GraceNotes
   

   Ang Kinalimutang Hukuman ni Cristo



Hindi pinansin. Pinabayaan. Kinalimutan. Ang mga salitang ito ang naglalarawan kung paano tratuhin ng marami ang doktrina ng Hukuman ni Cristo (Judgment Seat of Christ, JSOC). ang JSOC (bēma sa Griyego) ay isang paghuhukom para lamang sa mga Cristiano, kung saan ang buhay ng bawat Cristiano ay sinusuri at ang mga gantimpala ay binibigay ayon sa mga gawa, katapatan at motibo (tingnan ang GraceNotes no. 68, “Comparing the Two Coming Judgments”). Sa pangkalahatan, sang-ayon ang lahat na ito ay magaganap matapos nag rapture at bago ang kaharian sa milenyo.

Hindi pansin sa teolohiya

Ang ilang mga sistemang teolohikal ay nagtuturo lamang ng isang pangkalahatang paghuhukom sa katapusan ng panahon, kung saan madedetermina kung sino ang ligtas o hindi. Ang mga tagapataguyod ng amilenialismo at postmilenialismo ay tinatanggi ang literal na isanlibong taong kaharian. Pinag-iisa nila ang mga reperensiya ng Bagong Tipan tungkol sa JSOC sa katapusan ng panahon ng simbahan sa mga reperensiya sa Paghuhukom sa Dakilang Puting Luklukan sa katapusan ng kaharian sa milenyo. Dahil sa ang parehong paghuhukom ay nakapokus sa mga gawa ng isang tao, sa interpretasyong ito ang mga gawa ay isang mahalagang kriteryon sa tunay na nagliligtas na pananampalataya. Dalawang beses na sinabi ni Pahayag 20:11-15 na sa Dakilang Puting Luklukan, ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, na nagdedetermina kung sila ay nasa Aklat ng Buhay, at kung hindi ay itatapon sa Lawa ng Apoy. Sa pananaw na ito, ang kaligtasan ay gantimpala sa pananampalataya ng isang tao kay Cristo. Ngunit ang kaligtasan ay sa biyaya (isang libreng kaloob), at kailan man ay hindi tinawag na gantimpala sa Bagong Tipan. Ang mga nag-iinterpreta ng Kasulatan sa paraang literal, gramatikal, historikal at kontekstuwal ay dumarating sa pananaw na teolohiyang premilenyal na hinihiwalay ang pagbalik ni Cristo para sa Kaniyang Simbahan (ang rapture) mula sa Ikalawang Pagbabalik ni Cristo sa buong mundo. Ang pagsusuri sa mga gantimpala, hindi para sa kaligtasan, ay gagawin pagkatapos ng rapture sa JSOC, bago ang isang libong taong kaharian.

Pinababayaan sa homilitika

Hindi bihirang makasumpong ng mga simbahan at mga pinuno nito, na naniniwala sa doktrina ng JSOC ngunit kulang sa pagtuturo nito. Mayroon ding mga simbahan at mga pinuno nito na naghahawak sa malabong pagkaunawa ng JSOC, na siyang pumipigil sa kanilang ituro ang isyu. Ang pagtuturo tungkol sa Bema ay tila napababayaan sa napakaraming serye ng mga sermon, pag-aaral ng Biblia, sa mga pag-aaral ng maliliit na grupo at sa mga literatura tungkol sa Cristianong pamumuhay. Marahil ang isang surbey ng mga mananampalataya sa pretibulasyonal na premileniyalismo ay magpapakitang bihira nilang marinig ang turong ito. Ngunit ito ay isang nagpapatuloy na tema na makikita sa lahat ng mga tur oni Jesus at ng mga apostol mula sa Mateo (5:12) hanggang sa Pahayag (22:12), at eksplisit at implisit na nagbabanggit ng mga gantimpala. Madalas itong mabanggit dahil ito ay isang pangunahing motibasyon sa maka-Diyos na pamumuhay. Iisipin ng isa na ang ganitong empasis sa Bagong Tipan ay magiging empasis din sa pagtuturo at pangangaral ng simbahan ngayon. Ang mahalaga kay Jesus at sa mga apostol ay dapat maging mahalaga sa atin sa ating paghahanap at pagtuturo ng mga alagad ni Jesucristo (Mat 28:19-20; 2 Tim 2:2).

Kinalimutan sa Praktis

Ang nakalulungkot, maraming mananampalataya kay Cristo ay nabubuhay na tila baga walang pagsusulit sa hinaharap patungkol sa kanilang pamumuhay, kilos, mga salita at mga motibo:

  • Ang bawat mananampalataya sa panahon ng simbahan ay haharap sa JSOC (Rom. 14:10; 2 Cor. 5:10)
  • Bawat mananampalataya ay magbibigay-sulit sa Panginoon para sa kanilang pag-uugali, mga salita at motibo (Rom. 14:10; 2 Cor. 5:10, kung saan ang salitang “masama,” phaulos, ay hindi tumutukoy sa moral na kasamaan, kundi may kahulugang mababang kalidad, moral na hindi ayon sa pamantayan, walang halaga, walang pakinabang, bagama’t maaaring kasama ang masamang gawi.).
  • Ang lahat sa buhay ng isang tao ay mahahayag sa personang iyan at sa Panginoon (1 Cor. 4:5; 2 Cor. 5:10, kung saan ang salitang “mahayag,” ay mula sa Griyegong phaneraō, na nangangahulugang mahayag, ma-expose).).
  • Ang kahatulan ng Diyos susuri sa kalidad ng buhay ng isang tao bilang Cristiano (1 Cor. 3:13; 4:5).
  • Ang mga nasumpungang ang pananampalataya at mga gawa ay karapat-dapat sa Panginoon ay tatanggap ng gantimpala ayon sa mga ito (1 Cor. 3:14; Col. 3:23-24).
  • Ang mga nasumpungang ang pananampalataya at mga gawa ay hindi karapat-dapat sa Panginoon ay hindi tatanggap ng gawa ayon sa mga ito (1 Cor. 3:15; 9:27; Col. 3:25).
Para malinaw, ang lahat ng nanampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay hindi kokondenahin kailan pa man dahil sa kanilang mga kasalanan at sila ay papasok sa langit at sa kaharian. Subalit, malinaw ding may ilang magkakaroon ng kalungkutan, pagsisisi at kahihiyan kapag bumalik si Jesus at humatol sa bēma (1 Juan 2:28; Santiago 2:12-13 na nagbabanggit ng hatol na walang awa; ang iba ay nakikita ang negatibong konsekwensiya sa bēma sa ilang parabula: Mat. 18:34-35; 22:13; 24:50-51; 25:30). Walang ebidensiyang ang mga negatibong emosyong ito ay magpapatuloy pagkatapos ng JSOC sa kaharian bagamat ang pagkawala ng gantimapala, pribilehiyo at ng malaking kapasidad upang maranasan ang Diyos ay makakaapekto sa eternal na karanasan ng mananampalataya. Bagama’t permanente ang pagkawala ng gantimpala, ang pagdurusa dahil dito ay pansamantala (Pah. 21:4). Maikukumpara natin ito sa mga nagtapos sa paaralan. Ang iba ay masayang nakatapos, ang iba naman ay magtatapos na may kapurihan ayon sa kanilang pagpapagal, at ang kapurihang iyan ay susunod sa kanila buong buhay nila. Ang iba ay magtatapos lamang at may pagsisisi na hindi sila nag-aral nang husto upang makakuha ng papuri.

Pagbubuod

Dahil malinaw na tinuro sa Kasulatan na ang lahat ng mananampalataya kay Cristo ay haharap sa bēma upang magbigay-sulit kung paano nila isinabuhay ang kanilang buhay kay Cristo, bawat mananampalataya ay dapat na magbigay ng atensiyon sa katotohanang ito sa bawat sandali ng kanilang buhay. Ang ating maikling buhay ay maaaring magtipon ng kayamanan sa buong eternidad o maaaring maiwala ang mga ito magpakailan man. May espesyal na gantimpala para sa mga mananampalatayang nag-aabang nang may pagmamahal sa pagbabalik ni Cristo, sa halip na lumalayo rito (1 Tim 4:8). Ang mga nagpapahalaga sa pag-ibig at libreng biyaya ng Diyos na nagligtas sa kanila ay mamumuhay nang buhay na nakapupuri sa Kaniya at tatanggap ng Kaniyang biyaya at papuri bilang eternal na gantimpala sa Hukuman ni Cristo. Ang katotohanang ito ay hindi dapat balewalain, pabayaan o kalimutan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes