GraceNotes
   

   Paano Natin Ipaliliwanag ang Hebreo 6:4-8

Ang pasaheng ito ay madalas gamitin upang iargumento laban sa doktrina ng walang hanggang seguridad. Inaargumento na ang mga “nahiwalay/nahulog” (6:6) mula sa Cristianong pananampalataya ay sinumpa ng walang hanggang apoy ng impiyerno (6:7-8). Sa kabilang banda, ang ilang naniniwala sa eternal na seguridad ay nag-aargumentong ang pasaheng ito ay hindi naglalarawan ng tunay na mga Cristiano, o ang kapahamakan ay hipotetikal lamang. Kapag ating sinuri ang mga detalye ng pasahe sa kaniyang konteksto, may nasumpungan tayong mas mahusay na intepretasyon. Ang mga nanghahawak sa eternal na seguridad ay dapat nakaaalam kung paano ipaliwanag ang mga sitas na ito sa iba.

Ang kalagayan ng mga mambabasa

Malinaw na ang Hebreo ay sinulat sa mga Judiong nanampalataya kay Cristo. Walang indikasyon na ang manunulat ay nagbago ng kausap saan man bahagi ng epistula upang kausapin ang mga hindi mananampalataya o ang mga nagpapahayag lamang (ngunit hindi nagtataglay ng buhay) na mga mananampalataya (tingnan ang GraceNotes 15 “Pagpapaliwang ng Hebreo: Simula sa mga Mambabasa”). Mas mahalaga, ang pandaliang konteksto ay malinaw na kumakausap sa mga Cristiano: Sila ay dapat maging guro na (5:12); sila ay mga sanggol sa kanilang espritiwal na kalagayan (5:13); kailangan nilang yumao mula sa kanilang saligang pananampalataya patungo sa maturidad (“kasukdulan”, “kasangkapan” mula sa teleiotes; 6:1-2); sila ay inilarawan ng lista ng maliwanag na paglalarawang Cristiano (6:4-5). Ang layon ng negatibong babala na ito ay himukin ang mga mambabasa na sumulong sa kanilang pagpahayag kay Cristo sa halip na tumalikod palayo rito (6:11-12).

Ang napakahalagang konteksto

Ang panandaliang konteksto ay maingat na napapalamanan ng pag-aalalang ang mga mambabasa ay “nagsipurol... sa pakikinig” (5:11) at maaaring maging “tamad” (6:12). Pinaalalahanan sila ng may-akda na sa puntong ito dapat sana ay lumago na sila upang maging mga guro (5:12). Ito ay sumusuporta sa paulit-ulit na panghikayat sa Hebreo na sumulong sa Cristianong pananampalataya at paglago (3:6; 4:14; 10:23; 12:1), dahil ang mga Judiong mananampalatayang ito ay natuksong manumbalik sa sistemang sakripisyal ng kautusan ni Moises upang maiwasan ang pag-uusig (cf 2:1-4; 3:!2; 10:19-39; 12:1-4). Ang historikal na konteksto ay marahil ang pag-uusig ng mga Cristiano sa ilalim ng emperador na si Nero. Bumubuo ng isa pang “dulo” sa pasahe ay ang 6:11-12 na isa ring paghikayat na lumago at magpatuloy sa kanilang pananampalataya.

Ang kahulugan ng “pagkahiwalay/pagkahulog”

Ang “mahiwalay/mahulog” ay iniimpreta ng iba bilang apostasiya mula sa Cristianong pananampalataya o ganap na pagtakwil ng Cristianong pananampalataya. Isang kaparehong salita at kaisipan ang makikita sa 4:11 na tumutukoy sa halimbawa ng kasalanan ng paghimagsik laban sa Panginoon na nangyari sa Cades-Barnea (cf 3:!2; Bilang 14). Ang argumento at konteksto ng Hebreo ay nagmumungkahing ito ay pagkahulog sa kanilang pagpapahayag kay Cristo (3:6, 14; 10:23-25, 35-39) na ito ang magiging kaso kung sila ay bumalik sa sistemang Mosaiko ng pag-aalay ng mga hayop. Sa banghay ng orihinal na lenggwahe, ang pagkahulog ay hindi tinatrato bilang hipotetikal. Ang ibang Kasulatan ay nagpapakitang ang mga mananampalataya ay maaaring patigasin ang kanilang mga puso sa puntong iniwan nila ang kanilang pananampalataya (Lukas 8:13; 1 Tim 1:19; 2 Tim 2:18).

Ang konsekwensiya ng pagkahiwalay/pagkahulog

Ang unang konsekwensiya ng pagkahulog ay imposibleng muling baguhin ang mga mananampalatayang ito sa pagsisisi. Ang mga nagsasabing ang pasaheng ito ay nagtuturo na ang mga Cristiano ay maaaring maiwala ang buhay na walang hanggan ay dapat amining tinuturo rin nito na imposible sa kanilang magsisi upang maligtas muli. Wala na silang ikalawang pagkakataon upang maligtas.

Ang mas maiging intepretasyon ay ang mga mananampalatayang nagsisi na (nagbago ng kanilang isipan) tungkol sa “patay na gawa” ng sistemang Mosaiko (6:1; cf 9:14) ay hindi na magagawa muli ito dahil alam nila ang mas maigi. Sa nakalipas, kanilang tinakwil ang mga pag-aalay Judio at tinanggap ang walang hanggang handog ni Jesucristo. Ang bumalik at muling makiisa sa Judaismo ay ang hayagang itakwil ang benepisyo ng handog ni Cristo at pagpapakita ng implisit na pagsang-ayong marapat lamang mamatay si Cristo, kaya ang pangungugsap sa 6:6 “yamang kanilang pinapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Diyos, na inilalaga na muli Siya sa hayag na kahihiyan.” Sa saloobing gaya nito, imposibleng ibalik silang muli sa pagsisisi. Ang mga mananampalatayang mambabasa na ito ay kailangang gumawa ng desisyung pibotal na huwag magpatuloy pasulng kundi itakwil ang probisyon ng handog ni Cristo at sa ganuong paraan ay maiwala ang mga benepisyo ng pagpahayag at paglago kay Cristo. Kung gawin nila ito, hindi sila maaaring mag-angking walang alam at magsimula muli. Muli, ito ay isang alusyon sa insidenteng pibotal sa Cades-Barneang nabanggit sa 3:7-19 kung saan ang mga Israelitang nagdesisyung bumalik ay hindi hinayaang pumasok sa Lupang Pangako, bagama’t sinubok nila (cf Bilang 14). Ang may-akda ay gagamitin si Esau kalaunan bilang halimbawa ng taong walang ikalawang pagkakataon kahit pa “hinanap niya ito nang masikap nang may pagluha” (12:15-17).

Ang ikalawang konsekwensiya ng pagkahulog ay isang negatibong paghatol na nilarawan sa 6:7-8. Kung putulin ng Diyos ang pagkakataong magpatuloy (6:3), ang mananampalataya ay magbabata ng matinding konsekwensiya. Ang mananampalatayang bumalik ay magiging tila lupang sinunog. Ang larawan ng apoy ay nagtutulak sa ibang iinterpreta ito bilang impiyerno, na isang mahinang konklusyon dahil ang apoy ay madalas gamitin bilang kahatulan ng Diyos sa Kaniyang bayan (tingnan ang GraceNotes 34, “Ang Hebreo Tungkol sa Apoy”). Ang mananampalataya ay kinumpara sa lupang namumunga ng kapakipakinabang na bunga o sa lupang namumunga lamang ng walang pakinabang na tinik; kung walang pakinabang na tinik, ang lupa ay “tinakwil” (ngunit ang adokimos ay mas maiging isaling “hindi nakapasa sa pagsusuri” samakatuwid “hindi kwalipikado, walang halaga”). Ayon sa karaniwang praktis agrikultural, ang lupang namumunga lamang ng mga walang halagang tinik ay sinisilaban upang masunog ang mga tinik upang ang lupa ay maging produktibo sa hinaharap. Mahalagang pansinin na sa orihingal na lenggwahe mayroon lamang isang lupa, hindi dalawa, at ito (ang mananampalataya) ay hindi sinunog kundi ang mga tinik (ang bunga ng mananampalataya). Ang paghukom na ito ng Diyos ay temporal dahil ang layon nito ay ang pamumunga ng mananampalatayang ang buhay ay hinatulan (cf Juan 15:6).

Pagbubuod

Ang pasaheng ito ay hindi nagtuturo na maaaring maiwala ng isang tao ang buhay na walang hanggan, at hindi rin nitong kinakausap ang mga hindi mananampalataya o nagpapakita ng isang sitwasyong hipotetikal. Kinakausap nito ang mga Hebreong Cristianong nasa panganib na gumawa ng kahilahilakbot na desisyong iwanan ang kanilang pasulong na paglakad sa pananampalataya at bumalik sa mga ritwal ng Judaismo. Ito ay isang mabuting pangaral at babala sa mga Cristiano ngayon. Nais ng Diyos na tayo ay matapat na sumulong sa ating Cristianong pananampalataya. Bagama’t ang ating walang hanggang kaligtasan ay sigurado, may mga matinding konsekwensiya kung sinasadya nating tumalikod sa Kaniya at hindi magpatuloy sa maturidad. Hindi lamang natin maiwawala ang pagsulong na ating nagawa, ang nagliliyab na disiplina ng Diyos ay may intensiyong gawin tayong mas kapakipakinabang sa hinaharap.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes