GraceNotes
   

   Pagkahulog Mula sa Biyaya sa Galatian 5:4



Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya. Galatia 5:4

Ano ba ang ibig sabihin ng nahulog mula sa biyaya, lalo na sa pagkagamit ng parirala sa Galatia 5:4? Ang paliwanag ng sitas na iyan ay may mahalagang implikasyon para sa mga Cristiano.

Ilang Maling Paliwanag

Nakalulungkot ngunit ang Galatia 5:4 ay hindi nauunawaan ng ilan. Isang maling paliwanag ay naglalarawan daw ito ng gawain ng isang hindi mananampalataya na tumakwil sa ebanghelyo. Ngunit malinaw na ang apostol Pablo ay sumusulat sa mga Cristiano sa liham na ito. Sa malapitang konteksto, kaniyang inihayag na sila ay pinalaya ni Cristo (5:1) at tinawag silang “mga kapatid” (5:11). Ang New King James ay sinalin itong, “kayong sumusubok na ariing-ganap,” at ito ay hindi tumutukoy sa mga hindi mananampalatayang sinisikap na maligtas kundi kumikilala na sa ilalaim ng kautusan, ang pinakamalapit na magagawa ng isang tao ay subukang ariing ganap, sapagkat sa katapusan-tapusan “walang sinumang inaring ganap ang kautusan” (3:11).

Isa pang kulang na paliwanag, at madalas sa mga Arminian, ay si Pablo raw ay nagsasalita sa mga mananampalatayang naiwala ang kaligtasan. Hindi lamang ito laban sa kabuuang turo ng Kasulatan tungkol sa seguridad ng kaligtasan, hindi rin nito nauunawaan ang konsepto ng biyaya at ang relasyon nito sa kaligtasan at ang mga argumentong inihayag ni Pablo sa Galatia. Ang sumusunod ay isang maikling eksposisyon ng sitas na ito sa kaniyang konteksto.

Ang Konteksto Binuo

Ang konteksto ay nagpapakita na pinapalagay ni Pablo ang kaligtasan ng kaniyang mambabasa sa simula pa lamang ng liham (1:2-4). Pinaalala niya sa kanila na sila ay tinawag “sa biyaya ni Cristo” (1:6). Ang konsepto ng biyaya ay nasa puso ng tamang paliwanag ng Galatia, at nasa puso ng maling pagkaunawa ng mga taga-Galatia sa kanilang relasyon sa Diyos. Lumalabas na hindi nila naunawaan ang lahat ng implikasyon ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at madaling nalinlang ng mga huwad na guro (1:6-9; 3:1; 4:17; 5:7, 12). Sinisikap ni Pablo na pigilan ang mga mananampalatayang taga-Galatia na manalig sa kautusan ng Lumang Tipan bilang paraan ng sanktipikasyon. Ito ay salungat sa prinsipyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya. Iyan ang dahilan kung bakit pinuna niya si Pedro sa kawalan ng kaayunan sa biyaya (2:11-14) at pinaliwanag na “Hindi ko isinasantabi ang biyaya ng Diyos” (2:21). Dahil sinimulan ng mga taga-Galatia ang kanilang Cristianong pamumuhay “sa Espiritu” hindi nila dapat isipin na lalago sila sa maturidad sa pamamagitan ng kanilang makalamang pagsisikap na sundin ang kautusan (3:2-3). Ang kautusan ay maaari lamang magdala ng sumpa (3:!0).

Bilang mga mananampalataya na inaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga taga-Galatia ngayon ay mga “anak ng Diyos” (3:26) at hindi na alipin ng kautusan (4:5-7). Kailangan nilang “manindigan” sa kanilang kalayaan at huwag na muling matali sa pagkaalipin sa kautusan (5:1). Kung sila ay babalik sa legalismo, si Cristo ay hindi kapakinabangan para sa kanila sa sanktipikasyon (5:2) dahil ang pagsunod sa panlabas na hinihingi ng kautusan sa pamamagitan ng gawain ng laman ay hindi makapagdadala ng sinuman palapit sa Diyos. Upang maging karapatdapat sa Diyos, kailangan nilang sundin nang ganap ang buong kautusan (5:3), isang imposibilidad.

Interpretasyon ng bersikulo 4

Sa bersikulo 4, pinaliwanag ni Pablo na ang mga mananampalataya na bumalik sa kautusan ay nahiwalay kay Cristo. Ang “nahiwalay” ay salin ng pandiwang katargeo, na nangangahulugang hiwalay o naalis sa pagkakatali sa isang bagay, o gawin ang isang bagay na walang epekto, hindi gumagana o walang kapangyarihan. Ginamit ni Pablo ang kaparehong salita sa 2:21 sa diwang isinasantabi. Ang kaniyang mga mambabasa ay nahiwalay sa kanilang relasyon kay Cristo (hindi naputol sa kanilang posisyon bilang mga Cristiano) sa diwang ang Kaniyang biyaya ay hindi gumagana sa kanila kung sila ay babalik muli sa ilalim ng kautusan, na siyang sinisimbulo ng pagtutuli (5:2). Sila ay na kay Cristo, ngunit hindi namumuhay sa kapangyarihan ng Kaniyang biyaya.

Ang pandiwang sinalin na “nahulog” ay ekpipto na mayroon malawak na kahulugan, ngunit madalas na nangangahulugang mahulog mula sa isang bagay o mabitawan ang isang bagay. Ang mga taga-Galatia ay nakabitaw sa kanilang panghahawak sa biyaya, hindi kay Cristo, o sa kaligtasan o sa pag-aaring ganap. Ang isang mananampalataya ay hindi na maaaring hindi-ganap (cf Rom 8:30), ngunit ang isang mananampalataya ay maaaring mamuhay na kasalungat ng prinsipyo ng Diyos sa kaligtasan at sanktipikasyon sa biyaya.

Ang diwa ng argumento ni Pablo ay ang salungatan sa pagitan ng biyaya at kautusan. Sila ay magkabaligtaran na hindi maaaring maghalo; sila ay ekslusibo sa bawa't isa. Ang isang tao ay maaaring magtiwala sa biyaya ni Cristo o sa kautusan para sa katuwiran. Ang pagsunod sa isang sistema ay kalaban ng kabila. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa probisyon ng Diyos matatamo ang posisyunal (3:24) at praktikal (5:5) na katuwiran, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan.

Samakatuwid, sa pariralang “nahulog mula sa biyaya” hindi tinutukoy ni Pablo ang posisyon ng mga taga-Galatia kay Cristo; kaniyang tinutukoy ang kanilang gawi, o ang kanilang lakad Cristiano. Ang posisyon ng isang Cristiano ay tiyak: Bawat mananampalataya ay nakatindig sa biyaya (cf Roma 5:2) bilang anak ng Diyos (3:26) at pinalaya sa pagkaalipin sa kautusan (5:1). Ngunit ang isang Cristiano ay maaaring ikompromiso ang kanilang posisyon dahil sa kanilang hindi konsistent na kilos sa pamamagitan ng pagsubok na sundin ang mga hinihingi ng kautusan o anumang uri ng panlabas ng sistema sa kanilang sariling pagod.

Paglalapat

Kung tayong mga Cristiano ay namumuhay sa panlabas na pagsunod at pagpapasakop sa mga panlabas na susundin ng anumang kautusan o sistemang relihiyon, hindi natin itinataas ang ating espirituwalidad kundi binababa ito. Ang ganiyang uri ng legalismo ay hindi naglalapit sa atin sa Diyos, kundi lumilikha ng isang bangin sa ating relasyon sa Kaniya. Nahulog tayo sa biyaya. Marahil masasabi nating tayo ay “nahiwalay” sa Diyos, sapagkat tinanggihan natin ang Kaniyang regalo ng biyaya- ang kaparehong biyayang nagligtas sa atin- kapalit ang ating sariling magagawa.

Ang espiritu ng legalismo ay namumuhay hindi lamang sa pagsunod sa Kautusan ng Lumang Tipan. Halimbawa, kung tayo ay sumasamba upang maimpres ang iba, hindi natin “naiimpres” ang Diyos. Kung ang ating pang-araw-araw na debosiyon ay upang lamang mapasiya ang isang iskedyul, hindi natin “napapasiya” ang Diyos. Kung tayo ay nagtitiwala sa ating sakripiyong paglilingkod upang makamit ang pabor ng Diyos, binabalewala natin ang sakripisyong kaloob ng Diyos sa atin. Tanging ang buhay sa Espiritu sa ilalim ng biyaya ng Diyos ang makakagawa ng buhay na nais ng Diyos.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes