GraceNotes
   

   Ang Nagkakaisang Mensahe ng Biblia



Ang Biblia ba ay isang aklat o marami? Maraming bagay ang nagpapakita ng pagkakaiba ng Biblia ngunit ano ang nagbibigkis nito sa iisang aklat? Kung ito ay iisang aklat, inaasahan nating mayroon itong kwentong nagbibigkis o mensahe na kahawig ng kwento ng isang nobela. Kalimitan ang mga kwento ng Biblia ay inihiwalay sa pangkalahatang mensahe ng Biblia. Kung alam natin kung ano ang pangunahing mensahe, mas mauunawaan natin ang mga bahagi ng Biblia.

Ang Pagkakaiba-iba ng Biblia

Mayroong 66 na aklat sa Biblia na nasulat sa loob ng 1600 taon ng mahigit 40 iba’t ibang manunulat. Ang mga manunulat na ito ay may iba’t ibang nakalipas (e. g. propeta, pari, hari, mangingisda). Sumulat sila ng iba’t ibang uri ng literatura (e. g. batas, salaysay, tula, personal na liham) mula sa iba’t ibang lugar (e. g. Israel, Babylonia, Persia) sa iba’t ibang tagapakinig (e. g. Ninevita, Judeong Palestino, nangalat na Judeo, Romano Cristiyano) at may iba’t ibang damdamin (e. g. kalungkulatan, kasiyahan, pagsamba, galit, pag-ibig).

Ang Pagkakaisa ng Biblia

Ngunit ang 66 na aklat ng Biblia ay nilagay sa isang pabalat na nag-aangking mayroong isang May-akda, ang Diyos. Ano ang kanilang iisang mensahe bilang isang aklat? Iba’t ibang mungkahi ang ibinigay para sa pangunahing mensahe ng Biblia, o ang kaniyang “sentro”. Ang iba ay nagmumungkahi na ito ay ang Diyos, ang kaluwalhatian ng Diyos o ang kaligtasan. Ang iba ay nagsasabi na si Jesucristo ang nagbibigkis na tema.

Upang maging maikli ngunit kumpleto, at nakatutulong, ang pangunahing mensahe ng Biblia ay dapat maihayag sa iisang pangungusap. Hindi kumpleto o nakatutulong na sabihing ang Biblia ay patungkol sa Diyos, o kay Jesucristo, o sa kaligtasan, kung paanong hindi sapat sabihing ang Moby Dick ay tungkol sa isang balyena, o sa dagat o sa paghihiganti.

Ang Nagbibigkis na Mensahe

Ito ang minumungkahing mensahe ng Biblia sa iisang pangungusap:
Ang Diyos ay kumikilos upang muling itatag ang Kaniyang paghahari sa nilalang sa pamamagitan ng tao sa katauhan ng Darating na Hari at Kaniyang kaharian.

Pansinin ang maingat na pagpili ng mga salita. Una, kinikilala natin na ang Biblia ay tungkol sa Diyos. Siya ang pangunahing tauhan sa likod ng literatura at pagkilos sa Biblia. Ngunit ang Diyos ay aktibong kumikilos sa paggawa ng ilang bagay. Muli Niyang itinatatag ang Kaniyang paghahari sa Kaniyang nilalang. Ang paghaharing ito ay unang ipinagkatiwala sa sangkatauhan sa paglalang. Ang sabi ng Diyos, “Lumikha Tayo ng tao sa Ating wangis” (Gen 1:26). Ang orihinal na porma ng Hebreo ay nagbibigay-katuwiran sa saling “Lumikha Tayo ng tao bilang Ating wangis.” Sa madaling salita, ang tao ay ang kinatawan ng Diyos sa buong kaharian ng nilalang, o ang kasamang hari ng Diyos na maghahari sa Kaniyang lugar.

Marami ang nasulat kung ano ang ibig sabihin ng ginawa “sa (bilang) wangis ng Diyos.” Kapag hinayaan natin ang konteksto na magsalita para sa kaniyang sarili, matatagpuan natin ang komon na ideyang inuulit ulit. Ang tao ay maghahari o magkakaroon ng dominyon sa lahat ng nilalang (Gen 1:26-28). Sa paghahari, ang tao ay tila Diyos.

Ngunit nawala ng tao ang kaniyang kakayahan at moral na awtoridad nang magkasala laban sa Diyos sa Hardin ng Eden. Nawala niya ang karapatang maghari bilang kinatawan ng Diyos sa sanlibutan. Ang paghahari kapwa ng Diyos at ng tao ay inagaw ng kaaway, ang diablo. Bagama’t nanatili sa Diyos ang makapangyayaring kontrol, si Satanas ay may kapangyarihan sa sanlibutan. Tinawag siyang “hari ng panahong ito” (2 Cor 4:4). Ang sabi ng 1 Jn 5:19, “ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.” Bilang patunay ng kaniyang kapangyarihan at kontrol, inalok ni Satanas ang lahat ng kaharian ng sanlibutan kay Jesucristo kung si Jesus ay sasamba sa kaniya (Mateo 4:8-9).

Kaya ang layunin ng Diyos ay napigil ni Satanas. Pinapatungkol ang Diyos, ang sabi ng salmista,
Gayunma’y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
At pinutungan mo Siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan mo Siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
Sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay Mo ang lahat ng mga bagay (Mga Awit 8:5-6).

Upang matupad ang layuning ito para sa tao, kailangang kumilos ang Diyos upang muling itatag ang paghahari Niya sa kaharian ng sanlibutan ngunit ito ay sa pamamagitan ng tao, at hindi hiwalay sa kaniya. Upang magawa ang nabigong gawin ng unang tao, si Adan, ang Diyos ay nagpadala ng Ikalawang Adan, si Jesucristo. Upang maipakita ang Kaniyang pagbibilang sa tao sa Kaniyang misyon, pinili ni Jesus na tawagin ang Kaniyang Sariling “Anak ng Tao.”

Bilang parehong Diyos at tao, sinakop ni Jesus si Satanas. Sa Kaniyang unang pagdating si Jesus, sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan, ay winasak ang espiritwal na kapangyarihan ni Satanas sa sangkatauhan (Heb 2:14). Sa Kaniyang ikalawang pagdating, wawasakin din ni Jesus ang pisikal na kapangyarihan ni Satanas sa sanlibutan at muling itatag ang Kaniyang Sariling Kaharian (Pah 20:1-10). Ang Sangkatauhan, sa pamamagitan ni Jesus, ay muling maghahari sa sangkalalangan gaya ng nilayon ng Diyos.

Ang Kwento ng Biblia

Ang mensahe ng Biblia ay nahayag sa isang kwento, gaya ng kwento ng isang nobela. Ang sigalot na ipinakilala sa Genesis ay tatapusin sa Pahayag.

Ang plano ng Diyos na muling itatag ang paghahari ng Diyos ay inihayag sa sandaling ang paghahari ay nawala. Sinabi ng Diyos kay Satanas na siya ay wawasakin ng binhi ng babae (Gen 3:15). Ipinakita ng Genesis kung paanong ang Diyos ay pumili ng isang lahi (mga anak ni Abraham) na Kaniyang nilimitahan sa isang bansa (Israel) na mula rito ay pumili Siya ng isang tribo (Judah) na pagmumulan ng Hari (Gen 49:10). Ang planong ito ay siniguro sa pamamagitan ng serye ng tipan kay Abraham (upang magdala ng mga pagpapala sa sanlibutan), kay David (upang magdala ng Hari), at sa Israel (upang magdala ng Bagong Tipan kabilang na ang kapatawaran, bagong puso, at paninirahan ng Espiritu Santo). Samantala, binigay ng Diyos ang tipan ng kautusan sa Israel sa pamamagitan ni Moises upang itatag sila bilang isang bansa, upang tulungan silang matamasa ang buhay sa ilalim ng tipan kay Abraham, at upang pangunahan sila sa pananampalataya sa darating na Hari. Ang bawat aklat ng Lumang Tipan ay nagdadagdag sa kwento ng muling pagtatatag ng Diyos ng Kaniyang paghahari sa pamamagitan ng darating na Hari.

Pinapakita ng Bagong Tipan si Jesus bilang Hari. Sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan at pagkabuhay na maguli winasak ni Jesus ang espiritwal na kontrol ni Satanas sa sangkatauhan. Ang Kaniyang mga mirakulo ay nagbibigay patunay sa Kaniyang awtoridad at nagpapakita sa atin ng mga kundisyon ng kaharian. Ngunit si Jesus ay tinakwil at ipinako sa krus. Ngayon tayo’y naghihintay sa pagbabalik ni Cristo upang lubusang tapusin si Satanas at magtatag ng Kaniyang kaharian kung saan tayo ay muling maghahari sa pamamagitan Niya.

Pagbubuod

Bagama’t hindi madali, ang gawain ng isang estudyante ng Biblia ay ipakita kung paano ang bawat bahagi ay lumalapat sa kabuuan. Ang bawat aklat at kwento ng Biblia ay may ibinibigay na bahagi sa nagbibigkis na mensahe. Kung ating ihihiwalay ang mga kwento mula sa mensaheng ito, nagtuturo tayo nang wala sa konteksto. Sa punto na ginagawa natin ito, ninanakawan natin ang tao ng kaniyang maluwalhating pag-asa ng ating tadhana bilang tao ng Diyos.

Sa kahulihulihan, ang mensahe ng Biblia ay nakabase sa biyaya ng Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan. Sinimulan ng Diyos ang Kaniyang programa ng mga pagpapala para sa mga hindi karapat-dapat , na masuwayin, na pumatay sa Kaniyang Bugtong na Anak, at laging hindi nakaaabot sa Kaniyang mga pamantayan. Ang programa at mga pangako ng Diyos ay hindi matutupad ng ating katapatan kundi ng Kaniyang katapatan. Iyan ay biyaya.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes