isang tao ay ligtas magpakailan pa man dahil ang mga hindi nananampalataya kay Cristo ay madalas gumagawa ng mabubuting bagay. Sa katotohanan, ang mabubuting gawa ay kailangan sa maraming relihiyong hindi Cristiano. Minsan, ang panlabas na moralidad ng mga hindi Cristiano ay humihigit pa sa mga establisadong Cristiano. Sa Mateo 7:21-23 nakikita natin ang posibilidad na ang mga hindi nakakakilala kay Cristo ay gumagawa ng mga dakilang gawa, ngunit ang kanilang gawa ay walang halaga sa pagpapakita ng kanilang kaligtasan; sila ay hindi ligtas.

Ang mabubuting gawa ay mahirap ipaliwanag. Bagama’t maaari nating ipaliwanag ang mabuting gawa bilang isang bagay na ginawa ng Cristiano sa pamamagitang ng Espiritu para sa Panginoon, paano natin malalaman na ito ay totoo? Mahirap isipin kahit isang araw lang na ang isang Cristiano (o hindi Cristiano pa) na hindi gumagawa ng kabutihan gaya ng pagpasok sa trabaho upang may pantustos sa kaniyang pamilya, hawakang bukas ang pintuan para sa iba, o magpreno para sa isang squirrel. Paano natin malalaman na ang mga bagay na ito ay ginawa sa pamamagitan ng Espiritu para sa Panginoon, lalo pa’t ito ay magagawa ng mga hindi Cristiano?

Ang mabubuting gawa ay relatibo. Bagama’t tila kalabisan na ang kilos ng isang tao, ito sa katunayan ay maaaring nagpapakita ng isang malaking pag-unlad sa Cristianong paglago ng taong iyan. Ang isang tao na nadulas sa isang mura ay maaaring makagitla ng ibang mananampalataya, ngunit ang mga mananampalatayang ito ay hindi nakaaalam na bago ang kaniyang kumbersiyon, malayang umaagos ang mura sa kaniyang bibig. Ang bilang ng bunga ay dapat suriin sa konteksto ng kaniyang nakalipas na buhay, isang bagay na mahirap gawin. Ito ay maaaring relatibo sa bilang ng kasalanan sa kaniyang buhay sa kasalukuyan. Halimbawa, kung ang isang Cristiano ay nangalunya, maaaring natuon ang ating kaisipan sa kasalanang iyan anupa’t isinawalang bahala natin ang ibang mabubuting gawa na kaniyang ginagawa.

Ang mga gawa ay maaaring pasibo sa kalikasan. Ang bunga ng kaligtasan ay hindi laging ang ginagawa natin, kundi madalas ang hindi natin ginagawa. Bilang isang Cristiano, maaaring ang isang tao ay hindi na naglalasing o umiiwas na sa pagtunggayaw sa isang balasubas na motorista. Ang bungang ito ng Espiritu, ang pagtitimpi, ay hindi mapapansin ng iba dahil sa ito ay pasibo sa kaniyang kalikasan.

Ang mabubuting gawa ay maaaring hindi nakikita. Sa Mateo 6:1, sinabihan ni Jesus ang Kaniyang mga tagasunod na mag-abuloy at manalangin sa lihim kaysa gawin ang mga ito sa publiko. Ang taong hindi nananalangin sa isang grupo, ay maaaring nananalangin habang nagmamamaneho at walang sinumang nakaaalam. Ang isang tao ay maaaring hindi dumadalo sa iglesia ngunit regular na nag-aabuloy sa isang Cristianong karidad. Ang mga ito ay mga gawang hindi namamasdan ng iba.

Ang mabubuting gawa ay maaaring mapanlinlang. Dahil hindi natin alam ang motibo ng iba, ang tila mabuting gawa ay magagawa sa maling dahilan. Ang isang tao ay maaaring magbigay ng salapi sa iglesia upang pahangain ang iba. Ang isang tao ay maaaring magboluntaryong magtrabaho sa isang Cristianong ministri upang maghintay ng pagkakataong abusuhing sekswal ang mga ito. Ang mga ito ay hindi mabubuting gawa! Ang mga motibo ay mahirap unawain, kahit pa ng mismong gumagawa, ngunit alam ng Diyos ang puso ng bawat isa (1 Cor 4:3-5).

Ang mabubuting gawa ay maaaring hindi konsistent. Ang Biblia ay nagpapakita ng posibilidad ng mga mananampalatayang nagsimula nang mahusay, ngunit nahulog sa kanilang lakad kasama ang Diyos, o kaya ay nahulog sa kasalanan (1 Cor 11:30; 2 Tim 4:10; San 5:19-20). Kung ang isang Cristiano ay nagpakita ng bagong buhay, ngunit kalaunan ay nahulog palayo, aling punto ng kanilang buhay ang ating susuriin upang patunayan o pabulaanan ang kanilang kaligtasan? Kung may pagkahulog sa mabubuting gawa, gaano katagal dapat magpatuloy ang pagkahulog bago natin hatulan ang isang taong hindi ligtas?

Pagbubuod

Kailan man hindi itinuro ng Biblia na ang bunga o mabubuting gawa ay patunay ng kaligtasan. Dahil sa ang bunga ng mabuting gawa ay hindi madaling maunawaan o mabilang, hindi ito maaaring maging katiwatiwalang patunay ng kaligtasan. Ang subhetibong kalikasan ng pagsukat ng bunga ng isang tao ay lumilikha ng imposibilidad na malamang obehtibo kung ang isang tao ay ligtas. Ang bilang ng bungang kailangan upang mapasiya ang isang Cristinong “inspektor ng bunga” ay maaaring hindi makasiya sa ibang “inspektor ng bunga.” Bilang mga Cristiano, tayo ay nilikha kay Jesucristo upang gumawa ng mabubuting gawa (Ef 2:10) at inaasahang gumawa ng mabubuting gawa (1 Tim 6:18; Tito 2:7, 14; Heb 10:24), ngunit ang mabubuting gawa ay hindi kailaman kinabit sa kundisyon ng kaligtasan, ang manampalataya lamang kay Cristo lamang (Rom 4:4-5). Samantalang ang mabubuting gawa ay maaaring maging umaalalay na ebidensiya para sa pananampalataya ng isang tao kay Cristo, ang mga ito ay hindi sapat upang patunayan o pabulaanan ito. Tanging ang pananampalataya sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo ang naggagarantiya at nagpapatunay ng ating kaligtasan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes