GraceNotes
   

   Ang Mga Arminians at Ang Ebanghelyo ng Biyaya

Ang teolohiyang Arminiano (hindi Armeniano na isang nanggaling sa bansang Armenia) ay ipinangalan sa tagataguyod nito, ang teologong Dutch na si Jacob Arminius (1560-1609), na tumutol sa matinding determinismo ni John Calvin. Namatay si Arminius bago niya pormal na maiharap ang kaniyang mga argumento, ngunit ang kaniyang mga tagasunod ay pormal itong ipinahayag sa limang artikulo sa Remonstrance ng 1610, na kalauna’y kinalaban nang ang Synod ng Dort (1618-1619) ay inorganisa ang Calvinismo sa 5 puntos na kinakatawan ng akronim na TULIP (Total Depravity, Unconditional Grace, Limited Atonement, Irresistible Grace at Perseverance of the Saints- Ganap na Deprabidad, Hindi Kundisyunal na Biyaya, Limitadong Pagtubos, Hindi Malalabanang Biyaya at Pagtitiis ng mga Banal).

Ang Arminianismo at ang Calvinismo

Hindi layunin ng pag-aaral na ito na idepina at ipaliwanag ang limang puntos ni Arminius. Ang kaniyang pangunahing pagtutol ay ang determinismo ni Calvin na nagturong ang Diyos ay tinalaga at pinili ang ilang tao para sa walang hanggang kaligtasan at ang ilan sa walang hanggang kapahamakan. Gamit ang mga pasahe gaya ng Roma 8:29 (“Sapagkat yaong mga nang una pa’y Kaniyang nakilala, ay itinalaga naman Niya...”), pinanghawakan ni Arminius na ang Diyos ay naghirang base sa unang pagkakita ng mga mananampalataya kay Cristo. Gaya ni Calvin, si Arminius ay naniniwala sa ganap na deprabidad, ngunit sa diwang ang mga tao ay ganap na hiwalay sa Diyos at walang kakayahang tumugon sa Kaniya hiwalay sa nagkukumbinse’t nanghihilang gawa ng Espiritu Santo. Gaya ni Calvin, kinondena inni Arminius ang teolohiyang Pelagiano (mula sa monghe ng ikalimang siglo na si Pelagius) na nagturong ang mga tao ay may kakayahan sa kanilang sariling tumugon sa Diyos. Sa halip, naniniwala si Arminius na ang Espiritu Santo ay gumagawa sa hindi mananampalataya upang buksan ang kanilang puso sa ebanghelyo at tumugon sa pananampalataya. Ito ay minsang tinatawag na prevenient grace, enabling grace o pre-regenerating grace (tumutulong na biyaya bago ang kapanganakan muli). Ang teolohiyang Arminiano ay naiba rin sa Calvinismong TULIP sa panghahawak sa pangkalahatang pagtubos (laban sa limitadong pagtubos), sa biyayang malalabanan (laban sa hindi malalabanang biyaya) at sa pagtitiis upang mapanatili ang kaligtasan (laban sa sa pagtitiis upang patunayan ang kaligtasan).

Hindi gaya ng Calvinismong TULIP, ang Arminianismo ay hindi nagtuturong ang tao ay kailangang ipanganak muna bago siya makasampalataya. Ngunit ang pagbibigay diin sa malayang kalooban ng tao at sa kakayahang manampalataya ay nagresulta sa paniniwalang ang isang tao’y maaaring sadyaing bawiin ang pananampalataya at maiwala ang kaniyang walang hanggang kaligtasan. Hindi ganap na naitatag ni Arminius ang kaniyang pananaw sa pagkawala ng kaligtasan bago siya mamatay. May ilang pahiwatig na inisip niyang ang pagkawala ng kaligtasan ay pinal. Tinuro niyang ang katuwiran ni Cristo ay ibinibilang sa isang mananampalataya hangga’t siya’y nananatili kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi siya handang sabihing ang mga makasalanang gawa ay sapat upang maiwala ang kaligtasan kung ang isang tao ay may pananampalataya pa kay Cristo. Subalit, tila ginagawa niyang ebidensiya ng pananampalataya ang mga gawa, at sang-ayon na kung ang isang taong namumuhay nang makasalanan ay walang saligan ng katiyakan ng kaligtasan.

Ang Arminianismo ngayon ay nagkakaiba-iba sa kanilang sistema ng pananampalataya. Ang ilan ay nanghahawak na ang kaligtasan ay hindi maiwawala samantalang ang iba ay naniniwalang ang kaligtasan ay maiwawala ngunit muling maibabalik, samantalang ang iba ay naniniwalang maiwawala ito na wala nang pag-asang maibalik. Dinebelop ni John Wesley (1703-1791) ang Arminianismo sa pinakalaganap nitong anyo. Naniniwala siyang maiwawala ang kaligtasan base sa pagtalikod sa pananampalataya o sa makasalanang mga gawi. Ang Arminianismong Wesleyan ang basehan sa ilang pangunahing denominasyon gaya ng Methodist, Church of Christ, Nazarene, Pentecostal, Assembly of God at ilang Baptists. Maraming iglesiang naghahawak sa paniniwalang halong Calvinistiko at Arminiano.

Ang Arminianismo at ang biyaya ng ebanghelyo

Ang pangunahing katangian ng teolohiyang Arminiano ngayon ay ang paniniwalang ang isang taong ipinanganak na muli ay maaaring maiwala ang kaniyang kaligtasan. Ito ay lumilikha ng mga suliranin para sa mga naniniwala sa ebanghelyo ng libreng biyaya at walang hanggang seguridad. Dahil sa ang biyaya, sa depinisyon, ay hindi kundisyunal, hindi ito nakadepende sa pantaong merito o gawi. Kung ang biyaya ay hiwalay sa mga gawa, ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugang ang isang tao ay hindi matatamo ang kaligtasan o maiwawala ito dahil sa kaniyang magagawa o hindi magagawa.

Ang mga Arminiano ay dapat tumanggap ng kredito sa pagkatantong ang ilang mahihirap na pasahe’y nakaadres sa mga Cristiano. Ito ay mas maigi kay sa ilang interpretasyong Calvinistiko na madalas maglatag ng mga kategoriya ng nagpapakilalang mananampalataya, hindi nananampalatayang mananampalataya, o potensiyal na mananampalataya upang maipaliwanag ang mga tekstong tila nagsasabing ang mananampalataya’y maiwawala ang kaligtasan o mga tekstong nagbabanggit ng matinding kahatulan (halimbawa ay ang mga babala sa Hebreo). Subalit nagkakamali ang mga Arminiano sa pag-iisip na maiwawala ng mga mananampalatayang ito ang kanilang kaligtasan (tingnan Ang Tala ng Biyaya Blg 24 tungkol sa walang hanggang kasiguruhan). Ang kanilang teolohiya ay walang puwang para sa lenggwahe ng pansamantalang paghatol ng Diyos ng mga nagkakasalang mananampalataya o ng mga konsekwensiya sa hindi tapat na mananampalataya sa Hukuman ni Cristo.

Kailangang ipaliwanag ng mga Arminiano kung ang pagkawala ng kaligtasan ay pinal (na kung ganuon ay tila pahiwatig ng Hebreo 6:4-6; tingnan ang Tala ng Biyaya Blg 39 sa Hebreo 6:4-8) o kung hindi, paano ang isang tao’y maliligtas muli. Dapat bang manampalataya muli ang mga nanampalataya kay Cristo bilang Tagapagligtas ngunit tinakwil ang pananampalatayang iyan? Ilang beses ito maaaring mangyari? O paano mababawi ng mga nawalan ng kaligtasan ang kaligtasang ito? Nanampalataya na sila kay Cristo bilang Tagapagligtas, kung ganuon ano pa ang pwedeng gawin? Kung ididiing kailangan nilang tumalikod mula sa mga kasalanan upang maligtas muli, seryosong mga problema ang lumilitaw. Una, dinaragdag nito sa pananampalataya ang ikalawang kundisyon ng pagtalikod sa mga kasalanan na lumilikha ng ebanghelyo ng mga gawa. Ang walang kundisyong biyaya ay tinatanggi o minamaliit sa kabila ng turo ng Roma 5:20 na nagsasabing, “kung saan ang kasalanan ay nananagana, ang biyaya ay mas nananagan.” Ikalawa, imposibleng ipakita kung anong mga kasalanan ang magiging dahilan ng pagkawala ng kaligtasan. Ang lahat ng kasalanan ay makasalanan. Ang Biblia ay walang espisipikong listahan ng mga kasalanang magdadala ng pagkawala ng kaligtasan. Ikatlo, ang tao ay naiiwang magdesisyon kung ang kaligtasan ay nawala base sa subhetibong opinyon o damdamin.

Ang Arminianismo at katiyakan ng kaligtasan

Sa ilalim ng Arminianismo, ang katiyakan ng isang mananampalataya ay nasa krisis. Samantalang kanilang pinipili na sila ay maaaring magkaroon ng katiyakan ngayon kung sila ay namumuhay nang matuwid, hindi sila makatitiyak kung may kaligtasan sila bukas dahil laging nariyan ang posibilidad ng kasalanan at pagtalikod. Ang kundisyunal na katiyakang ito ay hindi ang ganap na katiyakang tinuturo ng Biblia sa mga pasaheng gaya ng Juan 5:24; 6:37-40; 10:28-29; 17:12; Roma 8:30-39; 2 Timoteo 2:13; at 1 Juan 5:11-13 (tingnan ang Tala ng Biyaya tungkol sa katiyakan sa Roma 8).

Pagbubuod

Samantalang ang Calvinismo ay napasobra ang diin sa soberanyang kalooban ng Diyos, ang Arminianismo ay napasobra ang diin sa malayang kalooban ng tao. Kailangan nating labanan ang tuksong magtutulak sa atin sa mga hangganan ng isang teolohiya sa halip na madala sa katotohanan ng Biblia na nagtuturo pareho ng soberanya ng Diyos at malayang kalooban ng tao. Kung dadalhin sa kanilang teolohikal na hangganan, ang Calvinismo’t Arminianismo ay parehong kinokompromiso ang ebanghelyo ng kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Diyos ay masoberanyang dineklara na ang tao ay may malayang pagpili, at kung ganuon ang kalooban ng Diyos at kalooban ng tao ay nagtatrabahong magkatulong kapag ang isang tao ay nanampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas. Anumang sistemang teolohikal na nanghihingi ng mga gawa upang matamo, maingatan o mapatunayan ang kaligtasan ay salungat sa biyaya ng Diyos at kung ganuon ay hindi biblikal.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes