GraceNotes
   

   Ang Nilalaman ng Ebanghelyo ng Kaligtasan

Kapag tayo ay malinaw na nagbabahagi ng ebanghelyo, mayroon tayong dalawang malaking alalahanin. Una, dapat tayong maging malinaw nang husto sa kundisyon ng kaligtasan- manampalataya. Ang pananampalatayang iyan ay dapat malaya mula sa anumang gawa, pagtatalaga o anumang ideya ng merito sa ating bahagi upang ang biyaya ay manatiling biyaya.

Ang ikalawang alalahanin ay dapat tayong maging malinaw sa laman ng ebanghelyo, o ano ba ang dapat sampalatayahan. Ang laman ng ebanghelyo ay ang persona at gawa ni Jesucristo, at ang mga ito ay hindi mapaghihiwalay na layon ng nagliligtas na pananampalataya.

Ang Persona ni Jesucristo

Tayo ay iniligtas ng Iba, ang Panginoong Jesucristo. Hindi lamang kung sino-sinong Jesus kundi Siyang sinugo mula sa Diyos, na Anak ng Diyos. Maraming bagay ang ipinahihiwatig ng designasyong Panginoong Jesucristo gaya ng pagka-Diyos, pagiging tao, at misyung mesianiko. Bagama’t hindi ganap na nauunawaan ng isang tao ang buong Cristolohiya, dapat siyang magkaroon ng ilang pagkaunawa sa kaibahan at dibinong awtoridad ni Jesus. Ang Ebanghelyo ni Juan, na kilala sa intensiyong ebanghelistiko, ay nagbibigay-diin sa pagka-Diyos ni Jesus higit sa iba pang aklat ng Biblia (hal 1:1-3, 14, 18; 5:17-21; 6:69; 7:38; 8:19, 58; 10:30; 20:38). Sa Juan ang Persona ni Jesucristo ay ang layon ng pananampalataya sa maraming ebanghelistikong konteksto (hal Juan 1:12; 3:16; 5:24; 6:29, 47; 9:35-37; 11:25-26).

Ang Probisyon ni Jesucristo

Bilang Anak ng Diyos, niligtas tayo ni Jesus sa pamamagitan ng ginawa Niya para sa atin; Siya ang nagbigay-katugunan para sa ating pinakamalaking pangangailangan. Tayo ay niligtas mula sa isang bagay, patungo sa isang bagay. Bilang mga makasalanang hiwalay sa Diyos, kailangan nating may magbayad ng penalidad na hindi natin mababayaran. Binayaran ni Jesus ang halagang iyan sa pamamagitan ng pagkamatay sa krus. Siyempre, ang isang patay na tagapagligtas ay hindi makaliligtas ninuman, kaya si Jesus ay bumangon muli mula sa mga patay. Ang Kaniyang pagkabuhay na maguli ay nagpapakitang ang halaga ay nabayaran, na tinanggap ng Diyos ang kabayaran, at Siya ay nabubuhay upang magbigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Ginawa ni Jesus na posible para sa atin na makatawid mula kamatayan patungong buhay kung ating tatanggapin ang Kaniyang probisyon (Juan 5:24).

Ang persona ni Jesus ay hindi mahihiwalay sa Kaniyang gawa. Si Jesus ang “Kordero ng Diyos” na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Ibinigay Niya ang Kaniyang buhay para sa atin (hal Juan 6:51; 10:11-18) bilang pinakadakilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan (Heb 10:5-10). Si Isaiah ay nagbabanggit sa hula ng panghaliling kamatayan ni Jesus (Is 53:3-12) at ng Kaniyang pagkabuhay na maguli (Is 53:10-12).

Muli, maraming malalim at taos na kasalimuotang nakapalibot sa kamatayan at pagkabuhay na maguli ni Jesus na maaaring hindi agad maunawaan ng isang hindi ligtas. Ngunit tila kailangang magkaroon kahit ng pinakasimpleng pagkaunawa na tayo ay mga makasalanang hiwalay sa Diyos, na inalis ni Jesus ang harang na dulot ng kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang pagkamatay at pagkabuhay na maguli at Siya ngayon ay nabubuhay upang ibigay ang Kaniyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit natin nakikita ang pangangaral ng krus at pagkabuhay na maguli sa unang simbahan (hal Gawa 2:23-24, 36; 3:18-20; 4:2, 10; 5:29-31; 10:39-40; 13:29-40; 17:3; 26:22-23) at kung bakit ang mga dakilang katotohanang ito ay inulit sa mga epistula (hal Roma 3-8; 1 Cor 1:18-24; 2:1-2; 15:1-4; Gal 3:1; Ef 1:20; Fil 2:8-9; Col 2:12-14; Hebreo; 1 Ped 1:3, 18-21; 3:18).

Ang Pangako ni Jesucristo

Tunay na maaaring ang isang tao ay maunawaan ang mga katotohanan tungkol sa persona at gawa ni Cristo at hindi ligtas sapagkat hindi niya nilapat ang mga ito sa kaniyang espiritwal na kundisyon. Nanampalataya tayo kay Cristo para sa isang bagay, at ang bagay na iyan ay ang buhay na walang hanggan. Ipinangako ng Diyos sa atin na ang sinumang sumampalataya kay Jesuscristo bilang Siyang namatay at nabuhay na maguli ay may buhay na walang hanggan (hal Juan 1:12; 3:!6; 5:24; 6:40, 47; 7:38; 10:26-29; 11:25-26; 12:44-50; 20:31). Ang isang tao ay kailangang manampalataya, o makumbinse, na ang pangako ay totoo at ito ay totoo para sa kaniyang sarili.

Ang buhay na walang hanggan ay maraming implikasyon na maaaring hindi lubos mauunawaan ng isang tao. Napapaloob dito ang eternal na seguridad, kapatawaran ng kasalanan, pagpapahayag na matuwid, bagong kapanganakan, pagluluwalhati, at iba pang kahanga-hangang katotohanang mas magiging malinaw kung maturuan sa Salita ng Diyos. Ang buhay na walang hanggan ay inilarawan din bilang pagkaalam sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo (Juan 17:3). Ang isang tao ay kailangang manampalataya sa pangako ng Diyos sa ilang salbipikong aspeto ng buhay na walang hanggang ito.

Ilang Hindi Alam

Bagama’t ang laman ng ebanghelyo ay simple at maibabahagi ito ng malinaw, may mga tanong na mananatili tungkol sa ilang sitwasyon: Paano nauunawaan ng isang bata ang laman ng ebanghelyo? Paano maliligtas ang isang may kakulangan sa pag-iisip? Anong mangyayari sa mga sanggol na namatay ng walang pagkaalam ng ebanghelyo? Paano mauunawaan ng isang Hindu ang mga konsepto ng Diyos, kasalanan, pagkabuhay na maguli at buhay na walang hanggan? Kapag binahagi natin ang ebanghelyo, kailangan nating matanto na ang proseso ng pakikipagtalastasan ay may dalawang bahagi: ang nagpapahayag at ang nakikinig. Hindi laging napoproseso ng nakikinig ang eksaktong kahulugang ibig sabihin ng nagsasaysay. Sa madaling salita, may mga hadlang sa pakikipagtatalastas ng ebanghelyo gaya ng lenggwahe, kultural na interpretasyon, atensiyon, klaridad, pagpoproseso, dating pagkaunawa, at mga prekonsepsiyong panrelihiyon.

Sa liwanag ng mga hindi alam na ito, kailangan nating may pagpapakumbabang kilalanin na ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi lagi kapareho ng ating iniisip. Salamat na lamang at alam ng Espiritu Santo ang hindi natin nalalaman. Bagama’t tungkulin nating ibahagi ang ebanghelyo sa pinakamalinaw na posibleng paraan, Kaniyang trabaho ang mangumbinse (Juan 16:8) sa tagapakinig ng katotohanan nito. Habang nagbabahagi tayo ng ebanghelyo kailangan nating umasang ang Espiritu Santo ang kikilos sa tagapakinig upang magbigay ng sapat na pagkaunawa na magdadala ng pananampalataya (Roma 10:10-17). Eksakto kung paano ang Espiritu Santo kumikilos sa pagkaunawa ng isang tao ay mananatiling isang misteryo (Juan 3:8; 6:44-45, 65). Subalit wala sa mga ito ang dapat mag-alis sa katotohanang kung mali tayo sa ating mensahe, ang tagapakinig ay mali rin sa kaniyang pananampalataya.

Pagbubuod

Tayo ay tinawag upang magbahagi ng ebanghelyo ng kaligtasan na nangangahulugang ibinabahagi natin ang persona, probisyon at pangako ni Jesucristo. Bakit tayo magbabahagi ng kulang sa iyan? Ibahagi man natin ito sa pinakasimpleng termino o sa pinakamalalim na paraan, ang Espiritu Santo ang magdadala ng pagkaunawa na magreresulta sa pananampalataya. Ipangaral natin ang ebanghelyo ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang at hayaan natin ang Diyos na gawin ang iba pa. Tunay na ito ay nangangailangan sa atin na maging malinaw sa pagpapahayag, gayundin ng marubdob na panalangin.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes