GraceNotes
   

   Magpakatatag sa Pagkatawag at Pagkahirang - 2 Pedro 1:10-11

Kaya mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo sapagkat kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man. Sapagkat sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang pasahe bang ito ay nagtuturo sa mga nagpapahayag na mananampalatayang patunayan na sila ay mga tunay na mananampalataya o ito ba ay nagtuturo sa mga mananampalatayang ipakita ang pananampalatayang taglay na nila? Ang nakataya sa una ay ang walang hanggang kaligtasan; sa ikalawa ay ang walang hanggang gantimpala. Ang isang maingat na obserbasyon ang sasagot sa tanong na ito.

Mga mahahalagang obserbasyon

  1. 1. Si Pedro ay kumbinsidong ang kaniyang mga mambabasa ay ligtas. Kahit sa pasaheng ito ay tinawag niya silang “mga kapatid” (cf. 1:1, 3, 4, 5-7, 8-9).
  2. 2. Walang indikasyon o impormasyon tungkol sa pag-aalinlangan sa kaligtasan ng mga mambabasa ang masusumpungang sa bahagi ng mga mambabasa o sa bahagi ni Pedro.
  3. 3. Kung si Pedro ay nagbabanggit ng masoberanya’t walang kundisyong paghirang ng Diyos para sa kaligtasan, walang magagawa ang mga mananampalataya upang baguhin o patunayan ito. Ito ay dineklara na sa nakaraang eternidad.
  4. 4. Kung si Pedro ay nagbabanggit ng pagpapatunay ng masoberanyang pagkahirang ng isang tao nang nakaraang eternidad sa pamamagitan ng gawa, ito ay magiging imposible. Wala siyang ibinigay na obhetibong pamantayan ng katanggap-tanggap na patunay. Ang mabubuting gawa at pamumunga ay hindi obhetibong masusukat dahil sila ay relatibo at nagbabago.
  5. 5. Kinikilala ni Pedro na ang mga mananampalataya ay maaaring mabaog, walang bunga at espirituwal na bulag (1:8-9) kaya ang gawi ay hindi makapatutunay ng kaligtasan o ng kawalan nito.
  6. 6. Ipinaliliwanag ni Pedro na binigay ng Diyos sa mga mananampalataya ang lahat ng kinakailangan para sa kabanalan (1:3-4), ngunit tungkulin ng mga mananampalatayang gamitin ang mga birtud na ito (1:5-7). Ang v9 ay ang negatibong konsekwensiya ng hindi pakikitulungan sa Diyos; ang v8 at 10-11 ang mga positibong konsekwensiya ng pakikitulungan sa Diyos.
  7. 7. Ginamit ni Pedro ang pang-uring “mangapanatag” (v10; bebaios mula sa bebaioo, ikumpirma, itatag) sa diwang pagbibigay ebidensiya sa iba na ang pananampalatayang kanilang inaangkin ay matatag. Hindi siya naghahanap sa mga mambabasa na patunayan ang pag-iral ng kanilang nagliligtas na pananampalataya sa kaniya o sa kanilang mga sarili. Ang nakikitang patotoo ng kanilang gawi ang magkukumpirma (ipakikitang maaasahan, balido o matatag; tingnan ang parehong salita at ang pormang pandiwang ginamit sa Mat 16:20; Roma 15:8; 2 Co 1:7; Heb 2:2-3; 6:19; 2 Ped 1:19) sa iba ng pananampalatayang inaangking taglay ng mga mambabasa (cf Roma 4:2; Juan 13:35; San 2:21-25).
  8. 8. Ang mga terminong “pagkatawag at pagkahirang” ay umaalingawngaw sa narinig ni Pedrong sinabi ni Jesus sa Mat 20:16 (Tekstong Majority) at 22:14 nang Kaniyang sinabing “Marami ang tinawag, ngunit iilan ang hinirang.” Si Pedro at si Mateo ay parehong gumamit ng kaugnay na mga salitang nangangahulugang “pinili.” Ngunit marami ang itataltal na ang masoberanyang nagliligtas na paghirang ay dapat mauna bago ang pagtawag (cf Roma 8:30). Ang salungatang pakasunod na ginamit ni Jesus at ni Pedro ay nagpapahiwatig na hindi nila tinatalakay ang walang hanggang kaligtasan. Ginamit ni Jesus ang pariralang ito sa dalawang parabula upang magkomento kung gaano karami ang inimbitahan sa trabaho o sa kasalan, ngunit iilan lamang ang nakakuha ng gantimpala ng buong bayad para sa kalahating araw ng trabaho at iilan lamang ang nakakuha ng espesyal na mga pribilehiyo sa handaan sa kasalan. Ipinahihiwatig ni Jesus na ang mga gantimpala ay nakalaan sa kaharian para sa iilang pili (cf Roma 8:17b; 2 Tim 2:12).
  9. 9. Ang konteksto ng pasaheng ito ay hindi ang walang hanggang kaligtasan kundi ang walang hanggang gantimpala. Tinutulungan ni Pedro ang mga mambabasa na maghanda para sa kanilang eternal na kinabukasan kung paanong pinaghahandaan niya rin ang sa kaniya (1:13-14). Alam niyang sila ay matatag sa katotohanan (1:12) ngunit gusto niyang sila ay manatiling matatag pa (3:11, 14, 17, 18). Maaari silang maghanda para sa eternidad ng mga gantimpala sa paggamit ng kapangyarihan ng Diyos na mamuhay nang maka-Diyos na pamumuhay (1:3-4) at pagdebelop ng maka-Diyos na mga birtud (1:5-7). Ang resulta ay hindi lamang na sila ay nakapasok sa kaharian ng Diyos kundi sila ay magtatamasa ng saganang pagpasok na “ipinamamahaging sagana.” Ang pasibong porma ng pandiwang epichoregeo (isuplay, ibigay) ay nagpapahiwatig na ang Diyos ang nagbigay ng gantimpalang ito. Alam ni Pablo na lahat niyang mambabasa ay papasok sa kaharian (kahit ang mga hindi namumunga), ngunit ang mga tapat ay magkakaroon ng masaganang pagpasok gaya ng matagumpay na atleta o mananakop na ipinagbubunyi at ginagantimpalaan sa kaniyang pag-uwi. Hindi lahat ng Cristiano ay magkakaroon ng pantay-pantay na gantimpala sa kaharian (cf 1 Co 3:11-15).

Pagbubuod

Hindi pinag-uusapan ni Pedro ang katotohanang ang kaniyang mambabasa ay papasok sa kaharian, kundi ang kalidad ng pagpasok na iyan. Lahat ng mananampalataya ay papasok sa kaharian, ngunit tanging ang mga tapat ang masaganang tatanggapin bilang isang espesyal na gantimpala. Kung ang pasaheng ito ay may intensiyong ang mga mambabasa ay patunayan ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa, ang resulta ay walang kabuluhang pagsisiyasat ng sarili at walang katapusang kawalan ng katiyakan sa kanilang kaligtasan dahil ang pagsusukat ng gawa ay isang gawaing subhetibo. Ngunit bilang isang aral na lumago sa katapatan dahil nakasisigurong ligtas, ang pasaheng ito ay paalala sa mga mananampalatayang sila ay dapat lumago sa pananampalataya at sa birtud. Kung pagagalakin natin ang Diyos sa ating paglago, gagantimpalaan Niya tayo nang masaganang pagpasok sa Kaniyang kaharian. Ang walang hanggang kaligtasan ay dumarating sa pananampalataya; ang walang hanggang gantimpala ay dumarating sa katapatan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes