GraceNotes
   

   Biyaya sa Hinaharap

Sa Bagong Tipan, ang biyaya ay madalas mabanggit bilang isang bagay sa nakalipas ng mga naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, o isang bagay na magagamit sa kasalakuyan para sa Cristianong pamumuhay. Subalit, may ilang pasaheng nagsasaad o nagpapahiwatig ng panghinaharap na karanasan ng biyaya ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito para sa ating nanampalataya?

Ang abot ng biyaya ng Diyos

Ang biyaya ng Diyos ay nagpasimula ng ating kaligtasan bago pa nagkaroon ng oras (Ef 1:4-6). Ang Kaniyang biyaya ang nagdala sa atin ng kaligtasan nang tayo ay manampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas (Ef 2:8-9). Ang Kaniyang biyaya ang tumutulong sa ating lumago sa ating relasyon sa Diyos (Gawa 20:23). Ngunit ang Biblia ay nagsasabi ring ang biyaya ay bahagi ng ating karanasan sa hinaharap. Ang biyaya ng Diyos ay napakadakila, napakalawak, na napalilibutan nito ang buong karanasang Cristiano mula sa simula hanggang sa katapusan.

Ang katotohanan ng biyaya sa hinaharap

Ang 1 Pedro 1:13 ay nagbabanggit ng biyayang naghihintay sa mga Cristiano sa hinaharap: “Kaya’t ihanda ninyo sa gawain ang inyong mga pag-iisip; na supilin ninyo ang inyong sarili at ilagak ang inyong pag-asa sa biyayang darating sa inyo kapag inihayag na si Jesucristo.” Ilang bagay ang lumalabas sa sitas na ito. Una, mayroong biyayang mararanasan sa hinaharap. Ikalawa, ang biyayang ito ay mararanasan kapag si Jesuscristo ay nahayag na, na bumabanggit ng panahon ng Kaniyang pagbalik para sa Kaniyang Iglesia. Ikatlo, ang biyayang ito sa hinaharap ay basehan ng pag-asa at kaaliwan.Isa pang pasahe ang nagbabanggit ng biyaya sa hinaharap sa Ef 2:7. Mayroon tayong pangako ng Diyos “na sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng Kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.”

Ang pangangailangan ng biyaya sa hinaharap

Bakit kailanganan ng mga mananampalataya ng biyaya sa hinaharap? Nananampalataya tayong ang biyaya ay mahalaga sa nakalipas nang inari tayong matuwid, at sa kasalukuyan sa pagpapabanal sa atin, ngunit bakit kailangan natin ito sa hinaharap samantalang ang ating eternidad kasama ang Diyos ay garantisado (Ef 1:13-14; 4:30)?

Ang isang malamang ng pangangailangan sa hinaharap ay bilang sukat ng mapagpatawad na biyaya ng Diyos at awa bago o sa mismong Hukuman ni Cristo. Ang Hukuman ni Cristo ay isang doktrinang kalat sa mga turo sa Bagong Tipan. Sa Hukuman ni Cristo, tayo ay magbibigay-sulit sa mga bagay na ating ginawa sa pangkasalukuyang buhay. Ang ilang mga sitas ay nangangako ng gantimpala sa katapatan at mabubuting gawa, ngunit ang ilang pasahe ay nagpapahiwatig ng pagkawala ng gantimpala sa kawalang katapatan o maling gawi (hal Mat 12:36; 16:27; Rom 14:10; 1 Cor 3:11-15; 4:3-5; 2 Cor 5:10-11; 1 Tim 4:8). Tiyak ang ating pangangailangan sa mas maraming biyaya sa hinaharap kapag tayo ay nagbigay-sulit para sa ating mga buhay.

Ang aplikasyon ng biyaya sa hinaharap

Malinaw na ang gawi ng isang mananampalataya, mapabuti man o masama, ay may konsekwensiya sa hinaharap sa Hukuman ni Cristo. Ngunit paano ang kahatulan ng bawat mananampalataya iibigay lalo’t halos lahat ay gumagawa ng mabuti at masasamang bagay? Ang isa (o dalawa o tatlo...) bang kasalanan gaano man kalaki ay magbubura ng gantimpala sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa? Maraming mananampalataya ang makababanggit ng mga bagay sa kanilang mga buhay na nararapat gantimpalaan, ngunit may mga bagay din na hindi dapat gantimpalaan. Tanging ang Diyos ang may kakayahan at ang siyang gagawa ng panghuling kahatulan. Ang Apostol Pablo ay hindi nagtitiwala sa kaniyang pansariling pagsusulit ng kaniyang motibo, lalo na ang sa iba. Handa siyang iwan ang huling pagsusulit kay Cristo sa Kaniyang Hukuman:

“Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako’y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako’y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. Kaya’t huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggan sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri muli sa Diyos (1 Cor 4:3-5).

May ilang mga babala ng negatibong kahatulan na dapat alalahanin ng mga Cristiano. Bagama’t isang nakatatakot na bagay na isipin ang mga eternal na konsekwensiya ng mga sandali ng ating kawalang katapatan (2 Cor 5:11), sa panghuli, ang ating Hukom ay ang parehong “Diyos ng lahat ng biyaya” (1 Pedro 5:10) na nagligtas sa atin sa pasimula. Hind natin naubos ang Kaniyang biyaya, dahil kung saan ang kasalana’y nanagana, ang biyaya ay mas lalong sumasagana (Roma 5:20). Ang kapatawaran sa ating mga kasalanan ay “naaayon sa mga kayamanan ng Kaniyang biyaya” (Ef 1:7). Sino ang makakasukat kung gaano kasagana ang biyaya ng Diyos o kung gaano ito kayaman?

Pagbubuod

Bagama’t ang isang pagsusulit sa hinaharap para sa ating mga buhay sa Hukuman ni Cristo ay isang malinaw na aral ng Biblia, hindi masyadong malinaw kung paano susuriin at gagantimpalaan ang mabubuti o masasama nating ginawa. Mayroong kaaliwan sa katotohanang marami ang kinakailangang biyaya sa hinaharap. Sa kabila ng ating mga kasalanan, kawalang katapatan, at maling gawi, “ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos” (1 Cor 4:5). Ito ay hindi dahilan para magkasala kundi dahilan upang sumamba!


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes