GraceNotes
   

   Ang Kaligtasan Ng Mga Nakatiis Hanggang sa Katapusan sa Mateo 24:13

“Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.” Mateo 24:13

Ang pasaheng ito (tingnan din ang Mat 10:22; Marcos 1:13; cf Lukas 21:19) ay madalas ding ginagamit na italtal na tanging ang mga nagpapatuloy sa pananampalataya at mabubuting gawa hanggang sa wakas ng kanilang mga buhay ang tatanggap ng kaligtasan o ang may patunay na sila ay ligtas. Sa madaling salita, kapag ang isang nagpapakilalang Cristiano ay hindi nakatiis sa pananampalataya at mabubuting gawa, ito ay patunay na hindi sila talaga ligtas kailan pa man. Bagama’t ang interpretasiyong ito ay pinanghahawakan ng ibang mga Cristiano, ito ay sentral sa pananampalataya ng mga Reformed Calvinists na tinatawag na “Perseverance of the Saints” (Pagtitiis ng mga Banal) (Tingnan Ang Tala ng Biyaya 49, “Preserbasyon o Pagtitiis”)..

Lahat ng bagay ay dapat ayon sa konteksto

Ang pasaheng ito ay hindi mauunawaan hiwalay sa konteksto. Malinaw na si Mateo (at kahit si Marcos) ay nagsasalita tungkol sa mga kundisyon sa panahon ng Tribulasyon ng Israel (v21) sandali bago dumating si Cristo (Ang pagdating ni Cristo ay makikita din sa konteksto ng Mateo 10:22; tingnan ang 10:23). Dito, sinasagot ni Jesus ang tanong ng mga disipulo tungkol sa Kaniyang pagbabalik (v3-4) at ang mga tandang kasama nito. Sa panaon ng dakilang kalungkutan, ang mga Judio ay kamumuhian, at ang ilan ay papatayin ng ibang mga bansa (v9), ipagkakanulo ng mga kababayan (v10), lilinlangin ng mga huwad na propeta (v11) at makararanas ng kawalan ng pagsunod sa mga batas at kawalan ng pag-ibig (v12). Matapos ng v13, dinetaye ng propesiya ni Jesus ang aktuwal na paglalarawan ng Kaniyang pagbabalik (v14ff). Ito ay isang propesiyang may kaugnayan sa wakas ng panahon sa panahon ng Tribulasyon.

Wakas ng ano?

Na ang katapusan ng buhay ng isang tao ay hindi pinag-uusapan ay malinaw sa kung paano ang “wakas” ay ginamit sa buong pasahe. Simula sa tanong ng mga disipulo tungkol sa “wakas ng panahon” sa v3, nagbibigay si Jesus ng impormasiyon tungkol sa wakas na ito, na binabanggit ito sa v6 at v14. Tinutukoy ni Jesus ang wakas ng Tribulasyon na darating sa buong sanlibutan.

Bagama’t marami sa Israel ang mapapatay, ang mga makatitiis sa mga panganib na ito hanggan sa wakas ng Tribulasyon ay maliligtas mula sa kanilang mga kaaway, ang mga bansang namumuhi sa kanila. Ito ay isang simpleng okasyon kung saan ang “maliligtas” ay tumutukoy sa pagliligtas mula sa kapahamakan, hindi pagliligtas mula sa impiyerno. Sa katotohanan, ang impiyerno ay hindi nabanggit sa pasaheng ito at walang puwang dito. Ang “pagliligtas sa huling sandali” ng mga nalalabi ng Israel ni Jesucristo ay isang pangyayaring hinula sa Biblia (Zac 12:2-9; Rom 11:26). Kalaunan, sa tugon ni Jesus, sinabi Niyang kapag Siya ay dumating, “titipunin Niya ang mga banal” mula sa buong mundo, isang pantukoy sa Kaniyang piniling bansa, ang Israel, at ang kanilang pagliligtas sa wakas ng Tribulasyon.

Ang pagtitiis na pinag-uusapan sa v13 ay tumutukoy sa pagpapatuloy sa pananampalataya sa gitna ng matinding paghihirap at pag-uusig ng panahon (v10-12). Ang ilang mga Israelita ay magiging martiro (v9), ngunit ang mabubuhay hanggang sa wakas ay makikita ang maluwalhating “kaligtasan.” Hinayag ni Jesus na ang mga huling araw ay paiikliin at baka walang matirang buhay na makakikita ng pagliligtas na iyan (v22).

Mga problema sa doktrina ng pagtitiis

Ang pasaheng ito ay hindi dapat gamitin upang ituro ang doktrina ng Pagtitiis ng mga Banal.” Hindi lamang dahil sa pinagbabawal ito ng konteksto, ngunit ang doktrina mismo ay may problema. Samantalang sinasabi ng iba na ang mga nagpapahayag na Cristiano ay dapat makatiis upang patunayang sila ay tunay na ligtas, hindi naman nila aamining ang pagtitiis ay isang gawa na kailangan upang magtamo ng kaligtasan. Ito ay isang magulo’t balikong pagdadahilan sapagkat kung ang pagtitiis ay kailangan upang patunayan ang kaligtasan, kung ganuon ang pagtitiis ay kailangan upang magkaroon ng kaligtasan. Ang kaligtasan kung ganuon ay magiging pananampalataya na dinagdagan ng paggawa (pagtitiis) na sumasalungat sa kalikasan ng libreng biyaya ng Diyos.

Pagbubuod

Ang kasaysayan ng Israel ay kasaysayan ng biyaya ng Diyos. Sila ay pinili Niya upang maging espesiyal na bansa. Sa kabila ng patuloy na pagkakasala, iningatan sila ng Diyos sa buo nilang kasaysayan. Ililigtas din Niya sila sa hinaharap, hindi dahil karapat-dapat sila nito, kundi dahil Siya ay tapat sa kaniyang pangakong gawin ito. Ang Mateo 24:13 ay isang espesiyal na pangako tungkol sa nalalabi ng Israel sa huling araw na magpapatuloy sa pananampalataya sa gitna ng Dakilang Kapighatian at mabubuhay upang maranasan ang dakilang kaligtasang ito. Gaya ng Israel, tayo na naligtas sa biyaya ng Diyos ay pinanatiling ligtas ng biyaya, at sa huli’y maluluwalhati ng Kaniyang biyaya; hindi dahil sa tayo ay karapat-dapat kundi dahil sa ito ang pangako ng Diyos sa lahat ng nanampalataya (Juan 3:16; 5:24; Roma 8:29). Subalit, salungat sa Israel, ang mga Cristianong buhay ngayon ay hindi papasok sa dakilang kapighatian (1 Tes 4:13-18; 5:9).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes