GraceNotes
   

   Pananampalataya at mga Gawa sa James 2:14



Ang pasahe bang ito mula sa Santiago ay nagtuturo na ang mga gawa ay isang kinakailangang bahagi sa kaligtasan? Marami ang sasagot na hindi sinasabi ni Santiago na ang mga gawa ay kinakailangang hinihingi sa kaligtasan ngunit isang kinakailangang resulta ng kaligtasan. May mga tututol na ginagawa pa rin nitong nakabatay ang kaligtasan sa mga gawa. Paano ba maipagkakasundo ang pasaheng ito sa kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya na tinuturo ni Pablo sa Roma 3-5 at Efeso 2? Ilang pagmamasid ang sumusunod:

  1. Mayroong lahat na indikasyon na ang mga mambabasa ay mga Kristiyano. Sila ay ipinanganak mula sa itaas (1:18), mayroong pananampalataya kay Kristo (2:1), at tinawag na mga kapatid (1:2, 19; 2:1, 14; 3:1; 4:11; 5:7, 10, 12, 19).
  2. Ang sinasapantahang “sinoman” sa 2:14 ay kinilalang “isa sa inyo” sa 2:16. Ipinalalagay ni Santiago na may mga indibidwal sa kaniyang mga Kristiyanong mambabasa na mayroong pananampalataya na walang mga gawa.
  3. Ang konteksto ay nasasaklungan ng paksa ng paghuhukom (2:13; 3:1). Ang tanging paghuhukom ng mga Kristiyano ay ang Hukuman ni Kristo, na nakasalig sa mga gawa o kawalan ng mga gawa ng mananampalataya (1 Cor 3:13; 2 Cor 5:10). Ito ay lumalapat nang husto sa alalahanin ni Santiago.
  4. Ang salitang “ligtas” ay madalas gamitin sa mga Kristiyanong naligtas mula sa ilang hindi kanais-nais na kapalaran (1 Cor 5:5). Ginamit ito ni Santiago na pantukoy sa isang Kristiyanong naligtas mula sa hindi kanais-nais na kapalaran mula sa Hukuman ni Kristo gaya nang pagkasunog ng kaniyang mga gawa (1 Cor 3:12-15), at pagkawala ng kaniyang gantimpala (2 Juan 7-8). Samakatuwid ang kapakinabangan na binabanggit ni Santiago ay hindi kaligtasan, ngunit ang mga kapakinabangan na natipon sa buhay na ito at sa susunod.
  5. Hindi inaalala ni Santiago ang katunayan ng pananampalataya ng kaniyang mga mambabasa, kundi ang kalidad (1:3,6; 2:1; 5:15) at kapakinabangan (1:12, 26; 2:14, 16, 20 [NASB]) ng kanilang pananampalataya. Hindi sinasabi ni Santiago na ang pananampalataya ay maghahayag ng kaniyang sarili sa mga gawa, kundi kung walang mga gawa, ang pananampalataya ay walang silbi o walang kapakinabangan sa buhay na ito at sa susunod. Ang pangunahing alalahanin ni Santiago ay ang kaniyang mga mambabasa ay maging mga “tagatupad ng salita” (1:22) na kapareho ng pagiging “tagatupad na gumagawa” na “pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa” (1:25). Halimbawa, ang pananampalataya na nagtitiis sa mga pagsubok ay nagkakamit ng gantimpala mula sa Diyos (1:3-12); ang pananampalataya na mahabagin sa iba ay tatanggap ng kahabagan ng Diyos sa hukuman ni Kristo (2:8-13). Ngunit ang pananampalatayang hindi gumagawa ay “walang silbi” sa mga pagpapalang ito at “walang silbi” sa pagtulong sa iba (1:26; 2:20 sa ibang mga salin). Ang salitang “patay” samakatuwid ay dapat maunawaan bilang walang silbi o walang pakinabang sa halip na hindi umiiral.
  6. Sa 2:19 ang pananampalataya ng mga demonyo ay nagpapakita rin ng walang kapakinabangan ng pananampalatayang walang mga gawa. Ang kanilang pananampalataya ay hindi makaliligtas sa kanila sa anumang paraan, sapagkat ito ay pananampalataya lamang sa monoteismo, at hindi kay Jesucristo. Ang punto ng pagkabanggit sa kanila ay sapagkat sila ay nanginginig lamang, hindi sila gumagawa ng anumang mabubuting mga gawa upang pagaanin ang nakatatakot na paghukom. Ang kanilang pananampalataya ay walang pakinabang sa kanila.
  7. Marami ang nakakikilala na nang banggitin ni Santiago ang “pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa” (2:21, 24, 25) hindi niya tinutukoy ang ibinilang na katuwiran na nagliligtas sa atin magpakailan pa man ayon sa paggamit ni Pablo ng termino (Rom 3:24; 4:5). Ito ay magiging kabalintunaan sa Biblia. Si Santiago ay nagbabanggit ng bindikasyon o pagbibigay matuwid sa harap ng iba. Kahit si Pablo ay kinikilala ang gamit na ito ng salitang “inaring matuwid” sa Roma 4:2. Mayroong dalawang uri ng pag-aaring matuwid sa Biblia. Ang isa ay ang praktikal na katuwiran na nagmamatuwid sa atin sa harap ng mga tao. Ang isa ay may kinalaman sa hudisyal na katuwiran na nagmamatuwid sa atin sa harap ng Diyos. Malinaw na ginagamit ni Santiago ang diwang praktikal sapagkat si Abraham ay hudisyal nang inaring matuwid sa Genesis 15:6 (2:23) bago niya hinain si Isaac sa Genesis 22 (2:21). Ang kaniyang bindikasyon sa harap ng iba ay nakita nang tawagin nila siyang “kaibigan ng Diyos” (2:23). Samakatuwid ang pananampalataya ni Abraham ay “naging sakdal” o ganap sa pagpapakita ng kaniyang pananampalataya (2:22).
  8. Sa Santiago 2:26 si Santiago ay hindi nagsasabing ang pananampalataya ay nagpapasigla sa mga gawa, ngunit ang mga gawa ay nagpapasigla sa pananampalataya. Ang mga gawa ang gumagawang kapakipakinabang ang pananampalataya, kung paanong ang espiritu ang gumagawa sa katawan na kapakipakinabang. Ang isyu ay hindi kung ang pananampalataya ay umiiral sa isang tao, kundi kung paano ang pananampalataya magiging kapakipakinabang o kagamit-gamit sa isang Kristiyano.

Pagbubuod

Ang pasaheng ito sa Santiago ay isinulat sa mga Kristiyano upang hikayatin sila na gumawa ng mabubuting mga gawa na magsasakdal ng kanilang pananampalataya at magiging kapakipakinabang sa kanila at sa iba. Walang salungatan sa pagitan ni Santiago at Pablo. Kapag bumabanggit si Pablo ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, binabanggit niya ang katuwiran sa harap ng Diyos. Kapag si Santiago ay bumabanggit ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalatayang gumagawa, binabanggit niya ang isang praktikal na katuwiran na nahahayag sa harap ng ibang tao. Sa Roma 3-5, tinatalakay ni Pablo kung paano magkamit ng bagong buhay kay Kristo. Sa Santiago, tinatalakay ni Santiago kung paano gawing kapakipakinabang ang bagong buhay na iyan.

Kung ang pasaheng ito ay ipakahuhulugan na ang tao ay kailangang ipakita ang “tunay” na kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa, ang mga gawa ay hindi maiiwasang maging kinakailangan para sa kaligtasan- isang pagsalungat sa Efeso 2:8-9. Gayun din walang pamantayang nabanggit para sa tiyak na uri o gaano karaming mga gawa ang magpapatunay ng kaligtasan. Binubuksan nito ang pintuan sa suhetibismo at pinapanghina ang obhetibong saligan ng katiyakan- ang pangako ng Salita ng Diyos na ang lahat ng nanampalataya sa gawa ni Kristo ay maliligtas.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes