GraceNotes
   

   Ano ang 'Kasalanang Ikamamatay'?



Dalawang pasahe sa Bagong Tipan ang binabanggit ang isang kasalanang nagdadala sa kamatayan, na madalas tinatawag na “kasalanang ikamamatay.”

“Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman; Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan.” Santiago 5:19-20

“Kung makita ng sinoman na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya. Lahat ng kalikuan ay kasalanan: at may kasalanang hindi ikamamatay.” 1 Juan 5:16-17

Katotohanang karaniwan sa parehong pasahe

  • Sa parehong pasahe, malinaw sa konteksto at wikang ang mga may-akda ay kinakausap ang mga mananampalataya tungkol sa kasalanan ng ibang mga mananampalataya. Tinawag ni Santiago ang mga mambabasa bilang “Mga kapatid ko” at ang nagkakasala ay tinutukoy bilang kabilang “sa inyo” na “nalilihis sa katotohanan.” Sa I Juan, ang mambabasa at ang nagkasala ay mga Cristianong kapatid.
  • Sa parehong pasahe, mayroong isang espesyal na kategorya para sa kasalanang ito na nagdadala sa kamatayan.
  • Sa parehong pasahe, inaalok ng may-akda ang posibilidad na maligtas ang makasalanan mula sa kamatayan.

Ang kahulugan ng kamatayan

Ang apat na interpretasyon ito ng “kamatayan” ang pinakakaraniwan:

  1. Pagkawala ng kaligtasan. Walang suporta para rito sa teolohiya o sa mga konteksto. Sa kabila ng pagbanggit sa mga kasalanan ng mga mananampalataya sa parehong epistula, hindi sila binalaang mawawalan ng kaligtasan (Tingnan ang Mga Tala ng Biyaya Blg. 2, 24, 37, 59, 60). Sa mga kaugnay na konteksto, hinihimok ni Santiago ang pagpahayag ng kasalanan at panalangin para sa mga nangangailangan, lalo na para sa mga maaaring may sakit dahil sa kasalanan (Santiago 5:13-18) at sinisiguro ni Juan sa kaniyang mga mambabasang mayroon silang buhay na walang hanggan (1 Juan 5:11-13), isang buhay na hindi maaaring maiwala (Juan 5:24; 11:25).
  2. Namatay na pakikisama sa Diyos. Bagaman ang kamatayan ay minsang tumutukoy sa patay na karanasang dulot ng kasalanan (Rom. 6:23; 8:6; 1 Tim. 5:6), hindi ito akma sa mga konteksto ng mga pasaheng ito.
  3. Ang walang kapatawarang kasalanan. Ito ay nagpapalagay na ang makasalanan ay nasa proseso ng tahasang pagtakwil sa biyaya ng Diyos kay Jesucristo, na siyang walang kapatawarang kasalanan ng mga pinuno ng Israel (Mat. 12:31-32; Marcos 3:28-29; tingnan ang Mga Tala ng Biyaya Blg. 16). Nagbabala si Juan tungkol sa mga anticristong malinaw na mga hindi ligtas na huwad na gurong umalis sa komunidad ng mga mananampalataya (1 Juan 2:17-19). Ang ilan ay iniisip na siya ay nagbababala sa mga nagsisimula nang sumunod sa kanila, ngunit ang paralelismo ay nasisira dahil ang nalilihis na makasalanan ay isang taong ligtas na.
  4. Pisikal na kamatayan. Ang pananaw na ito ang may pinakamalakas na suporta. Ipinaliwanag ni Santiago kung paano ang tukso ay maaaring humantong sa kasalanang nagiging pisikal na kamatayan (Santiago 1:13-15). Sa agarang konteksto, ikinakabit ni Santiago ang kasalanan sa pisikal na karamdaman at ang kahalagahan ng panalangin para sa paggaling (Santiago 5:13-18), bagamat ang makasalanang itong nasa panganib ng kamatayan ay maaaring wala naman sakit. Nagbababala si Juan sa mga mananampalataya tungkol sa mga hindi ligtas na anticristong tumatangging si Jesus ang Cristo (1 Juan 2:18-23), isang seryosong kasalanang maaaring magdulot ng maagang pisikal na kamatayan. Maraming halimbawa sa Biblia ng pisikal na kamatayang dulot ng kasalanan (Bilang 16; 1 Sam. 2:22-25; 4:11; Ezek. 33:11, Gawa 5:1-10; 1 Cor. 11:29-30). Ang kasalanang nagreresulta sa kamatayan ay bahagi ng Kautusan ni Moises (Bilang 18:3; Lev 20:1-27) at itinuturo din sa Kawikaan (Kaw 10:2; 11:4, 19; 12:28).

Ang kasalanang nagdadala sa kamatayan

Bagaman walang tiyak na kasalanang binanggit, malinaw itong makikilala ng mga mambabasa ng bawat epistula. Kung ang mga kasalanan at kamatayan nina Ananias at Safira at ng mga mananampalataya sa Corinto ay mga halimbawa, ang kanilang mga kasalanan ay nakasira sa pagkakaisa at pagkakasundo ng simbahan, isang seryosong isyu. Si Santiago ay nagsasalita tungkol sa isang mananampalatayang “nalilihis sa katotohanan” sa isang landas patungo sa kamatayan. Ang kaniyang epistula ay nagbabanggit ng maraming utos na dapat sundin. Ang kasalanan sa kaniyang babala ay maaaring hindi isang tiyak na kasalanan kundi isang pangkalahatang saloobin ng patuloy na pagsuway. Sa kaniyang epistula, binanggit din ni Juan ang iba't ibang kasalanan, ang pinakaseryoso ay ang pagtangging si Jesus ang Cristo (1 Juan 2:22-23). Inapirma niyang ang lahat ng kawalang-katuwiran ay kasalanan, ngunit hindi lahat ng kasalanan ay nagdudulot ng maagang kamatayan. Kung si Juan at ang kaniyang mga mambabasa ay may iniisip na isang seryosong kasalanang karapat-dapat sa kamatayan, malamang ito ay ang pagtanggi kay Jesus bilang ang Cristo (ihambing ang seryosong kasalanang itong inulit sa 2 Juan 9-11). Lumalabas na kung nais ng Diyos na malaman natin ang isang tiyak na kasalanang nagdudulot ng maagang kamatayan, ipaaalam sana Niya ito. Ang bawat may-akda ay nagpapalagay na kayang matukoy ng kanilang mga mambabasa ang kasalanang maaaring magresulta sa disiplinang, maagang pisikal na kamatayan mula sa Diyos.

Ang pag-asa para sa mga makasalanan sa daan patungo sa kamatayan

Tiniyak ni Santiago sa kaniyang mga mambabasang mayroong isang tao sa simbahang makapagbabago sa landas ng makasalanan patungo sa kamatayan. Ang kaniyang naunang konteksto ay nagpapahiwatig na ang panalangin ay may epekto, lalo na ang “mabisang, maningas na panalangin ng isang taong matuwid” na “may malaking nagagawa” (Santiago 5:16). Bago ang kaniyang pagtalakay sa kasalanang nagdudulot ng kamatayan, tiniyak ni Juan sa kaniyang mga mambabasang ang mga panalangin nila ayon sa kalooban ng Diyos ay sasagutin (1 Juan 5:14-15), at pinahayag niyang hindi lahat ng kasalanan ay nagdudulot ng kamatayan (1 Juan 5:16-17). Hindi niya ipinagbabawal ang panalangin para sa isang ang kasalanan ay nagdadala sa kamatayan ngunit hindi rin niya ito hinihikayat, na magiging makatuwiran kung ang kasalanan ay may kaugnayan sa kamalian ng mga anticristo.

Pagbubuod

Ang dalawang talatang ito ay nagpapakita ng kaseryosohan ng kasalanan at nagpaaalala sa ating maaaring disiplinahin nang may kabagsikan ng Diyos ang mga mananampalataya dahil sa ilang kasalanan, kahit ang pagkuha ng kanilang pisikal na buhay. Ang matinding disiplinang ito ay ayon sa pag-ibig at biyaya ng Diyos sa iba't ibang paraan. Una, mahal ng Diyos ang Kaniyang simbahan at may sapat na paninibugho para sa kalinisan nito upang protektahan ito mula sa mga nais sumira rito. Pangalawa, ang maagang pagkamatay ng isang mananampalataya ay dapat mag-impluwensya sa ibang huwag magkasala, hanggang sa matakot na magkasala (Gawa 5:11). Pangatlo, sa pamamagitan ng isang maagang kamatayan, maaaring pinapangalagaan ng Diyos ang patotoo ng mananampalataya at ang mga gantimpalang maaaring nakuha niya. Panghuli, sinasabi sa Santiago 5:20 na kapag may nagbalik-loob sa isang makasalanan mula sa kaniyang kamalian, hindi lamang niya ililigtas ang kaniyang buhay kundi “tatakpan din ang maraming kasalanan.” Maaaring ito ay tumutukoy sa mga kasalanan ng taong nasa landas ng kamatayan o sa mga kasalanan ng taong nagligtas sa kaniya, ngunit alinman sa dalawa, ipinapakita nito ang mabiyayang kagustuhan ng Diyos na itigil ang patuloy na disiplina, o gantimpalaan ang tapat na mananampalatayang tumutulong sa kaniyang kapatid. Minsan ang biyaya ng Diyos ay maaaring magpakita sa mabagsik na disiplina, ngunit Siya ay palaging handang ibalik ang isang makasalanan (Heb. 12:1-11; 1 Pedro 4:8).


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes