GraceNotes
   

   Dapat Bang Gamitin ang Roma 6:23 sa Pagpapahayag ng Mabuting Balita?

Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang kilalang sitas na ito ay madalas gamitin kapag nagpapahayag ng ebanghelyo ipang ipakita na ang mga makasalanang hindi ligtas ay magbabayad sa kanilang kasalanan ng eternal na pagkahiwalay sa Diyos (kamatayan) at matatakasan nila ang kapalarang ito sa pamamagitan ng regalo ng buhay na walang hanggang ibinibigay ni Jesucristo. Ito ba ang tamang interpretasyon at aplikasyon ng sitas na ito?

Konteksto, konteksto, konteksto

Matapos matalakay ang inisyal na pag-aaring matuwid at ang mga benepisyo nito sa Roma 3-5, ang Roma 6 ay nagpatuloy sa pagtalakay ng Cristianong pamumuhay. Ang v23 ay ang konklusyon o buod ng mga naunang kaisipan sa 6:1-22. Ang kabanatang ito ay malinaw na sinulat sa mga mananampalataya na binautismuhan o ipinag-isang kalakip ni Cristo (6:3-5), na namatay kalakip ni Cristo, at ngayon ay buhay na kalakip Niya (6:6-11). Ang admonisyon sa mga mananampalatayang ito ay huwag paglingkuran ang kasalanan kundi ang Diyos, dahil sila ay wala sa kapangyarihan ng kasalanan kundi ng biyaya (6:12-14).

Sa v15 isang pagtutol sa imahinasyon ang itinaas kung ang pagkailalim sa biyaya ay maaaring humimok sa mga mananampalatayang magkasala. Samantalang ang 6:16-23 ay nagbigay ng posibilidad na ang mga mananampalataya ay maaaring piliin ang kasalanan, nagbigay rin ito ng mga dahilan kung bakit hindi dapat paglingkuran ng mga mananampalataya ang kasalanan. Sa madaling sabi, ang kasalanan ay nagreresulta sa kamatayan (6:16, 21), samantalang ang paglilingkod sa Diyos ay nagreresulta sa katuwiran (6:16) na nagreresulta sa kabanalan (6:19) na nagreresulta sa buhay na walang hanggan (6:22). Ang mga gawang nakatutugon sa pamantayan ng Diyos (katuwiran) ay naghihiwalay sa mga mananampalataya sa mas malapit na karanasan kasama Siya (kabanalan) at mas punong karanasan ng Kaniyang buhay na taglay na nila bilang isang regalo (buhay na walang hanggan). Mahirap takasan ang v23 bilang isang pagbubuod sa mga mananampalataya.

Aplikasyon sa mga mananampalataya

Dahil sa ang v23 ay isinulat sa mga mananampalataya, dapat nating maunawaan kung bakit sila sinabihang ang kasalanan ay nagreresulta sa kamatayan, o mas maigi, ang kasalanan ay nagbabayad (kabayaran) ng kamatayan. Sa liwanag ng ibang apirmasyon ng kanilang eternal na seguridad sa Roma, hindi ito nangangahulugang ang mga mananampalatayang nagkasala ay maiwawala ang kanilang kaligtasan at mahihiwalay sa Diyos sa impiyerno (cf 4:16; 8:18-39).

Biblikal at mahalagang maunawaan na ang kamatayan dito ay nasa diwa ng pagkahiwalay at hindi pagtigil sa pag-iral. Ang isang taong namatay pisikal ay hindi tumigil sa pag-iral; sila ay nahiwalay sa kanilang katawan sa lupa. Sa espirituwal na antas, ang kamatayan para sa mga hindi mananampalataya ay nangangahulugan ng pagkahiwalay nila sa buhay ng Diyos ngayon at may posibilidad na magpakailan pa man. Halimbawa, si Adan ay sinabihang sa araw na siya ay kumain mula sa pinagbabawal na puno siya ay mamamatay (Gen 2:17). Nang kumain siya, siya nga ay namatay, ngunit hindi siya namatay pisikal o tumigil sa pag-iral. Namatay siya espirituwal sa diwang siya ay nahiwalay sa walang hanggang buhay ng Diyos sa kaniyang pangkasalukuyang karanasan at may posibilidad na magpakailan pa man.

Ang kamatayan para sa mga mananampalataya ay ang pagkahiwalay sa mga benepisyo ng buhay ng Diyos sa kanilang pangkasalukuyang karanasan. Ang mga mananampalataya ay may buhay na walang hanggan bilang pangkasalukuyang pag-aari at bilang pangako sa hinaharap. Hindi sila mahihiwalay sa pag-aari ng buhay na walang hanggan sa kasalukuyan o sa hinaharap, ngunit maaari silang mahiwalay sa karanasan ng mga benepisyo nito (hal kapayapaan, kasiyahan, kapangyarihan sa kasalanan,

atbp). Kapag ang mananampalataya ay nagkakasala, sila ay namumuhay sa kaparehong uri ng karanasang nililikha ng kasalanan nang sila ay hindi pa ligtas (6:19-21), ang karanasan ng kahihiyan at espirituwal na kamatayan.

Bagama’t ang insiyal na pag-aari ng buhay na walang hanggan ay dumarating sa sandali ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo (3:24; 5:18), ang kasiyahan o nagpapatuloy na karanasan ng buhay na ito ay bunga ng maka-Diyos na pamumuhay. Ang buhay na walang hanggan ay minsang inilalarawan bilang relasyon sa Diyos (Juan 17:3). Si Jesucristo, na nabuhay tayong kasama Niya, ang nagbigay sa ating nanampalataya ng libreng regalo ng Kaniyang buhay at ang buhay na iyan ay nahahayag sa ating habang tayo ay namumuhay para sa Kaniya.

Aplikasyon sa mga hindi mananampalataya

Ang matapat na interpretasyon ng sitas na ito sa kaniyang konteksto ay kinikilalang ito ay sinulat sa mga mananampalataya upang turuan silang huwag maglingkod sa kasalanan kundi sa Diyos. Ngunit mayroon din bang itong aplikasyon para sa mga hindi mananampalataya?

Bagama’t binubuod nito ang isang argumento sa mga mananampalataya, ang v23 ay ipinahayag bilang isang pangkalahatang prinsipyo na mailalapat sa lahat ng tao, ligtas man o hindi. Ang sitas ay lumalapat sa hindi mananampalataya sa diwang sila, sa kanilang kasalanan, ay patay sa Diyos. Ang solusyon sa kanilang pagkahiwalay sa Diyos ay ang libreng regalo ng buhay na walang hanggan na dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo (cf 3:22-26). Parehong maaaring makaranas ng kamatayan ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya, at ang tanging solusyon sa pareho ay ang libreng regalo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Pagbubuod

Bagama’t ang 6:23 ay sinulat espisipiko sa mga mananampalataya bilang isang konklusyon para sa isang argumentong dapat silang mamuhay para sa Diyos at hindi sa kasalanan, ang nagbubuod na prinsipyo ay inihayag ng may sapat na lawak upang mabigyang impormasyon ang mga hindi mananampalatayang nasa kanilang kasalanan na ang tangi nilang maaasahan ay ganap na pagkahiwalay sa Diyos parehong posisyunal at eksperyensiyal ngayon at magpakailan pa man. Maaari itong epektibong gamitin sa pagpapahayag ng ebanghelyo upang ipakita ang konsekwensiya ng hindi pananampalataya kay Cristo. Subalit, hindi dapat isawalang pansin ng mga mananampalataya ang pangunahing layon ng pahayag, na sila ay kilusing maglingkod sa Diyos at hindi sa kasalanan. Ang mga mananampalataya ay binigyan ng kahanga-hangang regalo ng buhay ng Diyos na kanila lamang matatamasa habang sila ay namumuhay para sa Kaniya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes